ni Ryan Sison @Boses | August 11, 2025

Kahit saan pa natin tingnan, hindi na dapat hintayin na may madugong insidente bago muling pag-usapan ang seguridad sa mga paaralan.
Ang trahedyang naganap sa isang eskwelahan, kung saan isang estudyante ang malubhang nasugatan at isang ring mag-aaral ang nasawi matapos ang pamamaril, ay malinaw na paalala na may malaking puwang sa pagpapatupad ng mga polisiya.
Mahirap tanggapin na sa isang lugar na dapat ay ligtas at nag-aalaga sa mga kabataan habang sila ay nag-aaral, doon mismo nangyayari ang karahasan.
Kaya naman matapos ang insidente noong Agosto 7, naglabas ng kautusan si Education Secretary Sonny Angara na nag-aatas sa lahat ng paaralan na higpitan ang pagpapatupad ng seguridad at mga patakaran laban sa karahasan. Kabilang sa mga hakbang ang masusing inspeksyon ng dala ng mga pumapasok sa eskwelahan, pagpapalakas ng presensya ng mga guwardiya, mahigpit na pagbabawal sa armas, at mas aktibong pakikipag-ugnayan sa mga local government unit (LGU) at pulisya.
Nakaangkla ito sa Department of Education (DepEd) Order No. 40 s. 2012 (Child Protection Policy) at DO No. 007 s. 2024 (Revised School-Based Management System), na parehong naglalayong tiyaking ligtas, secure, resilient at learner-centered sa mga paaralan.
Pero ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, sa kabila ng pagpapalabas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) hinggil sa Anti-Bullying Act, nararanasan pa rin ang ganito sa mga paaralan dahil kulang sa aktuwal na suporta. Binigyang-diin nila ang napakalaking agwat sa bilang ng guidance counselors, na isa lamang nito sa bawat 14,000 estudyante, pati na rin ang kakulangan sa school nurses, psychologists, at learner support aides – mga professional na kayang tugunan ang mental health at psychosocial na pangangailangan ng mga estudyante.
Sa kawalan ng mga ganitong propesyonal, napipilitang akuin ng mga guro, na marami ring work load, ang responsibilidad sa paghawak ng mga kasong may kinalaman sa mental health at krisis sa paaralan.
Totoo ang sinabi ng ACT na kailangan natin ng mas malalim na pamumuhunan sa psychosocial support at edukasyong nakatuon sa empatiya, respeto, at emotional regulation. Hindi sapat na maglagay lang ng checkpoint sa gate, kailangang matutunan ng mga kabataan ang tamang pakikitungo sa kapwa, pagiging mahinahon, mabuting asal, at mabigyan ng maagang tulong ang mga may pinagdaraanan bago pa lumala.
Ang kaligtasan sa paaralan ay hindi lamang tungkulin ng DepEd, guro, o pulisya. Responsibilidad ito ng buong komunidad, mula sa magulang, lokal na pamahalaan, at maging ng mga estudyante mismo. At kung patuloy na ipagwawalang-bahala ang mental health, suporta sa guro, at mahigpit na seguridad, mauulit at mauulit ang ganitong trahedya. Kaya naman kailangang sama-sama tayong kumilos upang ang bawat paaralan ay manatiling kanlungan ng kaalaman at kapayapaan, hindi entablado ng karahasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




