top of page
Search

ni Ryan Sison @Boses | July 15, 2025



Boses by Ryan Sison


Hindi pa man lubusang nakababangon ang komunidad ng Taal mula sa pagsabog ng bulkan noong 2020 at sa pinsala ng pandemya, heto’t isa na namang balakid ang humaharang sa muling pagsigla ng turismo sa lugar — ang kasalukuyang retrieval operations kaugnay sa mga nawawalang sabungero.


Isang trahedya na hindi lang tila sumira sa tiwala ng publiko, kundi unti-unting pumapatay sa kabuhayan ng mga taga-roon. Kaya naman hinimok ng Taal Lake Aquaculture Alliance Inc. (TLAAI) ang gobyerno na pabilisin ang search and retrieval operations sa lawa. Bukod kasi sa trauma, ang negatibong haka-haka at takot ng publiko, direktang tinamaan ang bentahan ng isda sa mga palengke.


Ayon kay TLAAI spokesperson Mario Balazon, bagama’t maliit na bahagi lamang ng Taal Lake ang ginagamit para sa aquaculture, tinatayang 2% o 10 ektarya sa kabuuang 24,000 ektarya, sa buong lawa ang tila nadamay dahil sa madilim na isyu ng pinaniniwalaang pagtatapon ng mga bangkay sa ilalim nito.


Partikular na apektado ang bentahan ng tawilis, isang endemic fish ng Taal. Kahit na may natitira pang bentahan ng mga tilapia at bangus, bumaba na rin ang volume ng mga ito dahil sa naging epekto sa mga mamimili. Isang mabigat na resulta ito sa supply chain na pinagkukunan ng kabuhayan.


Hindi lamang ang mga mangingisda at fish vendors ang nadamay — maging ang sektor ng turismo ay muling naapektuhan. Saad ni Talisay Municipal Administrator Alfredo Anciado, kabi-kabila ang kanselasyon ng mga booking at pagbisita ng mga turista mula nang mabalita ang isinasagawang retrieval sa lawa.


Muli ring nanganib ang mga munting negosyo sa paligid ng lawa — mula sa bangkero, tindera ng pasalubong, at mga hotel at resort operators. May mga hotel-resort na humingi pa ng sertipikasyon mula sa lokal na pamahalaan upang maipakita sa mga turista na ligtas pa ring magbakasyon sa Taal, dahil sa kalayuan naman ng diving site sa mga tourist area.


Sa kabila nito, hiniling ni Anciado na payagan uli, kahit limitado, ang pagdalaw sa bahagi ng Volcano Island — ang dating centerpiece ng Taal tourism circuit.


Marahil, hindi lang ang mga nawawalang sabungero ang kailangang hanapin. Dapat ding humanap ng paraan ang gobyerno para balansehin ang lahat — ang pagtugon sa krimen nang hindi naaapektuhan ang kabuhayan at pinagkakakitaan ng mga mamamayan. Gayundin, kailangan na mabilis ang kanilang operasyon sa lugar dahil sa bawat araw na bumabagal ang imbestigasyon, tumatagal ang pagkamit ng hustisya ng mga biktima habang may mga negosyo ang nalulugi, mga bangkero ang nawawalan ng kita, at mga komunidad na muling lumulubog sa hirap ng buhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | July 14, 2025



Boses by Ryan Sison


Tila may ilan sa ating mga motorista ang mas inuuna pa ang paggawa ng content kaysa isipin ang kaligtasan nila at ng iba.


Nakakabahala na dahil sa paghabol ng views at likes, tila naisantabi na ang pagrespeto sa batas-trapiko at disiplina sa kalsada. Isa na namang patunay nito ang insidente ng vlogger/content creator na nag-viral matapos magmaneho na nakataas ang isang binti o leg — isang kilos na hindi lang delikado kundi malinaw na walang pakialam o iresponsable ang naturang driver. 


Kaya marahil umaksyon ang Land Transportation Office (LTO) at sinuspinde ng 90 araw ang kanyang lisensya bilang preventive measure at sa ginawang violation nito.  


Ayon sa Department of Transportation (DOTr), maliwanag na nilabag ng vlogger ang mga pamantayan ng maingat at ligtas na pagmamaneho, lalo’t ang ipinakita niyang asal ay isang masamang ehemplo sa publiko — partikular na sa mga kabataang babad sa social media. 


Base sa show cause order ng LTO, nakita sa video ang vlogger na nakaupong naka-lounging posture habang nagmamaneho, at nakataas ang isang leg sa driver’s seat, kung saan indikasyon ito na nakahiwalay sa tamang posisyon sa pagmamaneho. 


Sa ilalim ng SCO, inutusan ang vlogger na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng reckless driving o tuluyang bawiin ang kanyang lisensya. Ang kanyang sasakyan ay isinailalim din sa alarm status, na nagbabawal sa anumang transaksyon habang iniimbestigahan. 


Matatandaang sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na gawing ligtas at maayos ang ating mga kalsada. 


Hindi puwedeng palampasin ang ganitong asal, lalo na kung ang kasiyahan ng isa ay posibleng maging kapahamakan ng marami. Hindi entertainment ang mga pangunahing lansangan. Hindi ito stage para sa social media content. Bawat driver ay may pananagutang tiyakin ang kaligtasan hindi lang ng kanyang sarili kundi pati rin ng iba, lalo na ang mga walang kalaban-labang pedestrian at commuter.


Marahil, sa mga katulad ng nangyaring insidente, hindi lang ang lisensya ang dapat pinagsususpinde, kailangan ding ituro ang tunay na diwa ng responsableng pagmamaneho, respeto at disiplina sa kalsada, at malasakit sa kapwa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | July 13, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa mundong tila unti-unting napapabayaan ang mga kabataan, isang magandang balita ang pagkakaroon ng MAKABATA Helpline 1383 — isang konkretong hakbang ng gobyerno upang maitaguyod ang karapatan at epektibo ang proteksyon para sa mga batang nangangailangan ng tulong. 


Pati sa digital age, kung saan ang pang-aabuso ay hindi na lang pisikal kundi umaabot na rin sa online spaces, ang pagkakaroon ng bukas at maaasahang linya ng komunikasyon ay higit pa sa hotline — isa itong lifeline. Kinilala bilang isang mahalagang inisyatibo ng pamahalaan ang nasabing programa dahil ito ay nagpapakita ng taos-pusong adhikain na ipagtanggol ang karapatan ng mga bata. 


Sa pamamagitan ng Executive Order No. 79 na naisabatas noong Disyembre 2024 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pormal na naitatag ang MAKABATA Helpline bilang bahagi ng mas malawak na MAKABATA Program. 


Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang hotline ay tutugon sa mga suliraning kinakaharap ng mga bata tulad ng pang-aabuso, bullying, mental health concerns, at iba pang anyo ng karahasan. 


Bukod sa crisis intervention at emotional support, layunin nitong magbigay ng direktang access sa mga serbisyong makatutulong sa mga kabataang nangangailangan. Ang nasabing programa ay hindi lamang para sa mga menor-de-edad kundi pati na rin sa mga 18-anyos pataas na may pisikal o mental na kapansanan, na hindi kayang pangalagaan ang sarili. Sinasaklaw nito ang mga kaso ng child labor, trafficking, online sexual exploitation, at maging ang mga batang may HIV. 


Ang Council for the Welfare of Children (CWC), na nasa ilalim ng DSWD, ang mangunguna sa koordinasyon at implementasyon ng nasabing programa sa tulong ng mga partner agencies, NGOs, at private stakeholders. 


Sa ating lipunan, tila maraming tinig ang nananatiling tahimik dahil sa takot o kawalang tiwala sa sistema, at ang isang bukas at tumutugon na helpline ay simbolo ng pag-asa. 

Hindi ito simpleng numero ng telepono na maaari lang tawagan — ito ay tulay tungo sa kaligtasan at kabutihan ng mga bata.  


Marahil sa ganitong programa, makakaramdam na ng higit na pag-asa ang mga kabataang nakaranas  ng pang-aabuso at kapabayaan, anuman ang dulot na ingay ng pulitika, teknolohiya, at iba pa, hindi nila malilimutan na minsa’y tinulungan sila upang makaahon sa malupit na sinapit sa buhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page