ni Ryan Sison @Boses | July 3, 2025

Hindi na bago at batid ng marami ang naidudulot na risk sa mga indibidwal ng kanilang paninigarilyo at vaping, na maging ang mga kabataan ay sumusubok na ring gumamit nito. Gayunman, magiging mas matibay na sandata para malayo sa bisyong ito kung pangungunahan mismo nila ang kampanya ng pag-iwas dito.
Kamakailan, inihayag ng Department of Health (DOH) ang plano nitong bumuo ng mga anti-vape at anti-tobacco student council sa mga paaralan sa buong bansa. Layunin ng hakbang na ito na impluwensyahan, turuan at hikayatin ang mga estudyante na ipaalam ang panganib ng mga bisyong ito na posibleng makasira sa kanilang kalusugan.
Unang maglulunsad ng ganitong konseho ang isang iskul sa Pasig City, kung saan ang mga student leader ang mangunguna sa kampanya kontra sigarilyo at vape. Kasama ng DOH sa planong ito ang mga ahensya ng gobyerno, civil society groups, at mismong mga kabataan — isang kolaborasyon na bihirang makita sa mga kampanyang pangkalusugan.
Hindi lang ito simpleng information drive, isa itong pagkilala sa kapangyarihan ng kabataan bilang mga tagapaghatid ng pagbabago sa sariling komunidad.
Ayon sa pulmonologist na nakapanayam ng kagawaran, delikado rin ang tinatawag na third-hand smoke — ang kemikal na naiiwan sa mga damit, furniture, o pader matapos manigarilyo. Ibig sabihin, kahit ‘di naninigarilyo, apektado pa rin dahil sa pagkakalantad natin dito.
Ang datos mula sa World Health Organization (WHO) ay nakababahala, dahil mahigit 809,000 kabataang Pilipino ang gumagamit ng sigarilyo, habang higit sa 913,000 naman ang gumagamit ng e-cigarettes.
Bukod pa rito, itinuturong number one cause of death sa bansa ang paninigarilyo, base sa Global Burden of Disease survey noong 2021, nai-record ang higit 88,000 namatay dahil dito.
Ang pagtatatag ng mga student council na tututok sa kampanya laban sa yosi at vape ay hindi lamang panukalang pangkalusugan, kundi isang makabuluhang pagkilos ng mga kabataan.
Kung dati, kabataan ang target ng marketing ng sigarilyo, ngayon, sila na ang maaaring bumangga sa industriyang ito kung makasisira rin lang naman sa kanilang kalusugan.
Hindi kailangang maging eksperto para magtaguyod ng pagbabago.
Marahil sa panahong tila normal na lang ang paggamit ng vape sa eskinita, eskwelahan, o social media, panahon nang ibalik ang tinig ng kabataan — hindi para sundan ang uso, kundi para pigilan ang sariling unti-unting masira at posibleng malulong sa bisyo. Kung usok ang kalaban, dapat malinaw ang paninindigan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com