top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 10, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nabalitaan ko ang tungkol sa One Town, One Product (OTOP) Philippines Program ng ating gobyerno. Ano ang mga produkto o serbisyo na kasama sa nasabing OTOP Philippines Program? Salamat po. — Dannie Yan



Dear Dannie Yan,


Matatagpuan ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 6 ng Republic Act (R.A.) No. 11960, na kilala rin sa tawag na “OTOP Philippines Act.” Ayon dito:


“Section 6. Products and Services Covered. - The OTOP Philippines Program shall cover products and skills-based services known to an area or locality. This shall include, but not limited to, the following products and services:


(a) Processed foods such as fruits and nuts, local delicacies, juices, wines, tea, and other beverages, pastries and baked goods, preserved food sauces, cakes and dessert products, food supplements, and culinary-based specialty products;

(b) Agricultural-based products such as coffee, cacao, and other agricultural produce, agri-processed products like processed meats, coconut oil, and preserved and processed seafood products;

(c) Home and fashion, and creative artisanal products such as gifts, souvenir items, furniture, ornaments, houseware, garments, fabrics, and textiles;

(d) Arts and crafts such as coco coir, weaves, bamboo products, paper artistry, and wood;

(e) Skills-based services and other products such as hilot or traditional Filipino massage, sculpting, essential oils and other wellness products, industrial goods, soaps, and other personal care goods, and cosmetics; and

(f) Such other goods and services that are eligible under Section 7 of this Act and as approved by the DTI.”


Ayon sa polisiya ng ating gobyerno, kailangang bumuo ng isang pambansang ekonomiya na umaasa sa sarili, malaya, at epektibong kontrolado ng mga Pilipino, sa pamamagitan ng mga patakaran at programa na nagtutulak sa inklusibong lokal na aktibidad sa ekonomiya at nagpapalakas ng pambansang paglago ng ekonomiya. Kinikilala rin ng Estado ang napakahalagang papel ng pribadong sektor at negosyo, at ang pangangailangang magbigay ng mga insentibo upang mapalakas ang pagsulong sa mga negosyo, lalo na ng mga tinatawag na micro, small and medium enterprises (MSMEs).


Dahil dito, ang One Town, One Product (OTOP) Philippines Program ay itinatag at idineklarang maging isa sa mga programa ng gobyerno upang pasiglahin at hikayatin ang paglago ng mga MSMEs.


Kung kaya, bilang kasagutan sa iyong katanungan, nabanggit sa taas ang mga produkto at serbisyo na maaaring mabilang o makasama sa OTOP Philippines Program.  Ang ilan dito ay (a) mga naprosesong pagkain; (b) mga produktong pang-agrikultura;  (c) produktong pambahay at pang-moda, at mga malikhaing produktong artisanal; (d) mga sining at kasanayan; (e) serbisyong nakabatay sa kasanayan at iba pang kaugnay na mga produkto; at (f) iba pang mga produkto at serbisyo na karapat-dapat sa ilalim ng Seksyon 7 ng R.A. No. 11960 at ayon sa inaprubahan ng Department of Trade and Industry.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 10, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa loob ng mahabang panahon, hindi nakatanggap ang ating mga mag-aaral ng kumpletong mga aklat na may mahalagang papel sa kanilang pagkatuto. Ngayong taon, naglaan tayo ng sapat na pondo upang matiyak na bawat mag-aaral ay magkakaroon ng kumpletong mga aklat.


Sa ilalim ng 2026 national budget, P19.5 bilyong pondo ang inilaan natin para makumpleto ang mga textbook na kinakailangan ng ating mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 12.


May ilang mga pag-aaral na ang kakulangan ng mga aklat sa ating mga mag-aaral ay nagpakita ng pinsala sa kanila.


Ayon sa 2024 Southeast Asia Primary Learning Metrics, 42% ng mga mag-aaral sa Grade 5 ang nagbabahaginan ng mga aklat. Kung ihahambing sa datos noong 2019, lumalabas na halos kalahati ng mga mag-aaral ang nawalan o kinulang ng mga aklat noong 2024.


Kung susuriin pa natin ang datos ng 2024 SEA-PLM, lumalabas na 23% ng mga mag-aaral ang gumagamit ng aklat kasama ang isa pang mag-aaral, samantalang 19% ang gumagamit ng aklat kasama ang dalawa o higit pang mag-aaral. Lumabas din sa SEA-PLM na para sa mga mag-aaral na Pilipino, ang pagkakaroon ng mga aklat ay maiuugnay sa mas mataas na marka sa reading at mathematics.


Sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) naman, lumabas na 55% ng ating mga 15-taong gulang na mga mag-aaral ay pumapasok sa mga paaralan, kung saan iniulat ng punong-guro ang kakulangan sa mga educational materials, kabilang ang mga textbook, information and communications technology (ICT) equipment, library o laboratory materials.


Samantala, 49% naman ang mga nasa paaralan kung saan iniulat ng mga punong-guro nila ang kakulangan o mababang kalidad ng mga educational materials.Noong 2024, iniulat din ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang mga hamong may kaugnayan sa kakulangan ng mga textbooks.


Lumabas sa pag-aaral ng Komisyon na mula 2014 hanggang 2023 ay 27 textbooks lamang ang nabili ng Department of Education (DepEd).


Ayon pa sa Komisyon, mga mag-aaral sa Grade 5 at 6 lamang ang nagkaroon ng kumpletong mga textbooks.Pinuna rin ng EDCOM II na nitong mga nagdaang taon, hindi lubos na nagamit ng DepEd ang pondong inilaan para sa pagbili ng mga textbooks.


Matatandaang iniulat ng Komisyon na sa P12.65 bilyong inilaang pambili ng textbooks mula 2018 hanggang 2022, 951.9 milyon o pitong porsyento lamang ang na-disburse. Kamakailan ay sinimulan na ng DepEd ang mga reporma pagdating sa pagbili ng mga textbooks.


Kung dati ay umabot lamang sa 27 na mga titles ng aklat ang nabili ng DepEd, umabot na ito sa 105 noong 2025. Ngayong taon na naglaan na tayo ng pondo para tiyaking bawat mag-aaral ay may aklat, mahalagang matiyak ng DepEd ang pagpapatuloy ng mga repormang maghahatid ng kumpletong mga textbook sa ating mga mag-aaral.


Patuloy naman nating babantayan kung paano ginagastos ng pamahalaan ang 2026 national budget, lalo na ang makasaysayang pondong inilaan natin para sa sektor ng edukasyon.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Leonida Sison @Boses | March 10, 2026



Boses by Ryan Sison


Delikado at nakagagalit na tila paulit-ulit na lamang ang trahedyang dulot ng hazing sa bansa. 


Hindi na dapat ituring na simpleng krimen o isolated incident ang mga ganitong kaso. 

Kapag ang karahasan ay planado, may malinaw na sistema, at ginagawa ng organisadong grupo, malinaw na mas malalim ang problema. 


Ang bawat buhay na nawawala dahil sa hazing ay paalala na may seryosong pagkukulang sa pagpapatupad ng batas at pananagutan ng mga institusyon.

Ito ang dahilan kung bakit nananawagan ang isang opisyal na ituring na organized crime ang hazing sa bansa.


Ang panawagan ay kasunod ng pagkamatay ng 19-anyos na maritime student, matapos sumailalim sa initiation rites ng Tau Gamma Phi fraternity.


Ayon sa opisyal, hindi simpleng pagpatay ang nangyayari sa mga insidente ng hazing. Aniya, ang mga ganitong aktibidad umano ay isinasagawa sa paraang organisado, na may malinaw na hierarchy, mga nakatalagang papel, at kakayahang pinansyal ng grupo. Dahil dito, nararapat lamang na tratuhin ang mga kasong hazing bilang krimeng ginagawa ng mga organisadong grupo, at hindi lamang bilang indibidwal na pananagutan.


Nagpahayag din ng matinding galit ang mambabatas sa patuloy na pagkawala ng buhay ng mga kabataang sumasailalim sa ganitong ritwal. 


Nanawagan din sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at Department of the Interior and Local Government (DILG) na seryosong imbestigahan ang hazing bilang bahagi ng organized criminal activity.

Iminungkahi rin na kung ipatutupad ang ganitong pananaw, dapat ituring na criminal syndicates ang mga fraternities na sangkot sa hazing. Binanggit din na ang Tau Gamma Phi fraternity ay ilang ulit nang nadadawit sa mga kaso ng hazing at dapat nang masusing imbestigahan.


Dagdag pa rito, iminungkahi pa sa Securities and Exchange Commission (SEC) na suspindihin o bawiin ang rehistro ng Tau Gamma Phi bilang non-profit association. 

Obligahin din ang mga fraternities at kanilang mga chapter na magparehistro sa DILG at sa mga lokal na pamahalaan.


May pagkukulang din ang ilang barangay, lungsod, at bayan dahil wala silang malinaw na database o talaan ng mga fraternities na aktibo sa kanilang nasasakupan. Hindi rin nakapagtataka ang kakulangan ng monitoring dahil may ilang opisyal ng barangay at maging mga pulis na miyembro rin ng mga fraternity.


Pinuna rin ang ilang paaralan at ang Commission on Higher Education (CHED) dahil sa umano’y pag-iwas sa pananagutan. Aniya, may mga institusyong hindi kinikilala ang fraternities bilang organisasyon sa loob ng campus upang makaiwas sa administratibong responsibilidad.


Ang patuloy na pagkakaroon ng hazing incidents ay nagpapakita na hindi sapat ang kasalukuyang sistema ng regulasyon at pananagutan. 


Ang kabataang naghahanap ng pagkakapatiran ay hindi dapat humantong sa karahasan o kamatayan.


Ang pagtrato sa hazing bilang organized crime ay maaaring maging mahalagang hakbang upang mapigilan ang ganitong karumal-dumal na gawain. 

Ang tunay na sukatan ng hustisya ay kung paano napoprotektahan ang buhay ng mga kabataan laban sa mga sistemang nagtatago sa likod ng tradisyon at kapatiran.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page