ni Ryan Sison @Boses | July 12, 2025

Sa panahon ng tag-ulan, palaging konektado ang banta ng dengue, pero nakakalimutan ng marami ang mas tahimik ngunit may kaparehong mapanganib na sakit tulad ng “Filariasis”. Nakababahala na habang ang karamihan ay abala sa pag-iwas sa karaniwang Aedes aegypti isang uri ng lamok na dulot ay dengue, may iba pang uri ng lamok gaya ng Aedes spp., Anopheles spp., at Mansonia spp. na maaaring magdala ng microscopic na bulate na nagdudulot ng filariasis.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang lymphatic filariasis ay isang tropikal na sakit na dala ng kagat ng lamok na nagdadala ng microscopic worms. Kapag hindi naagapan, maaari itong magdulot ng permanenteng kapansanan — kadalasang namamaga ang mga binti, braso, dibdib o ari ng pasyente, na tinatawag ding “Elephantiasis.”
Bukod sa pisikal na hirap, dala rin nito ang matinding emosyonal at panlipunang epekto sa mga nagdurusa o tinamaan ng naturang sakit.
Ilan sa mga pangunahing sintomas ng filariasis ay lagnat, pananakit ng katawan, panginginig, at pamamaga ng bahagi ng katawan.
Dahil dito, muling nanawagan ang DOH na kung may nararamdamang sintomas, huwag nang mag-atubili at magpakonsulta agad sa doktor upang maagapan ang kumplikasyon. Pinaalalahanan din ng DOH ang publiko na hindi lang bakuna o gamot ang sandata laban sa sakit — malaking bagay ang simpleng pagsunod sa mga preventive measures. Kabilang na rito ang pagsusuot ng mahabang damit gaya ng pantalon at long sleeves, paggamit ng mosquito repellent, at pagtulog sa loob ng kulambo.
Isinusulong din ng ahensya ang kampanyang “4S”: Search and destroy, Self-protection, Seek early consultation, at Say yes to fogging.
Maliban pa rito, paulit-ulit na paalala ng gobyerno, gawin ang “taob, taktak, tuyo, takip” sa mga lalagyan ng tubig upang mawalan ng lugar ang mga lamok na magparami.
Ang laban sa mga sakit na dala ng mga lamok ay hindi lang trabaho ng DOH kundi obligasyon nating lahat.
Ang simpleng aksyon ay may kapalit na malaking proteksyon. Hindi kailangang hintayin pang magkasakit para lang seryosohin ang pag-iwas.
Tandaan sana natin na ang ating kalusugan ay responsibilidad at pananagutan ng bawat isa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




