ni Ryan Sison @Boses | October 16, 2023
Dusa na naman ang mga komyuter na pahirapan sa pagsakay sa maraming lugar sa bansa dahil sa isinasagawang tigil-pasada ngayong Lunes, October 16 ng isang transport group.
Kaya agad na nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa grupong Manibela na sakaling may mga public utility jeepney (PUJ) operators at drivers na hindi sasali o makikiisa sa kanilang transport strike ay huwag nila itong i-harass.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, malaya umano ang Manibela na ipahayag ang kanilang mga hinaing subalit huwag namang pilitin o i-harass ang hindi sasama na mga drayber at operator sa kanilang kilos-protesta.
Sinabi ni Fajardo na may mga drayber na gusto lamang pumasada para pagsilbihan at pagserbisyuhan ang kanilang mga kababayan kaya hindi sila dapat pilitin na sumali sa welga.
Gayundin aniya, sa kabila ng ginagawang maximum tolerance ng kapulisan, hindi naman sila mangingiming ipatupad ang batas kapag nagkaroon ng kaguluhan sa naturang transport strike.
Giit ni Fajardo na kapag sila ay nag-violate ng mga batas, dapat maintindihan rin nila na kailangang i-maintain ng PNP ang peace and order, habang kailangan nilang ipatupad ang batas.
Matatandaan na ikinasa ng Manibela ang transport strike bilang protesta sa jeepney modernization program at ang pagpapalawig ng kanilang prangkisa.
Handa naman ang PNP na mag-mobilize ng kanilang mga sasakyan para sa libreng sakay sa maaapektuhang mga komyuter. Nagpakalat na rin ng kanilang mga tauhan para sa pagpapanatili ng peace and order sa mga lansangan.
May ilang local government units (LGUs) na rin ang nagsuspinde ng mga klase sa mga paaralan para hindi na masuong pa sa tigil-pasada.
Naiintindihan natin ang ating mga drayber sa kanilang mga hinaing. Mataas na presyo ng mga bilihin at bayarin, sunud-sunod na taas-presyo ng krudo, at ang nalalapit na pagpapatupad ng jeepney modernization program ng gobyerno.
Subalit, sa tuwing isinasagawa nila ang tigil-pasada, ang labis na naaapektuhan dito ay ang mga komyuter na maaaring isa rito ay kanilang mga anak, kapatid, asawa at kamag-anak na napeperhuwisyo at nahihirapan sa pagsakay papasok sa kani-kanilang trabaho.
Panawagan natin sa ating mga drayber at maging sa kinauukulan na sana ay upuan ninyo ang isyu at pag-usapan ito nang mabuti para matuldukan at totoong matapos na ang problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com