ni Ryan Sison @Boses | June 17, 2025

Sa panahong nagsisimula na ang klase ng mga mag-aaral bilang paghahanda sa kanilang magandang kinabukasan, nararapat lamang na isabay dito ang pangangalaga sa kanilang kalusugan sa pagbabalik-eskwela.
Ang edukasyon ay hindi nagiging buo kung ang katawan ng mag-aaral ay hindi handang matuto. Bilang bahagi ng pagbubukas ng klase para sa School Year 2025-2026, naglunsad ang Department of Health (DOH) ng libreng medical check-up para sa mga unang beses na papasok sa paaralan.
Layunin nitong tiyakin ang maayos na kalagayan ng kalusugan ng mga bata, partikular sa nutrisyon, paningin, at pandinig.
Ipinahayag ni DOH Secretary Ted Herbosa na ang inisyatibong ito ay gaganapin sa iba’t ibang pampublikong paaralan, na sinimulan na noong Hunyo 14 sa Pasay City.
Ayon sa kanya, matapos bigyang pansin ang kalusugan ng mga guro, panahon na upang ituon ang pansin sa mga pinakabata at pinakabagong miyembro ng ating edukasyon.
Bukod sa medical screening, nakatakda ring simulan ng kagawaran sa Oktubre ang school-based immunization program. Tampok naman dito ang pagbabakuna kontra tetanus-diphtheria at Human Papillomavirus (HPV), na partikular na itinuturok sa mga
batang babae upang maprotektahan sila laban sa cervical cancer.
Hinimok din ni Herbosa ang Department of Education (DepEd) na tiyaking masustansya ang pagkaing ibinebenta sa mga canteen. Iminungkahi pa niya na maaari nating gayahin ang sistema ng Japan, kung saan may aprubadong meal plans mula sa mga nutritionist upang tiyakin ang balanseng pagkain ng mga bata habang nasa paaralan.
Marahil ang pagsisimula ng klase ay hindi lamang tungkol sa pagbubukas ng libro o pagbili ng bagong uniporme. Isa rin itong pagkakataon para masiguro ang kabuuang kabutihan ng mga mag-aaral.
Ang planong ito ng DOH ay nagpapakita ng mas malawak na pananaw sa edukasyon — isang sistemang hindi lamang nakatuon sa kaalaman, kundi pati sa kalusugan at pangmatagalang kapakanan ng bawat mag-aaral. Dahil ang isang batang malusog ay mas handang matuto at mas may tsansang magtagumpay sa buhay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com