ni MC / VA - @Sports | June 16, 2022

Kinapos ang Gilas youth team kontra Japan, 73-67, para sa ikalawa nilang laro sa 2022 FIBA Under-16 Asian Championship noong Martes ng gabi sa Al-Gharafa Sports Club Multi-Purpose Hall sa Doha, Qatar. Nauwi sa wala ang double-double na 18 puntos at 16 rebounds ni Caelum Harris para sa Philippine Under-16 squad matapos nilang mabigo sa mga Hapon na pinamunuan ni Yuto Kawashima na nagtala ng 26 puntos
May dalawa ring Hapones ang nagtala ng double double performance sa katauhan nina Leon Watanabe at Eijiro Ogawa na kapwa tumapos na may 16 puntos at 14 rebounds. Sanhi ng kabiguan, bumaba ang Gilas sa no. 2 spot sa kanilang grupo. Sunod nilang kakalabanin ang Kazakhstan para patuloy na buhayin ang tsansang umabot ng susunod na round.
Samantala, usapin sa kalagayan ng Philippine professional sports ang tatalakayin at hihimayin sa pagbabalik ng sesyon ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayong Huwebes, Hulyo 16, via Zoom.
Pangungunahan ni Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang pagsabak ng Games and Amusements Board (GAB) – ang ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa pro athletes, coaches, at officials, gayundin ang pro leagues at tournaments – sa malayang usapan ng 10 a.m. sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), GAB at PAGCOR.
Inaasahan din ang partisipasyon nina Commissioners Ed Trinidad at Raul Lagrisola, kasama ang ilan pang mga opisyal ng ahensiya na nasa ilalim ng Office of the President. Nakasentro ang usapin sa kaganapan sa pagdalo ng GAB sa International Boxing Federation (IBF) convention kamakailan, gayundin sa ilang programa na naging dahilan para sa pagdami ng mga pro league sa bansa sa kabila nang pinagdaanang hamon dulot ng COVID-19 pandemic sa nakalipas na dalawang taon.




