top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | June 10, 2023



Taun-taon, kada Hunyo 25, ipinagdiriwang sa buong mundo ang Day of the Seafarer o Araw ng mga Mandaragat. Unang ipinagdiwang ito globally noong 2011 para bigyang-diin ang kanilang kahalagahan at kilalanin ang kanilang napakalaking tulong sa pandaigdigang kalakalan at sa ekonomiya ng mga bansa.

Tayo po ay mayroong panukalang batas na naglalayong magpatupad ng isang Magna Carta of Seafarers. Mahigit 10 taon na po nating patuloy na isinusulong ito mula pa noong Hulyo 2007. Ikalawang termino po natin noon bilang congressman ng Aurora Province. At nang tayo naman ay palaring makapagsilbi bilang senador noong 2013, muli nating inihain ang panukala.

Hindi po natin itinitigil ang pagsusulong sa panukalang ito dahil alam natin kung gaano ito kahalaga sa ating Filipino seafarers.

Sa kasalukuyan, halos 2 milyon ang kabuuang bilang nila sa buong mundo at 490,000 dito ay pawang Pilipino. Napakalaki ng kanilang ginagampanang papel sa operasyon ng mga pinagsisilbihan nilang barko. Kung wala ang seafarers, tiyak na hindi magiging matagumpay ang galaw ng kalakalan sa ganitong sistema.

Nakalulungkot na sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, matapos ang tigil-operasyon ng kani-kanilang employers, mahigit 100,000 Pinoy seafarers ang nawalan ng trabaho. Marami sa kanila, kundi nahimpil nang napakatagal sa pinapasukang barko sa ibayong dagat, ay ilang buwan namang namalagi sa mga quarantine sites bago tuluyang pinabalik sa bansa. Bagaman bumaba umano ang bilang ng mga Filipino seafarer, nananatili pa ring malaking porsyento sa kabuuang dami ng pandaigdigan seafarers ay mga Pinoy.

Sa ating mga isinagawang pag-aaral at pananaliksik, nabatid natin na liban sa mga pinagdaanang sakripisyo, tulad ng mapalayo sa mga mahal sa buhay, madalas ay nakararanas din sila ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa loob ng barko, partikular sa kanilang labor rights. Hindi nila inaalintana ang mga paghihirap na ito na madalas ay inililihim pa nila sa kanilang mga kaanak, upang kumita lamang ng maayos.

Sa totoo lang, napakalaki ng kontribusyon ng kanilang remittances sa paggalaw ng ating ekonomiya.

Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nakapag-remit ng $6.7B o katumbas ng P37.6B ang Pinoy seafarers nitong nakaraang taon (2022). Ang ibig sabihin, tumaas ang kanilang remittances mula $6.3B noong 2020 at $6.5B noong 2021. Napakalaking tulong sa kabuhayan ng Pilipinas, kaya’t ganito na lang po ang pagsisikap nating maisulong ang ating panukala. Ito lang ang maaari nating isukli sa nagagawa nilang pag-ayuda sa ating ekonomiya.

At nitong nakaraang linggo, sa pagsasara ng first regular session ng 19th Congress, tumayong sponsor ng committee report on Senate Bill 2221 si Senador Raffy Tulfo na chairman ng Senate Committee on Migrant Workers. Ang SB 2221 po ang pinakabagong bersyon ng ating Magna Carta of Seafarers at ang pinagsama-samang 12 panukalang batas na may kaugnayan dito. Kabilang po r'yan ang ating SBN 640. Kaya naman, nagpapasalamat po ang inyong lingkod kay Senator Tulfo sa pag-uulat ng panukalang ito sa plenaryo upang sa pagbubukas ng susunod na sesyon ay matalakay na ang panukala at tuluyan nang maisabatas.

Malinaw po ang nilalayon ng ating Magna Carta of Seafarers: kabilang sa mga mahahalagang probisyon ang pagtiyak sa kaligtasan at kapakanan ng Filipino seafarers sa kanilang kinaroroonan; pagsiguro sa kaligtasan at kaayusan ng kanilang workplace upang maging maayos din ang takbo ng kanilang trabaho; pagtiyak sa kanilang right to repatriation; mahigpit na pagpapatupad ng anti-harassment at anti-bullying policies kabilang ang isang on-board at onshore grievance mechanism; pagsuporta sa kanilang propesyon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng karapatang makapag-aral at makapag-training sa abot-kayang halaga.

Naniniwala tayo na sa kasalukuyang administrasyon ay tuluyan nang maisasabatas ang panukalang ito.

Maging si Pangulong Bongbong Marcos, sa kanyang pagdalo sa Philippine Maritime Industry Summit 2023, ay nagsabing malaki ang kanyang paniwala na napapanahon na para muli ay gawing isa sa top priorities ng gobyerno ang maritime industry. Napakatagal nang nabimbin ang panukalang ito – hininog na ng panahon kaya’t dapat ay maipasa na para naman sa kapakanan ng ating mga marino.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | June 3, 2023


Simula sa Agosto 25 taong kasalukuyan, mangunguna ang Pilipnas, kasama ang mga bansang Japan at Indonesia bilang mga host ng International Basketball Federation/FIBA Basketball World Cup (FBWC).


Ang FBWC ang itinuturing na pinakamalaki at pinaka-prestihiyosong basketball event sa buong mundo na nilalahukan ng mahigit 30 bansa tulad ng powerhouse na mga koponan ng Estados Unidos at ng Spain.


Isa rin sa highlight nito, sa kauna-unahang pagkakataon na higit sa isang bansa ang magho-host ng basketball event na ito mula nang mag-umpisa noong 1950.


Tatagal ang FBWC 2023 hanggang Setyembre 10, 2023, kung saan 90 games ang paglalabanan. Sa kabuuang bilang ng laro, 52 ang gagawin sa malalaking venue tulad ng Mall of Asia Arena, Smart Araneta Coliseum at sa Philippine Arena.


Ang kaabang-abang pa rito, ang pinal na bahagi ng torneo ay gagawin dito sa bansa at tiyak na lalahukan ng ating magaling na koponang Gilas Pilipinas.


Ayon kay G. Ramon Suzara na siyang chief implementor ng Local Organizing Committee for the FBWC 2023, tinatayang mahigit 3,000 participants ang darating – hindi lang mula sa mga kalahok na koponan kundi mula rin sa FIBA organization, mga representante mula sa dalawa pang host countries, media, sponsors, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang embahada.


Mababatid na ito ang pangalawang beses na magho-host tayo ng FIBA – nauna na noong 1978, pero posibleng malaki ang mga pagbabago rito sa kasalukuyan.


Kaya tayo ay umaasa na magiging matagumpay ang ating hosting.


Paano nga ba natin nakuha ang hosting post?


Noong 2017, inilaban ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang karapatang makapag-host tayo sa FBWC 2023. At nu'ng ma-award sa atin ang hosting, agad-agad tayong naghanda para rito kahit pa sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic nang mga sumunod na taon.


Bagama’t paralisado ang galaw ng mga sektor, locally and internationally, nagawa pa rin ng SBP at ng LOC na makipag-ugnayan sa FIBA leadership, gayundin sa mga kinatawan ng Japan at Indonesia na makakasama natin sa hosting. Dahil d'yan, nagkaroon ng iba’t ibang marketing strategies tulad ng paglulunsad sa FBWC official mascot na tinawag nilang “JIP” na sumasagisag sa tatlong host countries.


Liban d'yan, nagkaroon din tayo ng promotional events and ceremonies, at kinuha rin ang tulong ng malalaking pangalan sa larangan ng basketball na kinabibilangan ng NBA stars na sina Carmelo Anthony, Pau Gasol at Luis Scola. Sila ang nagsilbing Global Ambassadors para sa promosyon ng FBWC.


Local Ambassadors naman ang Philippine celebrities tulad nina Catriona Gray, LA Tenorio, Jeff Chan, Gary David at Larry Fonacier.


Sa totoo lang, napakalaki ng event na ito at tiyak na malaki rin ang maitutulong sa ating ekonomiya. Posibleng bilyun-bilyong piso ang kikitain ng bansa mula sa marketing perspective, dahil sa presensya ng mga international players. Pati ang ating turismo, tiyak na gagalaw sa mga panahong narito ang world’s best athletes.


Walang kaduda-duda, itong FBWC 2023 ang isa sa pinakamalaking events na gaganapin sa ating bansa. At ang tagumpay natin dito ay tiyak na magiging bahagi na ng kasaysayan ng FIBA.


Samantalahin natin ang pagkakataong ito na ipagmalaki ang Pilipinas sa mga dayuhan – hindi lang dahil sa galing natin sa basketball, kundi ang ganda ng ating bansa bilang tourist destination.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | May 27, 2023


Nitong nakaraang araw, pumasa na sa third and final reading ng Senado ang ating panukalang-batas na naglalayong gawing institutionalized ang proyekto ng Department of Trade and Industry (DTI) na Shared Service Facilities. Ang proyektong ito ang tutulong sa mga nagsisimulang negosyo, ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa kanilang paglawak at pag-unlad.


Ako’y nagpapasalamat at nagpupuri sa ating magigiting na kasamahang senador sa kanilang mabilis na pag-aksyon sa ating panukalang Senate Bill 2021. Ito ay bilang pag-amyenda sa RA 6977 o Magna Carta for Small Enterprises. Sakaling tuluyang maging batas, taun-taon na mapopondohan ang SSFs sa ilalim ng General Appropriations Act, kung saan libu-libong MSMEs sa buong kapuluan ang siguradong makikinabang.


May mga pagkakataon kasi na hindi napaglalaanan ng pondo ang SSFs, kaya sa pamamagitan ng panukala natin, magiging regular na ang pondo nila. Malaki ang naitutulong ng mga SSFs sa maliliit na negosyo na hindi kayang gumastos para bumili ng mga kagamitan tulad ng mga makina upang mapalago ang kanilang operasyon. Kaya dapat lang na siguraduhin natin na tuluy-tuloy ang implementasyon nito. Kung may pondo ang SSFs, may kakayahan na ang MSMEs na magkaroon at makagamit ng mga makinarya at iba’t ibang kagamitang magpapabilis sa kanilang trabaho at magpapalago ng kanilang produksyon. Ang mga equipment na ito ay kinabibilangan ng mga makina o ‘yung mas hi-tech, ‘ika nga, tulad ng 3D printers na nasa pangangalaga ng SSF fabrication laboratories (FabLabs) na maaaring upahan ng MSMEs sa maliit na halaga.


Kailangan nila ito para mas magkaroon ng dating ang mga produkto nila.


Sa ilalim ng ating bill, isang SSF Fab Lab ang itatayo sa bawat probinsya at kailangang nakapuwesto ito sa strategic locations – ‘yung mga lugar na kinaroroonan ng MSMEs para maging accessible sa kanila. Binibigyang-diin natin na prayoridad sa proyektong ito ang mga probinsyang wala pang Fab Labs para naman magamit rin nila ang mga kinakailangang makinarya.


Unang naging aktibo ang mga FabLab noong kasagsagan ng pandemya. Ang mga makinarya nila ang ginamit sa produksyon ng mga face shield, face mask, medical gowns, aerosol boxes at ethyl alcohol. Napakalakas ng kanilang operasyon noong mga panahong ‘yun dahil hindi lang dito sa atin lumakas ang demand kundi napalakas din ang importasyon natin ng mga nasabi nating pandemic supplies.


Ang napakahalaga ngayon, matulungan nating lumago ang MSMEs – maisulong natin sila sa pag-unlad at paglaki. At ang pinakamalaking maitutulong ng gobyerno ay gawing institutionalized and SSF project. Dahil isa sa adbokasiya natin na maisulong ang mga produktong Pinoy sa ilalim ng ating Tatak Pinoy (Proudly Filipino) advocacy, gagawin natin ang lahat ng makakaya natin para matulungan ang malililit nating industriya na maparami ang kanilang produksyon, lalo na sa mga complex and sophisticated products. Liban sa mas magiging competitive sila, sigurado pang makalilikha tayo ng maraming trabaho na may maayos na pasuweldo.


‘Yan ang pangunahin nating layunin sa panukalang ito at sa pagsusulong natin ng ating Tatak Pinoy advocacy.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page