top of page
Search

ni Ryan Sison @Boses | June 12, 2025



Boses by Ryan Sison


Habang pabigat nang pabigat ang trapiko sa Metro Manila, ang pagbibigay ng coding exemption sa mga electric at hybrid vehicles ay tila isang paraang nakaayon hindi lamang sa layuning pangkalikasan kundi sa isang mas matalinong pagdisenyo ng urban transport policies.


Kaya patuloy ang pagbibigay-insentibo sa paggamit ng mas ‘malilinis’ na sasakyan sa Pilipinas, gaya na lamang ng exemption mula sa number coding scheme para sa mga fully electric at hybrid vehicles hanggang taong 2030. 


Ito ay alinsunod sa Republic Act No. 11697 o mas kilala bilang Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA), na layuning itaguyod ang paggamit ng de-kuryenteng sasakyan sa halip na mga gasolinang sasakyan upang makamit ang mas sustainable na sistema ng transportasyon. 


Ang batas ay nagbibigay ng tinatawag na non-fiscal incentives sa mga electric at hybrid vehicles, gaya ng exemption sa Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) at iba pang katulad na traffic-reduction measures ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan.


Kasama na rito ang planong odd-even scheme sa EDSA na ipatutupad bilang bahagi ng EDSA rehabilitation project mula Hunyo 13, 2025 hanggang 2027. Ayon kay Department of Energy (DOE) Director Patrick Aquino, sakop ng exemption ang mga battery electric vehicles (BEVs), plug-in hybrids (PHEVs), at iba pang electrified vehicles na kinikilala ng DOE. 


Sa ngayon, nasa mahigit 24,000 na ang rehistradong EVs sa bansa, at inaasahang tataas pa ito dahil sa benepisyong hatid ng coding exemption. 


Tiniyak naman ni Edmund Araga ng Electric Vehicle Association of the Philippines na handa ang industriya na tugunan ang posibleng pagtaas ng demand. 


Mainam na sa pamamagitan ng batas, nagkakaroon ng insentibo ang mga mamamayan na mag-shift sa environment-friendly na mga sasakyan. Subalit ang hamon ngayon ay kung paano ito magiging inklusibo. Dahil mataas pa rin ang halaga ng EVs, nananatiling abot-kamay lamang ito ng mga may kaya. 


Kailangan siguro ng mga hakbang mula sa gobyerno upang gawing mas abot-kaya ang ganitong uri ng sasakyan — gaya ng tax cuts, subsidized loans, o mass importation para sa mas mababang suggested retail price (SRP). 


Marahil, kung tunay ang layunin ng batas para sa pangmatagalang solusyon sa polusyon at trapiko, dapat itong sabayan ng mas malawak na pagpaplano — gaya ng paglalagay ng EV charging stations sa mga rehiyon, modernisasyon ng public transport, at malawakang edukasyon hinggil sa benepisyo ng EVs. 


Hindi pa rin sapat ang pag-exempt sa coding kung ang mas nakararami ay hindi naman makakaangkas sa oportunidad na dala nito.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | June 11, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, ang desisyong gawing VAT-exempt ang mas maraming gamot ay isang positibong hakbang na malaking bagay sa mga mamamayan pagdating sa gastusin para sa kanilang kalusugan.


Dahil sa bisa ng Republic Act No. 11534 o mas kilala bilang CREATE Act, mas pinalawak ng Food and Drug Administration (FDA) ang listahan ng mga gamot na hindi na papatawan ng value-added tax (VAT). Layunin nito ang magkaroon ng mas abot-kayang mga gamot para sa mga Pilipinong dumaranas ng mga malulubhang karamdaman. 


Ito ay ipinatupad nitong Hunyo 4, kung saan idinagdag sa listahan ang mga bagong gamot gaya ng panlaban sa cancer, diabetes, high cholesterol, hypertension, at mental illnesses. 


Sa mga bagong gamot na saklaw ng VAT exemption, tampok ang kombinasyong Tegafur + Gimeracil + Oteracil Potassium na gamot sa cancer; Metformin Hydrochloride + Teneligliptin para sa diabetes; Atorvastatin + Fenofibrate laban sa high cholesterol; at Metoprolol Tartrate + Ivabradine para naman sa hypertension. 


Para sa mental health, kasama na ngayon ang iba’t ibang klase ng Lamotrigine, na malaki ang papel sa paggamot ng mood disorders at epilepsy. 


Bagama’t maraming gamot ang isinama, hindi naman nakabilang sa exemption ang Baricitinib, isang gamot na ginagamit din sa cancer treatment. Ito ay nangangahulugang limitado pa rin ang saklaw ng benepisyong medisina para sa ilang mga pasyente. 

Mahalaga ang hakbang na ito ng FDA bilang tugon sa patuloy na panawagan sa mas inklusibong access sa gamot, lalo na para sa mga sektor na tinatawag na poorest of the poor. 


Sa konteksto ng mataas na gastusin sa kalusugan sa bansa, ang VAT exemption ay maaaring magbigay ng ginhawa — pero pansamantala lamang ito kung hindi sasabayan ng malawakang reporma sa ating public health system. Gayundin dapat mas dumami ang mga gamot na tinanggalan ng buwis dahil pakinabang ito para sa lahat.


Marahil, ang VAT exemption ay isang positibong hakbang subalit hindi ito sapat. Habang gumagaan ang presyo ng ilang piling gamot, tila hindi pa rin nito nasasagot ang ugat ng problema — ang kakulangan ng libreng serbisyong medikal sa mga pampublikong ospital, at ang kakulangan ng access sa gamot sa mga rural at marginalized na lugar. 


Kinakailangan siguro ng mas malawak na polisiya na hihigit sa buwis — kabilang ang price regulation, government subsidy, at mas epektibong distribusyon ng mga resetang gamot.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | June 10, 2025



Boses by Ryan Sison

Napakahalaga ng lisensya para sa lahat ng mga driver kung saan lagi nilang bitbit saan man magpunta dahil ito lamang ang patunay na may kakayahan at bihasa sila sa pagmamaneho.


At sa kagustuhan naman ng marami na makapagmaneho ay pumapasok sila sa mga driving school para matuto. 


Ang masaklap kung minsan, may mga pasaway na driving school na sa halip idaan sa matitinding training ng pagmamaneho ang mga student driver ay minamadali na mabigyan sila ng lisensya, at hindi sumusunod sa polisiyang itinatakda ng kinauukulan.    


Kaya naman naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng show-cause orders laban sa 205 driving schools dahil sa umano paglabag ng mga ito, kabilang na ang pagpasa ng mga student driver na hindi nakatapos ng kinakailangang training at pag-tamper sa computer system upang makapagtala ng mas maraming sertipiko kaysa sa pinapayagang limitasyon kada araw. 


Ang mas nakakabahala, may mga driving school na nagbibigay ng sertipiko para sa Theoretical Driving Course at Practical Driving Course kahit hindi dumalo o hindi nakumpleto ang kurso ng student driver — isang malinaw na pag-abuso sa sistema.  

Ang mga dokumentong ito ay pangunahing pangangailangan sa pagkuha ng driver’s license. Sa madaling salita, may mga driver na walang sapat na kaalaman o kakayahan, ngunit may lisensyang nakuha sa pamamagitan ng shortcut. 


Gayunman, hindi lamang ang mga driving school ang nais nilang papanagutin, may 88 district office heads ng LTO ang inatasang magpaliwanag kung bakit tila kinunsinti o hinayaan ang mga anomalya sa kanilang nasasakupan.  


Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, hindi na nila palalampasin ang ganitong uri ng kalokohan dahil buhay ng mga road user ang nakataya dito, at mas agresibo silang labanan ang mga nasa likod ng mga naturang paglabag. 


Matatandaang noong nakaraang buwan, mahigit 100 driving school ang sinuspinde ng kagawaran dahil sa mga kuwestiyunable nilang gawain.


Hindi biro ang epekto ng mga lisensyang tila binili lamang, ito ay naglalagay sa panganib sa bawat motorista, pedestrian, at mga pasahero. Kaya naman dapat pumili tayo ng matinong driving school para hindi tayo mapahamak. 


Para sa akin, hindi sapat ang suspensyon o show-cause orders — kailangang may mas mabigat na parusa, permanenteng kanselasyon ng lisensya ng mga sangkot, at kasong kriminal kung kinakailangan. 


Dahil ang kalsada ay hindi lugar para sa incompetence, pasaway at wala talagang kakayahang magmaneho. 


Marahil, panahon na rin para mas higpitan ang mga nag-o-operate ng driving school at pagkuha ng driver’s license nang sa gayon ay mas maging ligtas at maayos ang ating mga lansangan. 

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page