- BULGAR
- Aug 17
ni Ryan Sison @Boses | August 17, 2025

Nakakabahala na sa isang lipunang dapat kumakalinga sa mga kabataan — mismong mga institusyong pinagtitiwalaan nating mag-aruga ay nagiging pugad ng pagmamaltrato at pang-aabuso.
Ang mga bata, na dapat protektado at minamahal, ay kadalasang nabibiktima ng malupit na sistema at ng mga taong mapagsamantala.
Kamakailan, nasagip ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang higit 160 bata, matapos makarating ang ulat ng umano’y pisikal, psychological, at emosyonal na pang-aabuso. Ang iba raw ay ikinukulong, hindi binibigyan ng pagkain, at
sinasaktan ng mismong dapat nag-aalaga sa kanila.
Kaya naman agad na naglabas ng cease and desist order ang DSWD laban sa sinasabing care facility, na nag-o-operate nang walang lisensya at accreditation.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, hindi pag-aari ng sinumang institusyon ang mga batang ito. Sila ay ipinagkatiwala lamang ng lipunan at ng pamahalaan, upang maalagaan, mahalin at pagmalasakitan. May ilan na nagsasabing hindi totoo ang mga alegasyon, subalit lima hanggang walong bata ang nagbigay ng detalyadong salaysay ng pang-aabuso. Dagdag ni Gatchalian, walang dahilan para hindi paniwalaan ang testimonya ng mga batang ito. Habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon, tiniyak ng kagawaran na ang mga kabataan ay tatanggap ng counseling, debriefing, at tamang suporta. Ang mga handa nang bumalik sa kanilang pamilya ay ire-reintegrate, at ang iba ay pansamantalang ilalagak sa mga pasilidad ng DSWD para sa rehabilitasyon.
Nakipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Bureau of Immigration (BI) upang bantayan ang isang banyagang suspek para hindi makalabas ng bansa.
Sa pangyayaring ito, muling nagpapaalala na kailangang higpitan ang pagbabantay sa mga private childcare facilities. Kinakailangan ng regular na inspeksyon, mas mahigpit na monitoring, at agarang aksyon laban sa mga mapagsamantala.
Sa ating bansa kung saan ang mga kabataan ang itinuturing na pag-asa ng bayan, tila ba hindi sapat ang ating pagbibigay proteksyon sa kanila. Nakakaalarma na kailangang dumating pa sa rescue operations bago tayo umaksyon.
Ang pag-aaruga sa kanila ay hindi pribilehiyo kundi tungkuling dapat gawin. At kapag ang tiwala nila ay nilapastangan, nararapat na ang parusa ay maging mabilis at mas mabigat.
Lagi sana nating tandaan na ang kabataan ay hindi dapat lumaki sa takot at pang-aabuso, kundi sa pagmamahal at pagkalinga.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




