ni Ryan Sison @Boses | June 6, 2025

Sa bawat proyektong nais isagawa ng gobyerno, dapat kalakip ang layuning makabubuti para sa mga mamamayan gaya ng pagtatayo ng mga imprastruktura, mga gusali at mga daan, kabilang na rito ang mga pedestrian lane at footbridge. Ang masaklap lang ay may pagkakataong natapos na proyekto pero sa halip na makatulong ay naging pabigat pa ito sa marami.
Kaya marahil, napagdesisyunan ang pagbaklas ng isang overpass upang iwasto ang matagal nang tila kapabayaan sa urban planning ng mga opisyal.
Ito ang naging sentro ng usapin matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagpapagiba ng tinaguriang “Mt. Kamuning Footbridge” sa Quezon City — isang matarik at mapanganib na tawiran na inulan ng batikos, memes, at biro mula sa publiko.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, sinabi ng Pangulo na hindi katanggap-tanggap ang kasalukuyang disenyo ng naturang footbridge, na aniya’y tila pasakit sa mga commuter at pedestrian.
Ang overpass, na may taas na katumbas ng apat hanggang limang palapag ng gusali, ay naging simbolo ng malasakit-libre at kotse-sentrik na urban development.
Sa halip na makatulong, ito’y naging hadlang sa ligtas at maayos na pagtawid ng mga indibidwal. Hindi lang ito may problema sa disenyo dahil delikado ito sa gabi, madulas kapag umuulan, at kahit na sinabing “ligtas” ng mga opisyal, ay umuga ito sa mismong pag-inspeksyon ni Dizon.
Maging ang isang Dutch consul general na nakabase sa US ay tinuligsa ang footbridge bilang aniya, ebidensya ng sistematikong pagwawalang-bahala sa mga pedestrian.
Bilang tugon, papalitan umano ito ng mas mababang overpass na may elevator at may direktang koneksyon sa GMA-Kamuning EDSA Busway Station.
Sinabi pa ng kagawaran, ang bagong disenyo ay magbibigay ng mas madaling access sa commuters na itatayo ngayong taon.
Hindi lang simpleng imprastraktura ang ipinagigiba ng pamahalaan — kundi isang sistema ng pagpaplano na ang resulta ay matagal nang naging mapanganib para sa karaniwang tao.
Ang “Mt. Kamuning” ay paalala na ang mga proyekto ng gobyerno ay dapat nakaangkla sa tunay na pangangailangan ng tao, at hindi lamang sa budget.
Sa ganang akin, tama ang desisyong gibain na ang Kamuning footbridge dahil ito ay isang hakbang tungo sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga residente ng lungsod at iba pang gumagamit nito.
Gayundin, hindi dapat dito nagtatapos ang usapin, panahon na upang kilalanin ng mga nagpaplanong lider at nasa gobyerno na mas unahin ang mas makabubuti para sa lahat. Ang bawat overpass ay dapat maging tulay ng oportunidad at kaligtasan ng bawat mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




