- BULGAR
- Aug 29
ni Ryan Sison @Boses | August 29, 2025

Isang nakakadismayang report na naman ang muling nagbukas sa hindi magandang imahe ng ating mga kapulisan — isang babaeng pulis ang nagreklamo laban sa dalawang lalaking kabaro matapos umano siyang molestiyahin sa loob mismo ng police mobile.
Kung ang mga pulis ay hindi ligtas sa kapwa nila pulis, paano pa kaya ang mga ordinaryong mamamayan? Ang insidente ay hindi lamang kaso ng pang-aabuso, kundi malinaw na indikasyon ng lumalalang krisis sa loob ng institusyong dapat sana’y tagapagtanggol ng bayan.
Ayon sa ulat, naganap ang pangmomolestiya noong gabi ng Agosto 17. Isinakay umano ng mga suspek, na may ranggong Patrolman at Staff Sergeant, ang biktima sa patrol car at ipinarada sa isang liblib na lugar. Doon, ayon sa salaysay ng biktima, siya ay hinipuan at pinilit pang uminom ng alak.
Ipinahayag din ng babaeng pulis na natakot siyang magsumbong dahil sinabihan siya ng mga suspek na manatiling tahimik. Ilang araw ang lumipas bago siya naglakas-loob na magsampa ng complaint laban sa mga ito.
Dahil sa reklamo, agad na dinisarmahan at isinailalim sa preventive custody ang dalawang pulis habang patuloy ang imbestigasyon. Inilipat naman ang biktima sa Eastern Police District (EPD) upang masiguro ang kanyang kaligtasan.
Gayunpaman, kahit ligtas siya sa pisikal na banta, hindi matatakpan ang emosyonal na sugat na iniwan sa kanya — isang sugat na hindi madaling maghilom. Kung mapatunayang totoo ang mga alegasyon, nakahanda ang mga otoridad na sampahan ng administrative at criminal charges ang mga suspek na pulis.
Subalit, higit pa sa indibidwal na kaso, ito ay sumasalamin sa mas malalim na problema. Ito ang pang-aabuso ng kapangyarihan at ang kakulangan ng mahigpit na pagpapatupad ng disiplina sa loob mismo ng Philippine National Police (PNP).
Kung tutuusin, hindi sapat ang pagsuspinde sa mga pulis na may ganyang klase ng pagkakamali. Ang ganitong insidente ay hindi lamang dapat tratuhin bilang isolated case, dahil dapat ang kapulisan ang siyang kakampi at kakalinga sa mga kababaihan, at hindi maging banta pa kahit kaninuman.
Ang laban ng babaeng pulis ay laban ng lahat para sa hustisya, at higit pa rito ay pagbangon ng dignidad ng naging biktima.
Isa rin itong paalala na walang sinuman ang dapat mang-abuso sa kapangyarihan. At kung walang gagawin ang hanay ng kapulisan tungkol dito, mananatiling bulok ang kanilang sistema at maaaring mawala na nang tuluyan ang tiwala ng taumbayan.
Nawa’y ang mga mapang-abuso ay mapanagot at huwag lang basta suspendihin, bagkus sibakin upang hindi na maulit pa ang ganitong pangyayari.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




