ni Ryan Sison @Boses | July 27, 2025

Sa gitna ng krisis, doon nahuhubog ang tunay na karakter ng tao, lalo na sa negosyo. Hindi mainam na habang ang mga kababayan natin ay lumulubog sa baha, may ilan naman ang gustong lumamang at mas kumita.
Sa panahon ng kalamidad, hindi lang paglago ng negosyo ang dapat na isipin, kundi malasakit. Kaya marahil, nagpaalala na ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko, partikular sa mga establisimyento, na bawal ang taas-presyo sa mga lugar na nasa state of calamity.
Ayon sa DTI Fair Trade Group OIC Atty. Gino Mallari, mahigit 40 lungsod at bayan ang isinailalim sa state of calamity dahil sa epekto ng sunud-sunod na bagyo at habagat. Sa ilalim ng batas, awtomatikong umiiral ang price freeze sa mga basic goods sa loob ng 60 araw, maliban na lang kung i-lift o bawiin ito nang mas maaga ng National Price Coordinating Council.
Bagama’t wala pa umanong natatanggap na report ang DTI na matinding paglabag o suplay disruption, sinabi ni Mallari na binalaan na ng kagawaran ang mga establisimyento na sakaling mapatunayang lumabag ay maaaring pagmultahin ng mula P5,000 hanggang P1 milyon o makulong ng isa hanggang 10 taon.
Batay sa ulat, sapat pa naman ang suplay ng mga pangunahing bilihin para sa tatlong linggo hanggang sa isang buwan.
Sa kabila ng pinsala ng mga bagyo, hindi dapat maging dahilan ito para manamantala.
Pinaaalalahanan ang mga negosyante na huwag manipulahin ang presyo o suplay ng mga bilihin, habang ang mga mamimili naman ay umiwas sa panic buying at hoarding.
Ang pagkakaisa ng bayan ay hindi lang nasusukat sa ginagawang relief operations kundi sa pagpapanatili ng tama at makataong presyo ng pagkain, bilihin sa mga pamilihan. Kung totoo ang malasakit ng isang negosyante, hindi ito mananamantala sa gitna ng sakuna o kalamidad.
Sa panahon ng unos, respeto at responsibilidad ang dapat ipinamamahagi — hindi overpriced goods. Para sa maraming kababayang basang-sisiw, lugmok, at nawalan, napakahalaga ng malasakit.
Marahil, hindi lang gobyerno ang may obligasyong kumilos, pati negosyante at mamamayan ay may papel sa ganitong sitwasyon. Ang pagiging makatao sa gitna ng trahedya ay pagpapakita ng kagandahang-loob — ito ay minimum standard ng pagiging disente at mabuti sa kapwa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




