ni Mylene Alfonso | July 2, 2020
Inaasahang hindi matutuloy ang technical launch ng DITO Telecommunity, ang third telco sa bansa, na nakatakda sa susunod na linggo.
Sa pagdinig ng Senado kahapon ay sinabi ni DITO chief administrative officer Adel Tamano na bago ang July 8 deadline nito para sa ’technical launch’, ang Dito ay kasalukuyang nagtatayo ng 1,300 cell towers, kung saan 300 dito ay gumagana na, subalit hindi ito sapat para matugunan ang ipinangakong bilis at network coverage.
Sa technical launch sinusuri ng regulators kung ang mga kasalukuyang pasilidad ng Dito ay sapat upang matugunan ang mga ipinangako na nakasaad sa ilalim ng government licenses na nakuha ng kumpanya.
Para sa 2020, ang target ay itinakda sa maximum internet speed na 27 Mbps sa 37% ng populasyon ng bansa.
Kapag sumablay ang telco sa kanilang deadline ay walang magagawa ang kumpanya kundi ang humingi ng grace period mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ayon kay dating DICT Undersecretary Eliseo Rio Jr., isa sa resource person sa Senate hearing, nangangahulugan ito na naubos na ng kumpanya ang isa sa dalawang grace periods sa pagtugon sa rollout targets sa ilalim ng prangkisa nito.