ni Ryan Sison @Boses | August 14, 2025

Good news para sa mga estudyanteng araw-araw nakikipagsiksikan sa MRT at LRT. Hindi na kailangang pumila nang matagal, mag-fill out ng kung anu-anong form, o maghintay ng ilang araw para sa discount card. Instant na makukuha ang personalized student beep card na may automatic 50% fare discount. Ito ay simpleng hakbang pero malaking ginhawa, isang malinaw na halimbawa na kapag gusto, may paraan.
Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na simula Setyembre, ipatutupad na ang bagong sistema para sa student beep cards sa Metro Manila rail lines. Sa halip na mag-fill out pa ng form, ang diskuwento ay makukuha na agad sa kahit anong istasyon ng MRT-3, LRT-1, o LRT-2. Kailangan lamang magpakita ng school ID, at ipi-print na on-the-spot ang personalized white beep card na may pangalan ng estudyante. Valid ito sa loob ng isang taon at puwedeng i-renew bawat pasukan. Katulad ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs), automatic na ring makukuha ang 50% fare discount gamit ang white card na ito.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, tinanggal na ang requirement ng form filling dahil sayang ang oras ng mga pasahero. Binigyang-diin niya na umaabot ng halos isa’t kalahating minuto ang pagsagot sa form — oras na mas mainam na ilaan na lamang sa pagbibiyahe. Nakipag-ugnayan na rin ang DOTr sa Commission on Audit (COA) para gawing digitalized ang pagkuha ng data, kasabay ng pagsulong ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa modernisasyon ng mga serbisyo.
Sa isang bansa kung saan halos lahat ng proseso ay mabagal at paminsang pagkakaroon ng red tape, nakakagaan ng loob kapag may mga pagbabago na tunay na nakakaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan.
Ang pagbibigay ng on-the-spot personalized beep card ay hindi lang tungkol sa discount, ito ay patunay na puwede namang maging simple ang isang sistema kung tatanggalin ang hindi kailangan.
Sana ay hindi rito magtatapos ang reporma. Kung kaya nilang gawing mabilis ang ganitong simpleng serbisyo, dapat magawa rin ito sa mas malalaking proyekto at programa. Lalo na’t nasa panahon tayo kung saan mahalaga ang bawat minuto sa biyahe at bawat piso sa pamasahe.
Para sa akin, ang hakbang na ito ay simbolo ng maliit ngunit makabuluhang tagumpay laban sa mabagal na sistema. Kung magtutuluy-tuloy ito, posibleng balang araw, hindi na kailangang maghirap sa biyahe ang bawat commuter, dahil mayroon nang mas maayos, mabilis, at kumbinyenteng transportasyon sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




