top of page
Search

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 14, 2025



SHEET - KA TUNYING, TINAWAG NA BANGAG, LOYALISTA AT BALIMBING_IG _iamtunying28

Photo: IG _iamtunying28



Nakaka-inspire ang buhay ng mag-asawang Anthony at Rossel Taberna dahil ang dami nilang napagdaanan nu’ng mga nakaraang taon, lalo na ang pagkakasakit ng kanilang panganay na si Zoey, pero ngayon, umaani na ng biyaya at pagpapala ang kanilang pamilya.


Nitong December 10 lang, ipinagdiwang ng TGC o Taberna Group of Companies ang “Kasama, Kasalo, Pasasalamat” para sa mga naging katuwang nila sa kanilang tagumpay – kabilang na ang mga business at media partners nila – sa event na ginanap sa Cities Events Place.


Binuksan ang programa sa isang pagpapakilala at milestone video na nagbalik-tanaw sa higit isang dekadang paglalakbay ng TGC mula sa simpleng simula na puno ng pananampalataya, hanggang sa paglago ng apat na pangunahing kumpanya – ang Ka Tunying’s Restaurants, Kumbachero Food Corporation, Taste of the Town Catering, at Outbox Media Powerhouse Corporation.


Nagbigay ng makahulugang mensahe si Mrs. Rossel ‘Mrs. T’ Taberna, COO ng TGC, matapos ipalabas ang milestone video. Ibinahagi niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pusong mapagpasalamat at mapagpakumbaba sa bawat hakbang ng kanilang paglago.


Aniya, “Dito sa TGC, namumuno at naglilingkod kami nang may puso at pasasalamat.”

Nagbigay din ng mensahe si Mr. Anthony Taberna, CEO ng TGC, bilang pasasalamat sa mga media partners, “Maraming salamat sa tiwala at suporta. Katuwang po namin kayo sa bawat kuwento at tagumpay.”


Sa panayam ng media kay Anthony, natanong ang brodkaster-businessman kung sa kabila ng tagumpay niya sa dalawang larangan ay may balak din siyang pasukin ang pulitika.


Sagot nito, “Ah, no, no! Ang dami nang offers sa akin mula noon pa, like 18 yrs. ago, nu’ng 2007 pa. And every election thereafter, meron nang mga offer, pero hindi natin gusto ‘yan.”


Dahil naman sa pagiging objective journalist niya, kung anu-ano na raw itinawag sa kanya ng mga netizens.


“Tinawag na akong DDS. Tinawag na akong bangag, loyalista, balimbing, kasi objective ako. Kaya tinawag na nila ako sa iba’t ibang pangalan kasi objective ako. Minsan, tinitira ko si PBBM. Minsan, tinitira ko si Duterte. Minsan kinakampihan ko si PBBM. Minsan kinakampihan ko si Duterte. 


“Akala nila, ‘pag nag-iiba-iba ka ng… may paninindigan ka, hindi ganu’n ang journalist. Ang journalist, nagsasabi nang totoo objectively.” 


Pero hindi naman daw madaling maapektuhan si Ka Tunying kahit i-bash pa siya, ‘wag lang idadamay ang kanyang pamilya, lalo na ang mga anak niya. 

Oo nga naman, foul na ‘yun!



Pasahero, dinala raw sa motel…

OGIE, NANAWAGAN SA INDRIVE NA ‘DI NA SAFE SAKYAN



Mukhang hindi na gaanong safe sakyan ang Transportation Network Vehicle Service o TNVS na InDrive dahil marami na rin kaming naririnig na reklamo, tulad ng dalawang beses na experience namin.


Nag-book kami ng InDrive along Roces Avenue, Quezon City, at nagulat kami dahil dumating ang sasakyan na may kasamang babae ang driver at ang katwiran niya ay asawa niya ito.


Napansin siguro ng driver na atubili kaming sumakay kaya nagsabing may bibilhin lang sila, pero tumanggi pa rin kami. Medyo nairita pa ito dahil wala naman daw masama kung sasabay ang asawa niya.


Ang katwiran namin ay ang tagal dumating ng driver, bakit hindi niya nabanggit na kasama niya ang asawa niya o may kasama siya? Eh, di sana ay sinabihan na naming huwag na siyang tumuloy dahil ayaw namin ng may ibang kasabay.

Nag-iingat lang naman kami dahil sa panahon ngayon, lalo na kung inaabot ng gabi. At nagpadala pala kami ng complaint sa InDrive sa pamamagitan ng email, pero dedma, wala kaming nakuhang sagot.


Kaya tinanggal na namin ang InDrive application namin dahil pakiramdam namin ay hindi kami safe.


Kaya namin ito naikuwento ay dahil nakita namin ang Facebook (FB) post ng movie producer-host na si Ogie Diaz kaninang madaling-araw na nag-share siya ng reklamo ng dalawang magkaibang pasahero na nanakawan ng malaking halaga at nakunan ng gamit, at ang isa ay dinala sa motel.


Ang post ni Ogie, “InDrive, aksyunan n’yo naman po ito. Dalawang magkaibang insidente ito baka madamay ‘yung ibang matinong drivers n’yo, kawawa naman.

“Sana, gumawa ng batas para maproteksyunan ang mga pasahero. Dapat iobliga ang lahat ng TNVS na may CCTV na kuha ang loob at labas ng sasakyan para sa parehong proteksyon ng drivers at pasahero.


“Saka lahat ng taxi, dapat may contact number sa loob kasama ang plate number ng sasakyan na nakasulat sa bawat pinto para maka-text agad ang pasahero kung duda siya o gago/bastos ang driver.


“Nabanggit din na dapat magsuot ng facemask ang mga pasahero dahil nauuso na naman ang spray na kapag nakaamoy ay nag-iiba ang pakiramdam.


“Kung ang driver ay naka-face mask, dapat may face mask ding baon ang pasahero, dahil uso ngayon ‘yung ini-spray sa hangin tapos mahihimatay ‘yung pasaherong makakalanghap ng nakakahimatay na amoy.


“Sa mga pasahero, lalo na sa mga babae, send na agad sa kaibigan o kaanak ang picture ng driver just in case may mangyaring masama. Diyos ko, magpa-Pasko na. Maraming gipit, maraming gustong rakitin ang mga pasahero.


“Saka sa mga pasahero, lalo na sa mga may kaya, bigyan n’yo ng tip ‘yung mababait, magagalang na driver at tinutulungan kayo sa pagbubuhat ng mga gamit n’yo.

“Anyway, bago magkalimutan — InDrive, aksyunan naman n’yo ito para hindi matakot ang mga pasahero. Pansinin n’yo ang mga complaints kung ayaw n’yong um-attend ng Senate hearing.”


Bukas ang BULGAR sa panig ng InDrive.




 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 13, 2025



SHEET  - ANGELICA, HIYANG-HIYA NANG MALAMANG AMPON LANG_YT Karen Davila

Photo: Angelica Panganiban / YT Karen Davila



“I found out na adopted ako year 2010. Ang nagsabi sa akin ay my nephew. Magkaaway kami ng mama ko (adoptive mother), as in talagang away kami, daughter and mom,” ang bungad na kuwento ni Angelica Panganiban sa panayam sa kanya ni Karen Davila sa vlog nito na mapapanood sa YouTube (YT) channel.


Aminado si Angelica na maldita siya sa magulang dahil katwiran niya ay siya ang breadwinner, kaya okay na ‘yun, hanggang sa sinabihan siya ng pamangkin na huwag niyang awayin ang mom niya.


“Umiiyak na sa akin ‘yung nephew ko, sabi n’ya, ‘‘Wag ka namang ganyan kay Evela, Ate. Alam mo ba na ‘di ka naman tunay na anak ni Evela?’ Sabi ko, ‘Ano’ng pinagsasabi mo?’” tumatawang kuwento ng aktres.


Naikuwento raw ito kay Angge noong nasa ABS-CBN dressing room siya. At nang pumasok siya ng banyo ay napatingin daw siya sa salamin at tinanong ang sarili ng “Sino ka?” Parang bigla raw siyang nawalan ng identity. 


Aniya, “Ganu’n pala ‘yung feeling. Akala natin na ‘pag nalaman mong ampon ka, magwawala ka. Pero hindi, para akong nauubos. ‘Sino kayo, sino ang pamilya ko? Sino ‘yung kadugo ko?’”


Nabanggit daw niya ito sa adoptive mom niya na alam na niyang ampon siya habang nasa hospital dahil sa over fatigue. Umiyak ang mama niya at sinabing magpalakas muna at saka ikukuwento ang lahat.


Hanggang sa nakauwi na ng bahay si Angge at ipinakita ng mama niya ang mga larawan ng mga taong madalas pumunta sa bahay nila tuwing Pasko at nagpapa-picture sa kanya taun-taon.


“Tapos, ‘pag nagpapa-picture sila, inis na inis ako. Mga tito at tita (biological) ko pala na akala ko, kapitbahay lang namin sila from Tondo. Naiinis ako na bakit ba laging nagpi-picture, eh, para sa akin, Pasko na nga lang ako hindi nagiging artista, ‘di ako nagtatrabaho, tapos pupunta ng bahay para magpa-picture, naiinis talaga ako. S’yempre, na-feel bad ako noong nakita ko ‘yun at nalaman ko ‘yun, na bakit n’yo ako inilagay sa ganu’ng sitwasyon na maiinis pa ako sa kanila, ‘yun pala, kamag-anak ko sila,” kuwento ni Angelica.


Naitanong ni Karen kung ano ang kuwento ng biological mom ni Angelica, kung OFW daw ba ito dahil hindi nga niya nakilala. 


Sinabi ng aktres na nagkakilala ang tatay niyang US Navy at nanay niya sa Olongapo. Cleaning lady noon ang nanay niya sa bahay kung saan tumuloy ang ama pagkababa ng barko.


Hanggang sa nakaalis na ulit ng bansa ang tatay ng aktres na hindi nito alam na buhay pa siya dahil ang pinalabas ng mom niya ay patay na silang mag-ina nang dahil daw sa isang car accident, at ginawa ‘yun dahil ayaw na nitong ituloy pa ang relasyon nila dahil may iba na itong karelasyon.


“Kaya noong nahanap ko s’ya (daddy) sa Facebook, para raw s’yang binuhusan ng malamig na tubig kasi ang alam n’ya, patay na ako.


“Wala naman akong planong hanapin sila. Gusto ko lang malaman nasaan s’ya (tatay), nasaan ‘yung tunay kong nanay. And sinabi sa akin na namatay na noong 2007 (biological mom). ‘Yun ang hindi ko maintindihan, bigla akong nanginig, tapos umiyak ako. Bakit ako umiyak, hindi ko naman s’ya kilala, ‘di ko naman s’ya mahal na dapat, galit ako sa kanya. Hindi ko alam saan nanggagaling. 


“Then noong kumalma na ako, du’n ko naisip na dapat hanapin ko na rin ang tatay ko para malaman ko kung buhay pa s’ya, para may makilala man lang akong isa sa magulang ko. Kaya ko s’ya hinanap,” kuwento ni Angge.


At nang nalaman ng aktres na ampon siya, “Pakiramdam ko bumait ako kasi naging thankful ako. Unang-una, nahiya ako sa ugali ko. Ang yabang ko kasi noon na breadwinner ako, na okay lang na away-awayin ko sila, nakakapag-provide naman ako.


“And then noong nalaman kong adopted ako, parang biglang wala akong mukhang maiharap. Ako pala ‘yung may utang na loob. ‘Di ba ang yabang ko, tapos sila pala, ‘di nila ako kadugo pero inalagaan ako, pinag-aral ako, minahal ako na parang kanila.


“For 25 years, ‘di ako nag-doubt na ampon ako. Kahit iba ‘yung mga hitsura ko sa kanila, naniwala ako na ‘wag lang daw ako maglaro sa ilalim ng araw nang matagal,” kuwento ni

Angelica kaya nagkatawanan sila ni Karen.


At dahil sa buhay niyang pang-Maalaala Mo Kaya ay nangarap si Angge na bumuo ng sarili niyang pamilya na matatawag niyang kanya, dugo’t laman niya ang nananalaytay sa anak at magiging mga anak pa niya. 


Kaya nang makilala niya ang asawang si Gregg Homan, nagpasalamat siya dahil feeling niya, ito ang sagot sa mga panalangin niya sa Diyos.


Ang sarap panoorin ng panayam ni Karen kay Angelica dahil kung ihahambing ito sa pelikula ay feel-good movie ang dating. 


May puso ang interview dahil namo-motivate nitong mailabas ng subject ang tunay nilang nararamdaman.


Samantala, ang ayaw ni Angelica Panganiban na mangyari sa buhay niya ngayon ay maghiwalay sila ng mister niya.


Sey niya, “Sobrang kalmado ako, ang ganda ng buhay ko kasama ang pamilya ko kaya ayokong mauwi ito sa unmarry o mawala lahat. Ayaw ko.”


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 10, 2025



SPECIAL - EDU, INI-REPOST ANG BALITANG SABIT SA PLUNDER SI SEC. RALPH_FB Ralph Recto

Photo: File / IG Enrique Gil



Hindi naman siguro matatawag na ‘kiss and tell’ si Enrique Gil nang ibulong niya kina Stanley Chi at Benjie Paras kung sino ang mga naging girlfriend niya na hindi nalaman ng publiko.


Sa guesting ni Quen (palayaw ng aktor-producer) sa online show na Men’s Room hosted by Stanley kasama si Benjie bilang kahalili ni Janno Gibbs ay tinanong nga nila ang binata na ang expected nila ay hindi ito magkukuwento bilang lalaki, pero mali dahil talagang ibinulong sa kanila lahat ni Enrique na ikinagulat ng dalawa sabay sabing, “Oh, talaga? Wow!”


May nasambit pa si Stanley na, “Naiinggit naman ako du’n sa sinabi mo.” 

Marahil ay sikat at maraming nagkakagusto noon sa female celebrity, tapos nakarelasyon ni Enrique.


Ang curious kami ay may sinabi si Quen na may dalawang personalidad na mas may-edad sa kanya ang naunang nagpakita ng motibo sa kanya kaya tinanong nina Stanley at Benjie kung sino, at muli niyang ibinulong.


Sa madaling salita, kahit pabulong itong sinabi ng aktor ay may iba pa ring nakaalam. 

Sabagay, hindi naman lihim na maraming celebrities ang na-link kay Quen tulad nina Jasmine Curtis-Smith, Jessy Mendiola, Coleen Garcia, Julia Barretto, Bangs Garcia, Solenn Heussaff, Sarah Lahbati, Erich Gonzales, Franki Russell, at ang ex-girlfriend na si Liza Soberano.


Anyway, guest si Enrique sa Men’s Room para sa promo ng pelikula nila ni Piolo Pascual na Manila’s Finest (MF), na entry sa 51st Metro Manila Film Festival (MMFF) produced ng MQuest Ventures, Cignal, at Spring Films mula sa direksiyon ni Raymond Red.

Ayon kay Quen ay nakapanayam nila ang mga retiradong pulis noong 1960s na kasama sa MF para magkaroon sila ng ideya.


“May isang araw kaming to meet members ng Manila’s Finest before, kuwentuhan lang at medyo matanda na rin kaya medyo ‘di kami nagkakarinigan. 


“Super cool ng mga kuwento nila at tinanong ko kung close sila (ibang miyembro), ‘di raw masyado. ‘Pero maloko ba kayo noon?’ Oo, mas maloko pa raw sila dati kumpara ngayon.

“If you look back, sabi nila, ‘yung mga nangyayari noon, parang walang ipinagbago sa mga nangyayari ngayon. At ‘yun nga ang conflict dito sa story (pelikula). You want to be a good cop to serve the Filipinos, ang problema, may sistema kasi to follow.


“So, you want to be the best person as you can pero at times, ‘di worth it. ‘Di ka tataasan ng ranggo, mapag-iiwanan ka. Kung ‘di ka susunod, mawawalan ka ng trabaho, or the worst, kung makikialam ka, papatayin ka. Kaya ano ba dapat—be smart na lang o be practical?” kuwento ng aktor.


Nasambit pa na kung sino ‘yung may hindi magandang ginagawa ay sila pa ‘yung umaasenso ang buhay.


Anyway, bilang producer na rin si Enrique ay may nakatrabaho raw siya na na-stress ang lahat sa artistang ito at pati rin siya ay naapektuhan kaya medyo takot siya.

“Mood swings, minsan may ganu’n (star complex). Minsan, mataray, tapos out of nowhere, bigla na lang super okay, super-lambing. Sabi ko, ‘Bakit ganu’n?’ May isang movie kaming ginawa, grabe ‘yung mga naranasan namin. Hindi lang sa akin, pati co-stars ko at nakikita ko na lang, ‘Oh, my gosh!’” kuwento pa ng aktor.


“Sakit sa ulo?” tanong ni Stanley na sinang-ayunan ni Quen.

Hirit pa ni Stanley, “So ikaw, bilang producer, ‘di mo kukunin ito?”


“Ay, hindi talaga! Gusto ko po laging happy lang sa set kasi ang bigat na ng working hours minsan sa trabaho. So, gusto ko, masaya lang lahat, super light. Kahit sa direktor, gusto ko, super happy lang,” esplika ng aktor-cum producer.


Samantala, tuwang-tuwa sina Stanley at Benjie kay Enrique dahil diretsong sumagot kaya may mga napag-uusapan sila na hindi katulad ng ibang nag-guest na safe sumagot.

‘Yun nga lang, alam na nila ang lihim ni Enrique Gil pagdating sa mga babaeng nagkaroon siya ng ugnayan.





Serye, ‘di na mapapanood sa network…

COCO, ‘DI RAW KAWALAN SA TV5



WALANG katotohanan ang tsikang tatapusin na ang FPJ’s Batang Quiapo (BQ) sa Enero 2026 dahil ayon sa mga nakausap naming konektado sa action series ni Coco Martin ay hindi pa nila ito nakikitaan ng ending.


“Napakarami pang mangyayari sa kuwento, ang daming layers ng kuwento ng BQ. So, ano’ng petsa na? Wala pang isang buwan kung sa Enero na ito magtatapos. Hindi totoo. Maraming plano pa si Direk Coco sa show,” katwiran ng aming kausap.


Malaking epekto ba kapag hindi na eere sa TV5 ang BQ


Base sa nakausap naming taga-Kapatid Network ay more than 50% ang nanonood sa kanila kahit pa mawala ang show ni Coco Martin.


“In case na bumaba, okay lang. Sanay naman kaming mababa ang ratings, ‘di ba? Tataas din kami ‘pag may sarili na kaming show. Kaya nga kami gagawa ng sarili

naming show para masabing amin talaga,” paliwanag sa amin.


Mas nag-alala pa nga ang mga taga-BQ nang mawala ang YouTube (YT) channel ng ABS-CBN Entertainment dahil mataas ang concurrent viewers ng BQ na umaabot kulang 1M kung susumahin lahat.


Good thing na naibalik na ang YT ng Kapamilya Channel na nabawasan ng mahigit isang milyong subscribers.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page