top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | November 19, 2025



Boses by Ryan Sison


Kung may isyung dapat matagal nang nabigyan ng seryoso at pangmatagalang solusyon, ito ang baha, isang problemang taun-taon na lang ay parang normal na laging nararanasan ng taumbayan. 


Kaya ngayon ay iginiit ng Quezon City Government na panahon na para tumodo sa science-based at long-term solution, isa itong hakbang na dapat noon pa sana ginawa, hindi lang sa QC, kundi sa buong bansa. 


Sa pagbubukas ng QC Flood Summit 2025, sinabi ni Mayor Joy Belmonte na ang paulit-ulit na pagbaha ay nagiging “collective trauma” na ng mga residente, lalo na sa mga lugar na madalas nang binabaha. 


At hindi ito exaggeration, dahil noong 2024, mahigit 22,000 pamilya ang inilikas sanhi ng mga bagyong nagdulot ng malawakang pagbaha, pruweba na matindi na ang pinsalang idinulot ng problema sa tubig-baha at kapabayaan. 


Sa 142 barangay ng lungsod, 59 ang classified bilang flood-prone, na halos kalahati. 

Gaya ng sinabi ng alkalde, hindi sapat ang patchwork fixes o iyong tagpi-tagping solusyon lang. Kailangan ng sistemang nakabatay sa datos at pangmatagalang pagpaplano para mabawasan ang pinsala ng matinding pag-ulan. 


Nasa sentro ngayon ng QC ang Drainage Master Plan, na nabuo kasama ang UP Resilience Institute. May 15 priority projects ito na layong pabagalin ang agos ng tubig, dagdagan ang water absorption, at bawasan ang flood volume. Kasama rito ang nature-based solutions tulad ng permeable pavements, rainwater harvesting systems, detention basins at retention ponds, at mas maayos na drainage systems. 


Habang inaasahang matatapos sa 2026 ang malaking retention pond sa Quezon Memorial Circle, na kayang kumolekta ng 928 cubic meters ng tubig. Operational naman ang detention basins sa community courts ng Gloria 2 at Palmera Homespace 3, na nagsisilbi ring public spaces. 


Samantala, ang high-capacity drainage systems sa West Avenue at Fairview ay nakakatulong na sa pagpapadaloy ng tubig kapag malakas ang ulan. 


Patuloy din ang kampanyang “Tanggal Bara, Iwas Baha,” at ang rehabilitasyon ng San Juan River at bahagi ng Tullahan River hanggang sa La Mesa Dam, sa tulong ng MMDA at San Miguel Corporation, at walang gastos ito para sa lungsod. 


Pero hindi lang imprastraktura ang dapat pagtuunan. Dagdag ni Belmonte, ang baha ay hindi hiwalay sa climate change. Kaya naman ang QC ay nagpatupad ng ban sa single-use plastics, paglipat sa electric vehicles, mga gusali ng gobyerno na solar-powered, circular waste solutions, at pinalakas na early warning systems sa ilalim ng I-Rise Up Program, na naghatid ng zero casualties noong Super Typhoon Uwan. 


Malinaw na ang baha ay hindi simpleng problema ng pagbara dulot ng malalakas na pag-ulan. Ito ay suliranin ng pamamahala, urban planning, at climate adaptation. Kung hindi ito aayusin nang buong puso at tapang, paulit-ulit tayong lulubog at malulunod sa baha na nagiging normal na lang. 


Panahon nang gawing seryosong misyon ang pagkontrol sa matinding pinsalang dulot ng mga unos at sakuna, at hindi lamang gawing seasonal inconvenience ang pagbibigay ng atensyon dito. Nararapat na maging handa ang buong bansa, para wala na muling pamilya o kababayan ang mapeperhuwisyo at mawawalan ng buhay ng dahil lamang sa baha.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 18, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez



AKALA NG MGA DDS, KAISA NILA ANG INC SA PANAWAGANG MARCOS, JR. RESIGN, HINDI PALA -- Binigyang-linaw ni Iglesia Ni Cristo (INC) spokesman Edwin Zabala na ang kanilang 3-day protest na “Peaceful Rally for Transparency” ay bilang panawagan lang sa pamahalaan na bilisan ang aksyon at papanagutin agad lahat ng sangkot sa flood control projects scam at walang layunin ang kapatiran ng INC na pabagsakin ang Marcos administration, at patunay ang ginawa ng mga marshals ng INC na hindi pinayagang makapasok ang mga kakarampot na Duterte Diehard Supporters (DDS) na may dalang mga placard na "Marcos Jr. Resign" sa Quirino Grandstand kung saan nagsasagawa ng protesta ang mga INC members.


Sa totoo lang, masakit sa damdamin ng mga DDS ang pagtabla sa kanila ng INC dahil akala nila anti-Marcos at kaisa nila ang religious group na ito na mananawagan ng Marcos Jr. resign, hindi pala, period! 


XXX


SABLAY ANG PLANO NI ZALDY CO NA ITURING SIYANG BAYANI DAHIL HINDI NA-PEOPLE POWER SI PBBM -- Sablay ang plano ni former Cong. Zaldy Co na ituring siyang bayani nang isangkot niya sina Pres. Bongbong Marcos (PBBM) at former Speaker Martin Romualdez sa Bicam insertions at flood control scandal, mali ang akala niya na mag-aalsa ang taumbayan at militar para patalsikin si PBBM sa pamamagitan ng People Power.


Wala kasing People Power na naganap, presidente pa rin si PBBM, at siya (Zaldy Co) kapag may warrant of arrest na laban sa kanya, makakabilang na siya sa mga most wanted sa ‘Pinas, boom!


XXX


KUNG SI FORMER SPEAKER ROMUALDEZ LANG ANG IDINAMAY NI ZALDY CO AT HINDI SIYA NAGLINIS-LINISAN, AT TODO-DEPENSA SI PBBM SA PINSAN NIYA, BAKA NAGKA-PEOPLE POWER NA -- Kumbaga sa pelikula, semplang sa takilya ang pabidang mga atake ni Zaldy Co laban kina PBBM at Cong. Romualdez.


Marami kasing hindi naniniwalang damay sa flood control scandal si PBBM dahil mismong Presidente ang nagbulgar sa anomalyang ito, nagtatag pa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para imbestigahan at kasuhan ang mga sangkot sa katiwalian, tapos naglilinis-linisin pa siya (Zaldy) na wala siyang pakinabang sa flood control projects.


Kung ang ginawa ni Zaldy Co ay si Romualdez lang ang idinamay niya, tutal ito (Romualdez) naman ang tinutukoy ni former Senate Pres. Chiz Escudero na mastermind daw sa flood control scam, at inamin din ng dating kongresista na nagkamal din siya, bilyun-bilyon na-scam nila sa flood control projects, saka nag-sorry sa publiko at nangakong isasauli ang mga ninakaw niya, tapos todo-pagtatanggol pa rin si PBBM sa pinsan niya, diyan baka may people power pang maganap. Ang problema naglilinis-linisan pa siya sa kabila na may mga resibo naman na ang dami niyang ninakaw sa kaban ng bayan kung kaya’t nakabili siya ng sangkatutak na air assets, period!


XXX


BAGO MAG-DEC. 15, MAY WARRANT OF ARREST NA ANG UNANG BATCH NG MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCAM, ABANGAN -- Pinangalanan na ni Ombudsman Boying Remulla ang mga personalidad na lalabasan ng Sandiganbayan ng warrant of arrest bago sumapit ang Dec. 15, 2025.


Kapag nagkatotoo iyan, ay true nga ang sinabi ni PBBM na magpa-Pasko sa Quezon City jail ang unang batch ng mga sangkot sa flood control scam, abangan!


Sa ngayon ay hindi pa malaman ng publiko kung totoo o fake news ang panawagang ito ni Sen. Imee, pero kung sakaling totoo ay isa lang ang ibig sabihin niyan, na kahit ang senadorang kapatid ng Presidente ay hindi na nagugustuhan ang pamumuno ni PBBM sa ‘Pinas, period!

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | November 18, 2025



Sabi ni Doc

Photo File


Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang dating elementary school teacher at ngayon ay manggagawa sa isang government agency na tumutulong sa mahihirap. Kamakailan ay nalaman ko na ako ay may fatty liver. Walang inireseta sa ‘kin na gamot ang doktor ngunit pinayuhan ako na kumain ng balanced diet. Bagama’t bihira naman akong uminom ng alak, pinayuhan ako na iwasan ang pag-inom ng alak. Tinawag ng doktor na non-alcoholic fatty liver ang aking kalagayan.


Mataas daw ng kaunti ang aking blood sugar level at ang aking timbang ay nasa kategorya ng obese kaya’t pinayuhan din akong magbawas ng timbang at pinapaiwas din ako sa pagkain ng matatamis na pagkain. 


May nagpayo sa ‘kin na isang kamanggagawa na ang olive oil ay makakatulong sa aking fatty liver. Ayon sa kanya, ito ang ipinayo sa kanya ng kanyang doktor na dalubhasa sa alternative medicine bukod sa pagkain ng tama at katamtaman lamang.


Nais ko sanang malaman kung makakatulong ang olive oil sa aking fatty liver, at kung may mga pag-aaral na rito. May specific na uri ba ng olive oil na mabisa at maaari kong gamitin? Sana ay masagot ninyo ang aking mga katanungan.

Masugid akong tagasubaybay ng BULGAR at ng Sabi ni Doc column. -- Maria Fe



Maraming salamat Maria Fe sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 


Ang fatty liver ay nangyayari dahil sa naiipon na taba (fat) sa ating atay (liver). Kung umabot na sa 5 porsyento at pataas ng timbang ng ating liver ang naipon na taba, matatawag na itong “fatty liver”. Maaaring lumala ang fatty liver at mapunta ito sa liver metabolic dysfunction, inflammation, fibrosis at cirrhosis ng liver. 


Ayon kay Leoni et al (2018), dahil walang lisensyadong gamot para sa paggamot ng fatty liver, ang mga maysakit ay pinapayuhan na kumain ng healthy diet, mag-exercise at magbawas ng timbang.


Sa mga pag-aaral sa non-alcoholic fatty liver ay madalas itong nakikita sa mga taong obese at may diabetes. Dahil dito, maaaring ang iyong obesity at pagtaas ng iyong blood sugar ang dahilan ng iyong fatty liver. 


Sa pag-aaral ni Chalasani at kanyang mga kasamang dalubhasa noong 2018 at mga scientist sa pangunguna ni Romero-Gomez noong 2017 ang pagkain ng healthy diet ay makakatulong laban sa fatty liver.


Nabanggit sa itaas na kinakailangang kumain ng healthy diet ang indibidwal na may fatty liver. Ayon kina Berna at Romero-Gomez (2020), ang pagkain ng Mediterranean diet ang pinaka-effective na dietary option sa mga may fatty liver. Isa sa mga main component ng Mediterranean diet ay ang olive oil. Sinasabi ng mga dalubhasa na ang dietary fatty acid composition ng olive oil pati na ang mga bioactive compounds na sangkap nito katulad ng hytroxytyrosol na may anti-oxidant at anti-inflammatory effects ang dahilan kung bakit ito epektibo laban sa fatty liver disease.


Ayon sa pag-aaral nina Nigam et al noong 2014 at ng mga dalubhasa sa pangunguna ni Rezai noong 2019, nag-improve ang fatty liver ng mga indibidwal na kasama ang olive oil sa kanilang diet. 


Sa systematic review na isinagawa ng mga siyentipiko mula sa Wilmar Biotechnology Research and Development Center sa Shanghai, China, ang olive oil ay makakatulong laban sa fatty liver at nakakababa rin ng liver enzymes. Iminumungkahi nila ang paggamit ng extra-virgin olive oil dahil sa mataas ito sa monounsaturated fatty acids (MUFA) at mga bioactive polyphenols. Isinapubliko ang resulta ng pag-aaral na ito noong October 2023 sa Journal of Functional Foods.


Sumangguni sa iyong doktor kung paano maisasama sa iyong diet ang olive oil upang makatulong ito sa iyong sakit na fatty liver disease.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan.



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page