ni Ryan Sison @Boses | July 18, 2025

Kung ang manibela ay mapupunta sa kamay ng taong may kontrol sa sasakyan pero walang kontrol sa sarili, tiyak na kapahamakan ang kasunod nito.
Isa na namang nakakabahalang pangyayari ang lumabas online, kung saan isang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) driver ng InDrive ang nakunan sa CCTV habang nag-amba ng saksak sa kanyang mga pasahero sa Maynila kamakailan.
Sa halip na serbisyo, takot ang naidulot niya. Hindi ito isolated case — ito’y sintomas ng mas malalim na suliranin, kakulangan sa disiplina at mababang pamantayan sa pagpili ng mga tsuper. Ayon sa ulat, nagkaroon ng alitan ang driver at kanyang mga pasahero matapos tumanggi itong ihatid sila sa destinasyon. Nauwi ito sa mainitang pagtatalo, dahilan para bumaba ang pasahero. Subalit sa halip na matahimik ang sitwasyon, sinundan pa ng driver ang bumabang magkasintahan, kumuha ng patalim mula sa sasakyan, at inambahan na sasaksakin. Ang buong pangyayari’y nahuli sa CCTV at agad kumalat sa social media.
Bilang tugon, agad na sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng TNVS driver sa loob ng 90 araw. Kasalukuyan siyang nahaharap sa kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle ayon sa Republic Act 4136.
Bukod pa rito, pinadalhan din ng show cause order ang may-ari ng sasakyan upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat mapanagot sa pagkuha ng iresponsableng tsuper. Mariin ang naging pahayag ni LTO Acting Assistant Secretary Greg Pua Jr., aniya maling propesyon ang napasukan ng naturang driver. Hindi hanapbuhay ang hanap nito kundi basag ulo at asunto.
At totoo ito. Ang ganitong asal ay hindi lamang paglabag sa batas-trapiko — isa itong banta sa kaligtasan at seguridad ng publiko.
Ang TNVS ay dapat nagsisilbing ligtas na alternatibo sa transportasyon. Ngunit kung ang mga driver ay walang tamang asal at kontrol sa emosyon, nawawala ang layunin ng serbisyo. Dapat ay mas higpitan ang background check, training, at evaluation ng mga TNVS operators. Hindi sapat ang mabilis na sasakyan — mas mahalaga ang ligtas, maayos, at marangal na pagtrato sa mga pasahero.
Sa bawat biyahe, buhay ng tao ang laging kaakibat. Hindi puwedeng basta-basta na lang umaasa tayo sa good luck. Kailangang tiyakin natin na ang mga binibigyan ng pribilehiyong magmaneho ay hindi lang marunong sa trapiko, kundi may respeto rin sa kapwa. Higit sa lahat may disiplina, pasensya, at konsensya, dahil ‘yan ang tunay na ‘lisensyang’ dapat dala ng bawat driver.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




