ni Ryan Sison @Boses | October 07, 2023
Babala sa mga pulis na nagiging two-timer.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) Director Police Brig. General Warren de Leon, walang puwang sa buong hanay ng PNP ang mga babaerong pulis.
Bilang bahagi ng 5 Focus Agenda ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., sinabi ni De Leon, na hindi nila kukunsintihin ang anumang imoral na gawain ng ilang pulis lalo’t higit ang pambababae.
Ginawa ng opisyal ang babala matapos ang pag-aresto kay PMSgt. John Ledesma Mollenido ng IMEG, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Municipal Trial Court, Fourth Judicial Region, Tanza, Cavite.
Matatandaan na si Mollenido ay inireklamo ng kanyang misis ng concubinage, kung saan nahuli siya sa Airobez Hotel Makati kamakailan, makaraang makatanggap ng tip ang IMEG.
Sa ngayon, nasa IMEG Custodial Facility sa Camp Crame na ang naturang pulis para sa kinakailangang dokumentasyon bago ito iharap sa korte.
Mahusay ang ginawa ng ating kapulisan dahil may sinampulan na sila sa kanilang hanay na maituturing nating imoral na gawain.
Marami ngang nagsasabi na trademark na umano sa kanila ang pagiging babaero, na kapag pulis ay dapat machismo kaya nagkakaroon ng dalawa o higit pang asawa.
Kaya lang, hindi ba sa sinumpaan ninyong tungkulin ay nakapaloob doon ang loyalty o pagiging tapat? Paano n’yo maipapakita ang katapatan sa pagseserbisyo sa taumbayan, kung sa asawa pa lamang ay hindi n’yo magawang maging tapat.
Totoong hindi lahat sa kapulisan ay babaero, mayroong mga loyal sa kanilang asawa at mapagmahal talaga sa pamilya. Pero sana, tigilan na ng iba ang ganitong gawain dahil matindi ang magiging epekto nito sa pamilya lalo na sa inyong mga anak. Ituon na lang ang isip sa paglilingkod sa bayan at gawin ang tungkulin upang makatulong na mas gumanda ang imahe sa inyong hanay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com