ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 19, 2025

Pinagtibay ng Senado ang isang concurrent resolution upang matiyak ang mas transparent na proseso sa pagtalakay ng 2026 national budget. Mahalagang hakbang ito upang masimulan ang tinatawag nating ‘Golden Age of Transparency and Accountability,’ kung saan hihikayatin din natin ang mas aktibong pakikilahok ng publiko sa pagtalakay ng ating pambansang pondo.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, nagpapasalamat tayo sa suporta ng lahat ng ating mga kasamahan sa Senado. Ipinapakita nito na determinado ang inyong mga kinatawan sa Senado na tiyaking bawat sentimo ng buwis na ibinabayad ng ating mga mamamayan ay nagagasta nang tama.
Upang maging mas malinaw ang pagtalakay natin sa national budget, iminumungkahi nating isapubliko ang mahahalagang mga dokumentong may kinalaman sa mga ilalaang pondo sa susunod na taon.
Sa mga nagdaang taon kasi, dalawang dokumento lamang ang nakikita ng ating mga kababayan. Una rito ang National Expenditure Program (NEP) o ang panukalang budget ng Pangulo na isinusumite sa Kongreso. Pangalawa ay ang General Appropriations Act o ang pinal na bersyon ng national budget na pirmado ng Pangulo.
Sa Kamara nagsisimula ang tinatawag na General Appropriations Bill (GAB) bago ito isumite sa Senado. Batay sa pagdinig hinggil sa NEP at sa GAB na isinumite ng Kamara, bumubuo rin ang Senado ng sarili nitong bersyon ng national budget. Matapos ipasa ng Senado ang bersyon nito ng national budget sa huli at ikatlong pagbasa, magkakaroon ng bicameral conference kung saan nireresolba ang mga pagkakaiba sa mga bersyon ng Senado at Kamara. Kailangang maratipikahan ng parehong kapulungan ang bersyon ng national budget na napagkasunduan sa bicameral conference bago ito maipadala sa Pangulo para sa kanyang lagda.
Nais nating makita ang mga nagaganap na pagbabago o galaw sa bawat yugto ng pagtalakay sa national budget at isinusulong nating maisapubliko sa website ng parehong Senado at Kamara ang mahahalagang mga dokumentong may kinalaman dito.
Isinusulong din nating magkaroon ng mekanismo para maibahagi ng publiko ang kanilang mga mungkahi at mga pagsusuri sa panukalang budget. Sa ganitong paraan matitiyak nating hindi lang transparency ang meron tayo, kundi accountability o pananagutan sa publikong ating pinaglilingkuran.
Sa mga darating na araw ay magsisimula na ang mga talakayan sa Senado tungkol sa national budget. Hinihikayat ko ang ating mga kababayan na aktibong makilahok sa diskusyon upang tiyak na maisakatuparan natin ang inaasam nating ‘Golden Age of Transparency and Accountability.’
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




