top of page
Search

ni Ryan Sison @Boses | July 24, 2025



Boses by Ryan Sison


Kung hindi kikilos ang gobyerno, tech platforms, at mismong mga Pilipino laban sa mga scam sa social media, para na rin nating pinahihintulutan ang mga scammer na patuloy tayong pine-perahan at biktimahin. 


Ang kalayaan nating mag-online ay hindi dapat maging paanyaya para sa mga manloloko. Habang bumababa na ang mga text at call scams sa bansa, lumipat naman ang mga scammer sa mas mapanganib na lugar — ang social media at messaging apps. 


Sa report ng anti-fraud app na Whoscall para sa ikalawang quarter ng 2025, tumaas ng 28% ang mga kahina-hinalang link na naiulat — mula 13,602 ay naging 18,735.


Facebook, Viber, at Telegram, ang pangunahing gamit ng mga scammer para ipakalat ang mga mapaminsalang link patungo sa phishing websites at iba pang panlilinlang. 

Hindi lang simpleng scam ang problema. Ayon sa datos, online gambling scams ang may pinakamalaking pagtaas na merong 76%, habang tumaas din ng 57% ang mga scam na may kinalaman sa promo at rewards. 


Kahit ang mga pekeng pautang ay umakyat ng 20%, kung saan madalas mabiktima ang mga naghahanap ng mabilisang pera. Ayon sa Whoscall developer Gogolook, lumipat ang mga scammer sa social media dahil sa matagumpay na pagsugpo sa mga text at call-based scam. Mula 1.28 milyon noong 2024, bumagsak sa 65,035 ang mga text scam ngayong taon. Samantalang bumaba rin ng 74% ang scam calls. 


Bagamat ito’y magandang balita, nagsisilbing babala ito na habang patuloy sa pagsisikap ang gobyerno, mabilis ding nakakahanap ng bagong paraan o diskarte ang mga kriminal. 


Nagbabala na rin ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na anila, mahirap ang pagtukoy at pagpuksa ng mga scam na nakatago sa mga apps na palagiang gamit ng mga Pinoy. 


Ang hamon ngayon ay hindi lang basta paghuli sa mga scammer na ito kundi pagsasala sa bawat digital platform para hindi na maulit ang panloloko. 


Para sa akin, hindi na sapat ang crackdown kung hindi ito sasabayan ng teknolohikal na solusyon at digital na disiplina. Kailangan ng akmang solusyon, mula sa edukasyon, regulasyon, at mas mahigpit na pakikipagtulungan sa social media platforms. 


Hindi puwedeng basta magbasa ng news at mag-scroll ng walang pagdadalawang-isip, dahil bawat click ay may kalakip na panganib. 


Ngayong uso na ang digital convenience, tila ang kaunting kapabayaan ay may presyo. 

Sa pagdami ng social media scams, napapanahon na ang digital literacy bilang pangunahing pangangailangan ng bawat isa. Hindi lang ito laban ng gobyerno kundi ng buong sambayanan. Dahil ang pagiging mapagmatyag at maingat sa tamang paggamit ng online platform ay isang modernong anyo ng responsableng mamamayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | July 23, 2025



Boses by Ryan Sison


Ang balikbayan box ay simbolo ng pagmamahal, sakripisyo at tagumpay ng milyun-milyong overseas Filipino worker (OFW) para sa kanilang pamilya. Kaya’t ang paggamit nito bilang pantakip sa ilegal na droga ay hindi lamang krimen — ito’y pambabastos sa tiwala ng sambayanang Pilipino. Hindi dapat hayaan na ang mga kahon ng pag-asa ay gawing kasangkapan ng kasamaan. 


Ayon sa Bureau of Customs (BOC) mariin nilang kinokondena ang pag-abuso sa balikbayan privileges matapos masabat ang P749.63 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Manila International Container Port. 


Ayon kay Commissioner Ariel Nepomuceno, nakumpiska ang 110.24 kilo ng droga sa loob ng apat na kahon ng balikbayan boxes, kasunod ng isinagawang 100% inspection sa isang 40-foot container na unang idineklara bilang balikbayan box shipment. 


Sa tulong ng intel mula sa Customs Intelligence and Investigation Service, agad na inisyu ang Alert Order sa nasabing container. Isinailalim ang samples sa pagsusuri ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakumpirmang methamphetamine hydrochloride nga ang laman nito. Ang naturang shipment ay itinurn-over sa PDEA bilang ebidensya para sa posibleng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act). 


Iginiit ni Nepomuceno na hindi nila palalampasin ang sinumang susubok samantalahin ang balikbayan privileges para sa ilegal na operasyon. Dagdag pa nito, mahalaga sa kanila ang pagtitiwala ng mga OFWs at dapat itong panatilihin sa pamamagitan ng mahigpit at patas na pagpapatupad ng batas. 


Sinabi pa ng kagawaran na ang operasyon ay tugma sa panawagan ng Pangulo na pagpapaigting ng border security upang maiwasan ang pagpasok ng ipinagbabawal na gamot sa ating bansa. 


Hindi ito simpleng pagkakasabat lang ng droga. Isa itong paalala na kahit ang mga bagay na puno ng pasalubong ay maaaring gamitin sa masamang gawain kung walang masusing pagbabantay. 


Ang gobyerno ay may tungkulin na tiyaking hindi magiging biktima ng kriminalidad ang integridad ng balikbayan system — isang institusyong matagal nang parte ng kultura ng mga Pilipino. 


Ang insidenteng ito ay babala sa lahat na walang sagrado sa mata ng mga sindikato, kahit ang balikbayan box ay puwede nilang gawing kasangkapan. Gayunman, dapat ay hindi mawala ang tiwala ng OFWs sa sistema ng gobyerno.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | July 22, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa bawat pagbaha’t paglikas ng daan-daang pamilya, hindi lang gutom, takot, at kawalang katiyakan ang problemang sumasalubong sa kanila sa mga evacuation center, kundi ang mas tahimik subalit mapanganib na banta ng sakit. 


Ang usapin hinggil sa kalusugan ay hindi maaaring isaisantabi tuwing may kalamidad. Hindi lang ito responsibilidad ng bawat indibidwal, mahalaga ang papel ng gobyerno na tiyaking ligtas at malinis ang mga evacuation center para sa mga nagsilikas. Hindi magiging sapat ang rescue operation kung kulang naman sa suporta upang manatiling malusog at maayos ang mga nailigtas. 


Kaya marahil nagbabala na ang Department of Health (DOH) ukol sa mabilis na pagkalat ng acute respiratory at iba pang infectious diseases sa mga evacuation center. 

Sa kasagsagan ng pananalasa ng Tropical Storm Crising at Habagat, umabot na sa tinatayang 30,000 katao ang napilitang lumikas habang patuloy pang dumarami, at pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center. Dahil sa siksikan at limitadong pasilidad, mas madali ang hawahan lalo na sa mga lugar na kulang sa tubig, palikuran, at bentilasyon. 


Paalala ng DOH sa evacuees, ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig, at gumamit ng alcohol kung kinakailangan, habang magdoble-ingat upang maiwasan ang anumang nakahahawang sakit. 


Hindi natin maiiwasan ang sakuna o kalamidad, gayunman, hindi dapat balewalain ang posibilidad na magkaroon ng health crisis sa mga evacuation site. 


Sa ganang akin, hindi puwedeng puro relief goods lang ang sentro ng aksyon o pagkilos sa ganitong sitwasyon. Kailangang palakasin ang preventive health measures, magtalaga ng sapat na medical team sa bawat evacuation center, at tiyaking may sapat na hygiene kits at malinis na tubig para sa mga apektadong indibidwal at pamilya. 


Tuwing may kalamidad ay asahan na natin ang epekto na dulot nito kung saan marami ang nagsisilikas mula sa kanilang mga tahanan. At sa bawat araw na nananatili ang mga kababayan sa evacuation centers, tumataas ang peligro ng outbreak ng sakit, isang problemang mas malala pa sa tubig-baha. 


Ang mga evacuation center, na dapat sana’y ligtas na kanlungan, ay nagiging potensyal na pugad ng sakit kapag pinabayaan. Kaya sa kinauukulan, siguraduhing matutugunan ang mga pangangailangan ng mga evacuees gaya ng malinis at maayos na pasilidad, tubig at pagkain, at serbisyong medikal.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page