top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | August 12, 2023


Tuwing Agosto, taun-taon, ginugunita natin ang Buwan ng Wika. Naisabatas ito sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 1041 noong 1997 ni dating Pangulong Fidel Ramos, bilang pagpupugay sa ating wikang pambansa.


Sa pagdiriwang ngayong taon na pangungunahan ng Komisyon ng Wikang Pilipino, tinagurian nila ang tema bilang “Filipino at Mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”


Ang pagdedeklara ng Buwan ng Wika tuwing Agosto ay bilang pagkilala sa iniwang legasiya ng yumaong Pangulong Manuel Luis Quezon na mas kilala rin bilang “Ama ng Wikang Pambansa” na isinilang noong Agosto 19, 1878 sa bayan ng Baler. Hindi lamang ang pagbibigay halaga sa sariling wika ang isinulong ng dating pangulo, kundi maging ang promosyon ng mga produktong Pinoy. Napakahalaga na maisulong ng isang bansa ang kanyang mga sariling produkto sapagkat nakatutulong ito sa kanyang pag-unlad.


Noong Agosto 12, 1936, pinagtibay ni Pangulong Quezon ang Proklamasyon Blg. 76 na nagdedeklara sa Agosto 17 hanggang 23 bilang Made in the Philippines Products Week.


Patunay na napakalaki ng pagpapahalaga ng dating Pangulo sa pag-unlad ng Pilipinas.


Sa nasabing proklamasyon, binigyang-diin niya na napakahalagang maipakilala sa bawat Pilipino ang pagbibigay-importansya sa takbo ng ekonomiya dahil malaking tulong ito para sa mamamayan at sa buong sambayanan. Ang pagpapalakas sa mga industriya, aniya, ay nangangahulugang pag-usad din ng yaman ng bansa at pag-alagwa ng ating pamumuhay.


Sabi nga ng dating pangulo, taglay ng Pilipinas ang napakaraming natural na yaman.


Ang kailangan lang, dapat itong linangin upang makatulong sa iba’t ibang industriya.


Sa kasalukuyan, marami sa ating mga industriya ang patuloy na nangangailangan ng paglilinang. Ang isa sa pinakaepektibong paraan upang mapalakas natin ang ating mga industriya ay tayo-tayo mismo ang tumangkilik sa sarili nating mga produkto.


Napakarami pa nating dapat na i-develop ng industriya sa Pilipinas. Napakalawak pa ng maaari nating ipag-unlad sa sektor. Kabilang ang adbokasiyang ito sa itinutulak nating Tatak Pinoy o Proudly Filipino strategy.


Taong 2019 nang simulan natin ang promosyon ng Tatak Pinoy sapagkat inspirasyon natin ang mga naging pahayag ng magagaling na ekonomista tulad nina Dr. Ricardo Hausmann ng Harvard University at Cesar Hidalgo ng Massachusetts Institute of Technology. Sabi nila, uunlad lamang ang isang bansa kung magagawa nitong makapag-produce ng mga produktong hindi pangkaraniwan at maibebenta ang mga ito nang malakasan.


Ito ang pangarap natin sa pagsusulong natin sa ating Tatak Pinoy – to achieve a degree of economic complexity. Sa pamamagitan nito, makalilikha tayo ng magagandang trabaho, kikita tayo nang mas malaki at mas mapatataas natin ang uri ng pamumuhay ng sambayanang Pilipino.


At upang masiguro na maisasabuhay ang ating pangarap, inihain natin ang isang panukala, ang Senate Bill 2218 o ang Tatak Pinoy Act.


Sa kasalukuyan, bilang chairman ng Senate Committee on Finance, nakapagsagawa na tayo ng pitong pagdinig para sa nasabing panukala. Matapos ito, ihahanda na ng ating komite ang report na ating tatalakayin sa plenaryo.


Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay maisabatas ang panukalang ito, lalo pa’t isa ito sa mga binibigyang prayoridad ngayon ni Pangulong Marcos. Katunayan, kabilang ito sa priority measures na kanyang ipinamamadaling aprubahan ng Kongreso na nabanggit pa niya sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | August 3, 2023


Ngayong darating na Agosto 8, ipagdiriwang sa buong daigdig ang ika-29 na International Day of the World’s Indigenous Peoples. Kung bakit sa ganitong petsa ito ipinagdiriwang, ito ang pinili ng United Nations Assembly bilang pag-alala sa kauna-unahang pulong ng UN Working Group on Indigenous Populations noong 1982.


Sa ngayon, umaabot na sa 110 indigenous cultural communities/indigenous peoples (ICC/IP) ang meron tayo sa bansa. At bawat isa sa mga komunidad na ito, ay may bilang na mula 14 milyon hanggang 17 milyon. Matatagpuan ang 61% sa kanila sa Mindanao, at 33% sa Northern Luzon.


Bagaman masasabing malaki silang bahagi ng ating populasyon, nananatiling isa sa most disadvantaged ang IPs sa Pilipinas.


Kamakailan, nagpahayag ang World Bank na kahit 6% lamang ang global population ng IPs, sila naman ang halos 20% ng pinakamahihirap na tao sa buong mundo. Ayon sa Department of Economic and Social Affairs of the United Nations, mahigit 70% ng kabuuang populasyon sa global na kinabibilangan ng IPs, ay naninirahan sa mga bansang hindi patas ang sistema ng yaman at kita. Liban sa kahirapan, sila rin ang madalas napagkakaitan ng hustisya at madalas na naisasangkot sa mga usaping may kinalaman sa mga krimen dahil sa kanilang sitwasyon sa lipunan.


Base naman sa kanilang pag-aaral sa Pilipinas, nabatid ng International Labour Organization na kadalasan, ang IPs ay matatagpuan sa mga lugar sa bansa kung saan napakataas ng unemployment, underemployment at illiteracy. At kahit pa naninirahan sila sa mismong lupang sinilangan at pinagmulan ng kanilang grupo, nanganganib na pati ang kanilang karapatan sa sariling lupa ay mawala rin.

Isa ang Pilipinas sa 144 bansa sa ilalim ng UN General Assembly na bumoto pabor sa pag-adopt sa United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples (UNDRIP) noong Setyembre 13, 2007. Ang naturang deklarasyon ay naglalayong masiguro ang kapakanan at kaligtasan ng IPs, gayundin ang kanilang karapatang-pantao at kalayaan.


Sa pahayag ng UNDRIP, binigyang-diin nila na tulad ng mga ordinaryong mamamayan, kailangang ibigay din sa IPs ang patas na pagtrato, paggalang at ang pangangalaga laban sa anumang uri ng diskriminasyon.


Maging sa ating Konstitusyon, malinaw na inaatasan ang gobyerno na kilalanin, protektahan at isulong ang karapatan ng bawat IP. Base ito sa isinasaad ng RA 8371 o ang Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) na isinabatas noong 1997.


Dahil sa kakulangan ng kaukulang datos ng IPs, madalas ay napag-iiwanan sila sa mga kinakailangang serbisyo. Ito ang dahilan kung bakit natin inihain ang Senate Bill 1167, buwan ng Agosto nang nakaraang taon upang maipanawagan ang pagtatatag ng ICCIP resource centers sa strategic areas sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ibabase ito sa pagkilala ng National Commission on Indigenous Peoples sa mga lugar na kinaroroonan ng IPs. Ang naturang centers, ayon sa ating panukala ay bubuuin ng tatlong service areas tulad ng Statistical Service Area; Human Development Index Service Area; at ang Domains Management Service Area.


Ang Statistical Service Area ang responsable sa documentation and recognition ng ICCs at IPs, sa kanilang indigenous knowledge, systems and practices, political structures, at customary laws sa pamamagitan ng census, appraisal and baseline reports and libraries.


Para naman sa Human Development Index Service Area, ito ang reresolba sa mga problema ng ICCs at IPs, at siyang magkakaloob ng kanilang mga pangunahing pangangailangan sa pamamagitan ng link-ups sa mga naaayong ahensya at departamento ng gobyerno. Kabilang sa mga tulong na ito ang training programs, scholarship grants, livelihood and enterprises at mga tulong pangkalusugan.


Sa Domains Management Service Area naman, inaatasan itong isulong ang participatory programs, projects and activities para sa ICCs at IPPs. Ito ay para matiyak ang implementasyon ng Ancestral Domains Sustainable Development and Protections Plans at iba pang umiiral na programa.


Iniakda natin ang RA 10908 o ang Integrated History Act of 2016 upang epektibo nating maipamahagi sa kaalaman at pang-unawa ng lahat ang kahalagahan ng Filipino-Muslims at ang IPs. Iniaatas ng batas ang pagtuturo ng tungkol sa kasaysayan ng Filipino-Muslim at IPs sa basic at higher education sa bansa.


Sa pamamagitan nito, mas mapapalawak ang kaalaman ng mga batang henerasyon tungkol sa kasaysayan, tradisyon at kultura ng IPs. Ito ay isa ring paraan upang maiwasan ang anumang diskriminasyon.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | July 29, 2023


Nitong Lunes, July 24, narinig natin ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na umabot ng isa’t kalahating oras.


Inilatag niya ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa loob ng isang buong taon, gayundin ang mga nakatakda pa niyang gawin sa mga darating na taon.


Nang maupo siya bilang Punong Ehekutibo noong Hunyo 30, 2022, nagsisimula pa lang tayong bumangon mula sa dagok ng pandemya ng COVID-19. Batid ng Pangulo ang mga sigalot na kanyang haharapin dahil hindi biro ang gagawin nating pagbawi mula sa sadsad na kalagayan ng bansa dulot ng COVID.


Isa sa mga binalikat ng Pangulo ang unemployment rate ng bansa na nagawa niyang pababain sa pagtatapos ng taong 2022. Mababatid na nang matapos ang taong 2021, umabot sa 7.8% ang unemployment rate sa Pilipinas. Malaking factor talaga rito ang bagsak na estado ng kalakalan sa kasagsagan ng pandemya. Pero sa pagtatapos ng 2022, bumaba ito sa 5.4%.


Isa sa mga sektor na naiangat ng administrasyong Marcos ang turismo. Alam naman natin na isa ang turismo sa talagang pinadapa ng pandemya. Sa report ng Pangulo, sa kalahating taon ng 2023, tumanggap ang Pilipinas ng 3 milyong international visitors.


Ang ibig sabihin, nakuha natin ang 62% ng target nating 4.8 million international visitors ngayong taon. Hindi pa tapos ang 2023, kaya’t malaki ang pag-asa na matudlo natin ang target.


Sa mga unang bahagi ng taon, marami sa atin ang nabahala sa inflation. Pero ang magandang balita, tuluyan itong kumalma nitong nakaraang buwan. Katunayan, mula 8.7% nitong Enero, bumaba ito sa 5.4% nitong Hunyo. Lumago rin ang ekonomiya hanggang 7.6% noong 2022. For the first quarter, pumalo sa 6.4% ang ating growth rate.


Sa kanyang SONA, sinabi ng Pangulo na pasok pa tayo sa full year target na 6-7% at ang pinakamaganda sa lahat, isa tayo sa ikinokonsiderang fastest growing economies hindi lang sa buong Asya kundi sa buong mundo.


At para masustina ang magandang katayuan ng ating ekonomiya, kailangan ang talagang pinakamahuhusay na polisiya, programa at investments. Sa pamamagitan din nito, magkakaroon tayo ng matibay na pundasyon para maging sustainable sa mahabang panahon. Kaya’t tayo ay nagpapasalamat sa Pangulo dahil binibigyang prayoridad ng kanyang administrasyon ang investments sa public infrastructure at sa capacity development ng mamamayan.


Para naman sa usapin sa agrikultura, sinabi ng Pangulo na mapalalakas ang sektor sa pamamagitan ng consolidation, modernization, mechanization and improvement of value chains. Napapanahon din ang mga bagong proyektong pang-imprastraktura na malaking kapakinabangan sa mga darating na panahon. Kabilang sa mga proyektong ito ang digital connectivity, energy, airports, seaports at mass transport. Lahat, mahalaga sa mamamayan at sa pag-abante ng ekonomiya.


Nagpapasalamat din tayo dahil tiniyak ng Presidente na prayoridad ng kanyang administrasyon ang kalusugan, partikular ang pagsiguro sa distribusyon ng allowances para sa health workers na talaga namang buwis-buhay sa kasagsagan ng pandemya.


Inihayag din ng Pangulo ang importansya ng innovation at entrepreneurship na magpapalakas sa micro-small and medium enterprises (MSMEs). At para masiguro na taglay ng mga negosyo ang kinakailangang skills para tuluy-tuloy ang takbo o operasyon, pinuri ni P-BBM ang reskilling at upskilling na ipinatutupad ng mga employer. Hiniling din niya sa mga ito na ipagpatuloy lang ang pagpapatupad sa sistemang ito upang mas mahulma ang galing at talento ng kani-kanilang mga empleyado.


Ipinaliwanag din ng Pangulo sa kanyang talumpati ang kahalagahan ng digitalization sa gobyerno. Sa pamamagitan nito kasi, mas magiging episyente at mas madali ang government transactions at mas mabibigyan pa natin ng maayos na serbisyo ang publiko. Kasabay nito, ipinangako rin ng Punong Ehekutibo ang paglilinang sa internet speed hindi lang sa Kalakhang Maynila kundi sa iba’t ibang panig ng bansa.


Lahat nang ito na nabanggit natin tungkol sa SONA ng Pangulo ay bahagi ng ating Tatak Pinoy advocacy. Ano ba ang layunin ng ating isinusulong na Tatak Pinoy? Nais nating mapalago at mapagyabong ang mga industriyang Pilipino, upang makagawa tayo ng complex, high-quality at high-value products na maaaring makipagsabayan globally.


Nagpapasalamat din tayo kay P-BBM na isa sa mga priority bills na nais niyang patutukan sa Kongreso ang ating Tatak Pinoy bill. Alam kasi niya na malaking bagay ito upang masiguro natin ang magandang kinabukasan ng Filipino industries and service providers, makilala at makapasok sa pandigdigang merkado.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page