ni Ryan Sison @Boses | June 21, 2025

Sa mga pantalan, paliparan, at iba pang transport terminal, dapat nag-uumpisa ang magagandang karanasan ng bawat biyahero o pasahero, mga kawani nito, at may mga kaugnay na nagtatrabaho rito, pero sa kasamaang palad ay may mga otoridad na sa halip na maging mabuting ehemplo ay nagpapahirap pa sa mga ito.
Masasabing hindi lamang simpleng katiwalian ito, kundi isang pandaraya o extortion scheme umano ng mga airport police na sangkot ang mga taxi driver, dahil sa pagtaas ng singil sa pasahe o rate sa mga pasahero.
Ito ang eksenang lumitaw sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), dahilan para suspendihin at imbestigahan ang limang airport police na sangkot sa naturang modus.
Kinumpirma ito ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na pinalitan at sinuspinde ang limang airport police na tinukoy sa umano’y racketeering.
Aniya, isang 60/40 extortion scheme umano ang ini-impose ng mga ito, kung saan nagpapataas ng singil ng mga taxi driver sa NAIA at kumukuha ng malaking bahagi ng kanilang kinikita.
Ayon sa DOTr chief, walang ibang nagpapatakbo ng sistemang ito kundi ang mismong mga pulis sa paliparan, kaya naman inatasan na niya ang Manila International Airport Authority (MIAA) na magsagawa ng agarang imbestigasyon, batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na huwag pahirapan ang mga kababayan.
Ang ganitong galawan, sabi pa ni Dizon, ay hindi lang nakakaapekto sa tiwala ng mga lokal na pasahero kundi maging sa imahe at kita ng turismo ng ating bansa.
Ang lakas ng turismo ay hindi lamang nakasalalay sa magagandang tanawin at pasilidad kundi pati sa ibinibigay na serbisyo, kaya nakalulungkot na ang nagiging tingin minsan ng ibang turista o foreign tourist sa ating mga Pilipino ay tila mga ‘extortionist’ o mapagsamantala.
Hindi sapat na suspendihin o sibakin lamang ang limang airport police, gayundin ang mga sangkot na taxi driver sa modus na ito, kailangan sigurong sila’y patawan ng mas mabigat na parusa gaya ng kulong at multa, upang magtanda at hindi na umulit pa.
Kumbaga, hangga’t hindi nasasampulan ang mga ganitong klase ng mga otoridad ay hindi sila titigil sa kanilang masamang gawain, at kadalasan ang sumasalo ng hirap at pasanin ay mga ordinaryong mamamayan.
Marahil, panahon na rin upang baguhin ang kultura ng mga otoridad, at walang ibang may tungkulin at magsagawa nito kundi ang pamahalaan. Gayundin, patuloy na linisin ang mga bulok sa hanay ng kapulisan nang sa gayon ay totoong manumbalik ang tiwala sa kanila ng taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




