- BULGAR
- Jul 21
ni Ryan Sison @Boses | July 21, 2025

Sa gitna ng dumaraming Pilipino na nais maglibot sa loob at labas ng bansa, hindi lang para mamasyal kundi para makipag-bonding sa pamilya, magtrabaho, o maghanap ng bagong oportunidad, nananatiling pasanin o hadlang ang tinatawag na travel tax.
Sa mundong mas bukas na ang hangganan habang may mga promo ang mga airline, tila ba nakakabit pa rin sa tiket ang pabigat ng gobyerno — ang ‘lumang’ travel tax, ito ay halos limang dekada nang nakadugtong sa ating mga biyahe na siyang pahirap sa mga Pinoy.
Kaya isinusulong ni Senador Alan Peter Cayetano ang Senate Bill No. 424 na naglalayong buwagin o i-abolish ang travel tax na ipinataw pa noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa ilalim ng Presidential Decree No. 1183.
Aniya, hindi na angkop ang buwis na ito sa kasalukuyang ekonomiya at layuning regional gaya ng turismo at paggalaw ng mamamayan. Sa halip na puwersahang kolektahin ang halagang ito mula sa mga pasahero, mas makabubuti umanong alisin ito para palayain ang mga Pilipino sa dagdag na gastos.
Giit ni Cayetano, imbes na makuha ng gobyerno ang P4 bilyon mula sa travel tax, mas malaki ang balik nito sa ekonomiya kung ito ay aalisin. Tinataya aniyang aabot sa P299 bilyon ang maaaring kitain ng bansa sa masiglang turismo at gastos ng maraming biyahero.
Hindi rin dapat kalimutan na ang mga senior citizen at persons with disabilities ay naaapektuhan ng dagdag na bayaring ito. Sa isang bansang nagnanais na tunay na magserbisyo sa bawat mamamayan at nakatuon sa paglago ng ekonomiya, nararapat lamang na gawing mas inklusibo at abot-kaya ang biyahe para sa lahat.
Ang abolisyon ng travel tax ay hindi lamang isyung pampinansyal kundi isang hakbang tungo sa mas makataong patakaran. Isang pagkilala rin ito na ang paglalakbay ay hindi lang pribilehiyo bagkus karapatang kailangang suportahan.
Marahil, panahon na para buwagin ang mga luma at napaglipasan ng sistema na humahadlang sa ating pagkilos sa loob at labas ng bansa.
Ang modernong Pilipinas ay nangangailangan ng modernong polisiya. Habang tila napakaliit na halaga ng travel tax para sa ilan, sa iba, ito ay nagiging sagabal sa kanilang mga plano sa buhay na makahanap ng oportunidad sa ibang bansa.
Kung talagang nais nating pasiglahin ang ekonomiya, palawakin ang turismo, at yakapin ang diwa ng pagkakaisa sa ASEAN at buong mundo, dapat sigurong tanggalin ang mga balakid na hindi na akma sa panahon.
Isipin din natin na ang paglalakbay ay tumutulong sa pagpapalawak ng pananaw ng isang indibidwal, kaya naman sana huwag na itong patawan ng buwis upang mas maging magaan din sa mga biyahero.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




