top of page
Search

ni Ryan Sison @Boses | July 30, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa bawat taon na lumilipas, mas lalong lumalalim ang sugat na iniiwan ng online gambling sa ating lipunan, lalo na sa mga kabataan at sa mga pamilyang nalulugmok dahil sa bisyong ito.


Kaya nakakabigla na sa dami ng isyung puwedeng talakayin sa State of the Nation Address (SONA), hindi man lang nabanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang online gambling pati na rin ang wage hike na tila dahilan kung bakit marami pa ring naghihikahos sa ating mga kababayan.


Hindi maitago ang pagkadismaya ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), partikular si Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng Episcopal Commission on Public Affairs, sa tila pagbubulag-bulagan ng administrasyon sa talamak na isyu ng sugal sa internet.


Paulit-ulit na silang nananawagan na supilin ito, ngunit hanggang ngayon, walang konkretong hakbang mula sa pamahalaan. Ang kanilang hinaing ay simpleng pakiusap para sa proteksyon ng kabataan at integridad ng pamilya — mga bagay na dapat inuuna sa mga polisiya. 


Pati ang mga lawmakers ay dismayado, dahil sa hindi rin pagbanggit ng Pangulo ng tungkol sa wage hike na isa ring nagiging ugat ng problema sa bansa.


Sa dami ng suliraning kinahaharap ng bansa, totoo namang hindi lahat ay puwedeng sabay-sabay solusyunan. Ngunit kung mas pinili ng Pangulo na hindi tukuyin ang online gambling at wage hike sa kanyang ulat sa bayan, para na rin niyang sinabing hindi ito prayoridad, isang pananaw na maaaring magpalala pa sa umiiral na problema. 


Habang ang ibang mga bansa ay mahigpit na kinokontrol o tuluyang ipinagbabawal ang ganitong uri ng sugal, at sinisikap na itinataas ang sektor ng mga manggagawa, tayo ay tila lumulubog pa sa problema ng adiksyon sa sugal at pagsawalang bahala sa mga kababayang nagtatrabaho. Hindi sapat ang kampanya kung hindi sinasabayan ng aktuwal na aksyon. 


Para sa akin, dapat ipatupad ng gobyerno ang mas mahigpit na batas laban sa online gambling, isara ang mga illegal platforms, at maglunsad o magkaroroon ng rehabilitasyon para sa mga nalulong dito. Kailangan ding mas paigtingin ang edukasyon tungkol sa panganib ng ganitong bisyo, lalo na sa mga paaralan at lokal na pamahalaan. 


At sa kabilang banda, ang patuloy na panawagan para sa wage hike ay dapat binibigyan ng pansin. Hindi luho ang makatarungang sahod, ito ay karapatang dapat ibigay sa bawat manggagawa. 


Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa malasakit, at ang malasakit ay nasusukat sa kakayahang pakinggan at tugunan ang hinaing ng mga tunay na nangangailangan. Dahil ang tunay na lider ng isang bansa ay hindi lamang puro salita, kundi kumikilos ng may puso para protektahan ang kinabukasan ng kanyang nasasakupan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | July 29, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa panahong parang suntok sa sikmura ang sunud-sunod na kalamidad, masarap makita na may mga kamay na hindi lang nakaporma ang kamao, kundi bukas para tumulong. Hindi man literal na dugo’t pawis ang puhunan, ang mga inisyatibong gaya ng “Boxing for a Cause: Laban sa Nasalanta” ay simbolo ng pagsuporta at pagmamalasakit sa kanilang kapwa. 


Kaya malaking pasasalamat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa matagumpay na fundraising event na pinangunahan ng Philippine National Police (PNP) sa Rizal Memorial Coliseum. 


Ayon kay spokesperson at DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, malaki ang maitutulong ng mahigit P16 milyon donasyon sa mga pamilyang apektado ng habagat at iba pang kalamidad sa bansa. Aniya, ang boxing match ay isinagawa hindi para magpasiklab, kundi upang makalikom ng pondo para sa mga nasalanta. 


Si PNP Chief Gen. Nicolas Torre III ang nanalo sa exhibition bout via default win — ngunit ang tunay na panalo ay ang mga kababayan nating ngayo’y kumakapit pa rin sa pag-asa. 


Mahigit P300,000 ang nalikom mula sa entrance fees, samantalang ang malaking bahagi ng donasyon ay mula sa mga private donors at sponsors. 


Batay sa ulat, ang kabuuang halaga ay nakatakdang i-turnover ng PNP sa DSWD ngayong linggo. Kasabay naman nito, umabot na sa P293 milyon ang naipamahaging tulong ng DSWD sa mga apektadong pamilya at indibidwal noon pang Hulyo 26. 


Sa gitna ng ulan, baha, at trahedya, may mga inisyatibang umaahon para sa kabutihan ng taumbayan. Pero sana, hindi lang sa mga special events tayo umaasa, habang magkusa rin tayong tumulong at magkawanggawa sa iba.


Gayundin, ang pagtulong ay hindi dapat seasonal, dahil ang pagtindig upang suportahan ang kapwa ay dapat umiiral sa ating mga puso araw-araw. 


Marahil, ang ganitong mga hakbang ay patunay na kung gugustuhin, kayang magkaisa ng lahat para sa bayan. Pero mas mainam kung makita at maramdaman natin ang gobyerno at mga institusyon, na hindi puro salita lang kundi dapat gumagawa. At hindi lang tuwing may kalamidad kumikilos, bagkus nireresolba ang mismong mga ugat ng problema — kahirapan at kagutuman, kapabayaan, at kawalang kahandaan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | July 28, 2025



Boses by Ryan Sison

Habang abala ang ilan sa pag-scroll sa social media at balik sa pagsagupa sa trapik, libu-libong pamilya sa Metro Manila ang tila nakukulong sa mga evacuation center — wala sa bahay, nagtitiis, at wala ring katiyakan kung kailan sila makakauwi. 


Batay sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa 19,153 na pamilya o humigit-kumulang 69,595 katao ang pansamantalang naninirahan sa 278 evacuation centers sa Kalakhang Maynila. Ang mga ito’y biktima ng sunud-sunod na pananalasa ng Habagat at mga Bagyong Crising, Dante, at Emong. 


Sa kabuuan, nasa 118,723 na pamilya o halos kalahating milyong katao (462,415) mula sa 328 na barangay sa 17 lungsod ng National Capital Region ang naapektuhan ng sama ng panahon — isang nakabibinging bilang na ‘di dapat isawalang-bahala. Ang dami nito’y parang buong lungsod na nasalanta ng baha, napilitang lumikas, at ngayo’y napapako sa mga espasyong ‘di sapat, hindi komportable, at madalas ay kulang pa sa serbisyo. 


Hindi lang ito simpleng numero — mga buhay ito na nagbago sa isang iglap. May mga batang nawalan ng laruan, estudyanteng naputol ang pag-aaral, ina na hindi na makaluto o makapag-asikaso ng pamilya, at amang walang mabalikan na trabaho. Ang masakit pa rito, habang ang iba’y balik-normal na, ang libu-libong mamamayan na ito’y nananatiling displaced. 


At sa gitna ng panawagang resilience, kailangang paalalahanan pa rin ang gobyerno na hindi puwedeng sanayan o masanay na lang ang taumbayan na laging lumilikas.

Kung may plano sa disaster response, dapat doble ang effort sa long-term rehabilitation at risk reduction. Kailangang tratuhin bilang urgent human concern ang pagkakaroon ng disenteng evacuation strategy — mula sa sanitation, pagkain, access sa edukasyon at trabaho. 


Hindi sapat ang trapal at food pack lang, dapat may plano para sa pagbangon. Marahil, tunay ngang walang pinipili ang kalamidad — pero mas ramdam ito ng mga walang-wala. 


At habang natutuyo na ang mga baha sa lansangan, sana’y huwag matuyuan ng malasakit ang mga may kapangyarihan, habang gawan na ng paraan ng kinauukulan na makauwi sila sa kani-kanilang tahanan. Dahil ang bawat araw na ginugugol sa evacuation center ay isang araw na ninanakaw ang normal na buhay o pamumuhay. Tandaan natin, hindi ito dapat maging normal.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page