top of page
Search

ni Ryan Sison @Boses | June 9, 2025



Boses by Ryan Sison

Ngayong nagsisimula na ang pagbuhos ng malalakas na ulan, kasabay nito ang pagtaas ng panganib mula sa iba’t ibang uri ng sakit. 


Kaya naman pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga mamamayan na maging mas maingat sa mga karaniwang sakit na kumakalat kapag ganitong panahon — lalo na ang dengue, dahil ito ang isa sa mga pangunahing banta tuwing tag-ulan. 


Ayon sa DOH, ang dengue ay dulot ng kagat ng lamok na nangingitlog mula sa nakatiwangwang na tubig o stagnant water. Ang mga sintomas nito ay ang mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, pagduduwal, at mga pantal. Ang isang indibidwal na may dengue ay maaaring makaranas ng sintomas ng apat hanggang 10 araw matapos na makagat ng lamok. 

Batay pa sa ulat, tumaas ng 240 porsyento ang kaso nito sa Metro Manila sa unang tatlong buwan ng 2025. 


Bukod sa dengue, nagbabala rin ang kagawaran ukol sa iba pang sakit gaya ng diarrhea, typhoid fever, hepatitis, trangkaso o may kaugnayan sa mga water-and foot-borne diseases, influenza-like illnesses, at leptospirosis. Ang mga ito ay karaniwang nanggagaling sa kontaminadong tubig, pagkaing hindi ligtas kainin, at paglusong sa baha. 


Upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng mga sakit, muling pinapaalala ng DOH ang “4T strategy”, (Taob, Taktak, Tuyo, Takip) — mga simpleng hakbang na maaaring gawin sa bawat tahanan para maiwasan na may pamumugaran ang mga lamok. Gayundin, plano ng kagawaran ang integrated vector control initiative na layong paigtingin ang mga hakbang kontra dengue sa mga komunidad. 


Ang pagkakaroon ng magandang kalusugan ay hindi lamang obligasyon ng gobyerno bagkus tungkulin ito ng bawat isa sa atin. 


Sa gitna ng pagbabago ng klima o pabago-bagong panahon, huwag pabaya, mahalagang maging mas responsableng mamamayan. Ang simpleng paglinis ng paligid, pag-iwas sa baha, at maagap na pagpapakonsulta sa mga doktor kapag nakaramdam agad ng sintomas ng sakit, ay mga hakbang na makabubuti at maaaring makapagligtas pa ng buhay.


Kailangan din nating maging proactive na miyembro ng ating komunidad at barangay upang maagapan ang pagkalat ng mga sakit. Alalahanin nating mahirap magkasakit kaya importanteng pangalagaan ang ating kalusugan. Sa panahong ang ulan ay may dalang panganib, ang pagiging alerto ay siya nating maaaring sandata.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | June 8, 2025



Boses by Ryan Sison

Muli na namang napabilang ang Pilipinas sa listahan ng 10 ‘worst countries’ para sa mga manggagawa. 


Bukod sa bansa, kabilang ang Bangladesh, Belarus, Ecuador, Egypt, Eswatini, Myanmar, Nigeria, Tunisia at Turkey.


Para sa isang bansang nagmamalaking umuunlad, paano maituturing na progreso kung ang mga tunay na tagapagtaguyod ng ekonomiya ay patuloy na binabalewala at matindi ang pagtrato? 


Ayon sa 2025 Global Rights Index ng International Trade Union Confederation (ITUC), ito na ang ikasiyam na sunod na taon na nanatili sa naturang listahan ang bansa — isang indikasyon ng patuloy na paglabag sa karapatan ng mga manggagawa at ng kawalan ng tunay na pagbabago sa sektor ng trabaho. 


Sa datos din na inilabas ng Workers Rights Watch (WRW), isang coalition ng mga labor group gaya ng Federation of Free Workers, Kilusang Mayo Uno, ACT, at Migrante Philippines, makikita ang matinding paglabag sa pangunahing karapatan ng mga manggagawa. 


Base sa ulat, pinakamadalas na nilalabag sa ‘Pinas ang karapatang magwelga na may 87%, sumunod ang pagkontra sa collective bargaining na nasa 80%, pagbabawal sa pagtatatag o pagsali sa unyon na may 75%, at kawalan ng akses sa hustisya na nasa 72%. 


Kahit pa nagbaba na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng Executive Order No. 23 na bumuo sa Inter-Agency Committee (IAC) on Freedom of Association, tila kulang ito sa bisa. Walang regular na konsultasyon sa mga manggagawa, at ang unang pagharap ng komite sa sektor ay reaksyon lamang sa inilabas na ulat ng WRW noong Marso. 


Bukod pa rito, walang malinaw na parusa sa mga lumalabag sa guidelines, at hindi saklaw ang mga manggagawa sa pampublikong serbisyo at informal na sektor. 


Sa panig ng gobyerno, iginiit naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi raw tinitingnan ng ulat ang naging pagsisikap ng administrasyon para sa mga manggagawa. 


Gayunpaman sa kabila ng ganitong pahayag, nananatiling malinaw ang mga datos at testamento mula sa mismong sektor na biktima ng sistema. 


Ang paulit-ulit na mapasama ang Pilipinas sa listahang ito ay hindi lamang kahiya-hiya — isa itong matinding dagok sa dignidad ng bawat manggagawang Pinoy. Marahil, panahon na upang kilalanin ng gobyerno na hindi sapat ang mga papel na kautusan o pangako lamang. Kailangan ng konkretong aksyon ng pamahalaan at tunay na partisipasyon ng mga manggagawa sa mga usaping tumutukoy sa kanilang karapatang pantao, kabuhayan, at katarungan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | June 7, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa panahon ngayon, hindi na luho ang pagkakaroon ng internet connection — isa na itong pangunahing pangangailangan sa eskwelahan, trabaho o sa pang-araw-araw na gawain. 


Sa gitna ng mabilis na digitalization, umaasa ang mamamayan sa maayos na koneksyon sa internet upang makapagtrabaho, makapag-aral, at magkaroon ng akses sa mahahalagang serbisyo ng gobyerno. 


Kaya’t mahalaga ang naging pahayag ni Department of Information and Communication Technology (DICT) Secretary Henry Rhoel R. Aguda ukol sa kanilang pangmatagalang layunin, ito ay ang pagbibigay ng epektibo at malawakang signal sa buong bansa, kabilang ang mga liblib na lugar. 


Ayon sa kalihim, walang saysay ang mga online services ng gobyerno gaya ng eGov App at mga government websites kung hindi naman ito magagamit ng mga mamamayan dulot ng mahinang koneksyon sa internet. 


Sa isang bansa kung saan patuloy ang pag-unlad ng teknolohiya, dapat kasabay nito ang pag-unlad din ng imprastraktura ng komunikasyon. Ang patuloy na problema sa signal, lalo na sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA), ay isa sa mga hadlang sa pantay-pantay na oportunidad at serbisyo. 


Isa sa mga solusyong tinututukan ngayon ng DICT ay ang maisakatuparan ang kauna-unahang geo-position satellite ng Pilipinas. 


Sinabi ng kagawaran na ito ang magiging susi upang magkaroon ng mas maayos, mas mabilis, at mas malawak na koneksyon sa buong kapuluan, habang anila, magiging malaki ang potensyal ng proyektong ito. Hindi lamang nito maiaangat ang kalidad ng koneksyon sa mga siyudad, kundi lalo na sa mga lugar na matagal nang naisantabi sa usapin ng digital access. 


Kung mangyayari ang planong ito, maaari nitong simulan ang isang makabuluhang pagbabago sa digital na landscape ng bansa. Ito rin ay hakbang patungo sa tunay na inklusibong pag-unlad, kung saan ang bawat Pilipino — saanmang lupalop ng bansa naroroon — ay may pantay na akses sa kaalaman, oportunidad, at mga serbisyo. 


Sa kabila ng magandang balitang ito, mahalagang manatiling mapanuri ang mamamayan. Ang anumang proyekto ng gobyerno ay dapat masubaybayan at masigurong isinasagawa nang tapat at maayos para sa kapakinabangan ng nakararami. 


Hindi sapat ang mag-anunsyo, kailangan ay may konkretong aksyon. Gayundin, dapat tayong maging aktibo sa pagsusuri ng mga programang gaya nito. Mas mainam na hindi lamang tayo maging tagamasid sa halip tagapagsulong ng responsableng paggamit ng teknolohiya at imprastraktura para sa ikabubuti ng lahat.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page