top of page
Search

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | October 24, 2025



SHEET - KLEA, UMAMING PAREHO SILANG NAGPA-TATTOO NI JANELLA_FB Klea Pineda



“Hindi s’ya couple tattoo,” ito ang sinabi ni Klea Pineda sa viral photo na nagpa-tattoo raw sila ni Janella Salvador na pareho ang disenyo.


Kamakailan, kumalat sa social media ang larawan nina Klea at Janella na nasa tattoo shop na pareho silang nagpalagay kaya’t sinabing ‘couple tattoo,’ lalo’t pareho naman nilang sinasabi palagi na, “What you see is what you get.”


Sa ginanap na 13th edition ng QCinema International Film Festival (QCIFF) kung saan kasama ang pelikula niyang Open Endings, sinagot ni Klea ang tungkol dito.

Aniya, “Hindi ko nga alam kung bakit kailangan pa kumalat ‘yung ganu’ng klaseng photo. Pero yes, galing kaming tattoo shop. Hindi s’ya couple tattoo.”


Totoong nagpa-tattoo ang dalawang aktres pero hindi raw sila pareho ng disenyo, at ayaw na nila itong ipakita.


“Ayaw namin, ayokong ipakita kung ano man ‘yung tattoo na nakuha ko, at ‘yung tattoo na ipinagawa n’ya kasi gusto namin, ako, i-keep ‘yun in private. Kung makita n’yo sa photos, eh, di makita n’yo,” katwiran ni Klea.


Nasabi pa ni Klea na hangga’t maaari ay gusto niyang i-keep muna kung ano ang meron sa kanila ni Janella basta masaya raw sila.


“This time, mas pinipili ko na kung anuman ‘yung mga magagandang nangyayari sa akin, sa love life ko, sa lahat ng aspeto ng buhay ko, gusto ko s’yang protektahan, ‘yung happiness, ‘yung magandang bagay na ‘yun.


“Kung ano man ‘yung nakikita n’yo sa social media, ‘yun na ‘yun, wala na kaming dapat i-explain, hindi naman namin utang na loob sa mga tao na ipaliwanag kung ano’ng meron, kung ano’ng klaseng relationship ‘yung meron kami,” pangangatwiran pa nito.


Samantala, sasabak naman ang pelikula nina Klea at Janella kasama sina Jasmine Curtis-Smith at Leanne Mamonong sa Asian Next Wave section ng Sapphic film na Open Endings (OE) pagkatapos mapanood sa katatapos na Cinemalaya 2025.


Makakalaban ng OE ang Diamonds in the Sand (DITS) na pinagbibidahan ni Charlie Dizon, ang entry ng Thailand sa Academy Awards sa susunod na taon na A Useful Ghost (AUG), at 6 na iba pang pelikula na pawang idinirek ng mga Asian filmmakers. 

Ang mananalo sa seksiyon ang magsisilbing closing film.


Ang QCinema ngayong taon ay tatakbo mula Nobyembre 14 hanggang 23 sa anim na Quezon City mall theaters: Gateway, Ayala Malls Trinoma, Ayala Malls Cloverleaf, Fisher Mall, at Robinsons Galleria.



NAREBYU na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga pelikulang kalahok sa unang CineSilip Film Festival (CFF) upang matiyak na ang bawat likha ay may angkop na klasipikasyon batay sa kontemporaryong pamantayang kultural ng mga Pilipino.


Gaganapin sa Oktubre 22-28, tampok sa 2025 CineSilip Film Festival ang pitong pelikula na tumatalakay sa iba’t ibang klase ng tema at hindi tradisyunal na paraan ng pagkukuwento.


Ayon sa MTRCB, 6 sa 7 pelikula ang R-18 dahil sa maseselang lengguwahe, karahasan at sekswal na mga eksena na hindi angkop sa mga edad 17 at pababa.

Ang Lihim Ni Maria Makinang (ALNMM) sa direksiyon ni Gian Arre ay kuwento ng isang dalagang lumilitaw at tumatanda lamang tuwing kabilugan ng buwan. Naglalaman ito ng mga eksenang sekswal.


Ang Babae Sa Butas (BSB) ni Rhance Añonuevo-Cariño ay tungkol sa pagkikita ng isang drayber ng traysikel at isang misteryosong babae sa pamamagitan ng butas sa pader. Tampok dito ang ilang eksenang may karahasan at sekswal na aktibidad.


Ang Haplos Sa Hangin (HSH) ni Mikko Baldoza ay tungkol sa pagtataksil at obsesyon ng isang lalaking nasangkot sa bawal na relasyon. Pagnanasa, pagkakasala, at pagtataksil sa sensuwal na paraan ang paksa.


Ang Maria Azama: Da Best P*rn Star (MA:DBPS) ni Alan Habon ay nakasentro naman sa pantasya ng isang binata sa pamamagitan ng panonood ng video ng isang porn star na si Maria.


Ang Pagdaong ni Pongs Leonardo ay tungkol sa isang kilalang manunulat na si Luna, na kinompronta ng isang mag-aaral na nais tuklasin ang mga lihim sa likod ng kanyang mga tula.


Ang Salikmata ni BC Amparado ay kuwento ng isang lalaking napilitang harapin ang kaparusahan ng pakikipagrelasyon sa anak ng isang makapangyarihang pulitiko.


Samantala, ang Dreamboi na pinagbibidahan ni Tony Labrusca at idinirek ni Rodina Singh ay R-18 mula sa X-rating batay sa desisyon ng komite.


Pahayag nila, Dreamboi serves as a meaningful venue for transgender representation in Philippine cinema. Through the character of Diwa, the film portrays the emotional and sexual life of a transwoman with honesty and dignity, moving beyond stereotypes. Its treatment of sensuality is symbolic rather than exploitative, expressing the human longing for love, identity, and acceptance. 


“Artistically, it uses sound, light, and intimacy to reveal the inner world of desire and isolation often unseen in mainstream narratives. While containing explicit material that warrants an R-18 classification, Dreamboi remains valuable for its authentic portrayal of marginalized experience and contribution to inclusivity in Philippine storytelling.”


Binigyang-diin ng Board na mayroong committee system na umiiral para matiyak na ang lahat ng pelikula ay dumadaan sa masusing rebyu batay sa Presidential Decree No. 1986.


Sa kaso ng Dreamboi, nag-submit ang mga producers ng tatlong bersiyon. Bawat isa ay masusing nirebyu ng iba’t ibang komite na binubuo ng tatlong magkakaibang Board members—patunay lamang na patas, objective, at metikuloso ang prosesong isinagawa ng ahensiya. 


Patuloy na hinihikayat ng MTRCB ang mga magulang at nakatatanda na gamitin ang angkop na klasipikasyon ng Board bilang gabay sa pagpili ng angkop na pelikula para sa kanilang pamilya.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | October 17, 2025



@juancarloscuenca & @andersongeraldjr

Photo: @juancarloscuenca & @andersongeraldjr



Mag-best friend sina Jake Cuenca at Gerald Anderson na nagsimula sa seryeng Tayong Dalawa (TD) na ipinalabas nu’ng 2009 kasama si Kim Chiu. Kahit parehong busy ang dalawang aktor, hindi nawala ang kanilang komunikasyon para kumustahin ang isa’t isa, kasama ang iba pa nilang mga kaibigan.


Kaya nang makapanayam namin si Jake pagkatapos ng mediacon ng bago niyang seryeng What Lies Beneath (WLB) na mapapanood na sa October 17 (Biyernes) sa Netflix, October 18 (Sabado) sa iWantTFC, at October 20 (Lunes) sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at TV5 ay nagulat siya nang hingan ng reaksiyon ni Ateng Janiz Navida sa nalalapit na pagpapakasal nina Gerald at Julia Barretto.


“Wow! Really? Oh, my God, ngayon ko lang nalaman ‘yan. Totoo ba? Are you 110% sure? O tsismis pa lang ito?” gulat na tanong ni Jake.


Nang banggitin namin na ibinalita ito ni ‘Nay Cristy Fermin sa Showbiz Now Na (SNN) vlog nila nina Wendell Alvarez at Romel Chika, at sabi nga ni Ateng Janiz ay may balitang bumili na ng singsing ang aktor para sa GF, ani Jake, “Wait, I have to hear this from Gerald himself. Best friend ko naman ‘yung tao. Sandali lang, hindi ako ‘yung bestman? Hahaha!” tumatawang sagot ng aktor.


Dagdag pa niya, “Magmo-motor kami, so I will find out and I will update you guys.”

May time pa bang mag-motor si Jake sa kaliwa’t kanang taping?


“Actually, wala. Pero for Gerald, for this tsismis, I have to find out! Hahaha! Magmo-motor ako para sa kanya,” masayang sabi ng aktor.


Nabanggit pa ni Jake na basta para kay Gerald, open ang schedule niya. Kung kunin man daw siyang ring bearer, ayos lang kahit hindi siya ang bestman.


Ang huling ride nina Jake at Gerald ay noong nagkaroon sila ng show sa Dagupan at motor ang ginamit nilang transportation mula Manila hanggang Dagupan.


“Pero ang pinaka-latest ride ko... (iniisip pa niya). ‘Pag may project kasi ako, I don’t ride kasi nga isang aksidente, bulilyaso buong schedule mo. Action pa ito and suspense pa ‘to (What Lies Beneath), I need to move. Hindi ako nakaupo, pero I try to keep it to a minimum. So ‘yung last time I ride, nag-ride kami ni Direk Lester (Pimentel-Ong) of Incognito, nag-Alabang lang kami,” kuwento ni Jake.


Sa huling tsikahan daw nina Jake at Ge ay marami silang napagkuwentuhan, pero tiyak ngayon ay mas marami silang updates sa isa’t isa dahil sa mga pagbabago sa buhay nila.

In fairness, kitang-kita ang tuwa ni Jake sa balitang ikakasal na ang best friend niya, kaya natanong ng press kung close siya kay Julia.


“Kay Julia? Yeah, we’re good. Okay kami ni Julia. Ako, ever since, I’ve always been rooting for them. At kahit sa gitna ng mga naririnig natin, I pray for them kasi bagay talaga sila sa isa’t isa,” nakangiting sabi ng aktor.


Ano ang naging reaksiyon niya noong balitang nag-break sina Gerald at Julia?

“Yeah, I’ve heard some stuff, but I don’t want to go into details. Hahaha! ‘Wag naman sa akin manggaling,” natawang sagot ni Jake.


At kahit ano’ng pilit na sinabing nagkabalikan na ang dalawa, mas gusto pa ring marinig ni Jake mismo mula kay Gerald ang kumpirmasyon. 


Aminado si Jake na sobrang mahal niya ang kaibigan.


Aniya, “Si Ge, I love him. Kasi when I was going through my thing, isa sa mga unang nag-text sa akin si Ge at saka si Paulo Avelino. So I love those two. Kahit hindi mo hingin, they are there. Kaya for me, with them, kahit anong problema, I’m biased towards those two.”


At dahil nabanggit na okey siya kay Julia, tinanong namin kung lahat din ba ng ex-girlfriends niya ay naging katsika o close nina Gerald at Paulo. Medyo natigilan si Jake.

Sey niya, “Hmm… Actually, parang hindi. I don’t think they’re friends with… Well, nakatrabaho ni Paulo some of them.”


Ang tinutukoy niya ay sina Kylie Verzosa (Elevator – 2024), Lovi Poe (Aswang – 2011, Sana Dati – 2013, The Bride and the Lover – 2013, Flower of Evil – 2022), Bea Alonzo (Kasal – 2018, Sana Bukas Pa Ang Kahapon – 2014).


Sabi pa ni Jake, “Kung iisipin mo sa utak mo, pero I wouldn’t really say na tsika-tsika kami. Hindi kami ganu’n, eh. There’s never been a scenario na lumabas kami na ako ‘yung third wheel o s’ya ang third wheel sa akin, kasi work-work kami.”


Kinlaro rin ni Jake na hindi niya naging close ang ibang exes ni Gerald, maliban kay Julia dahil nagsimula raw ang aktres sa seryeng Palos (2008) na pinagbidahan ni Jake.

“Si Julia kasi, sa Palos nagsimula. Si Kim (Chiu), we did Secretary Kim (2024),” kaswal na sabi niya.


Kaya tinanong kung close rin siya kay Kim.


“Guys, I don’t talk about my friends’ ex-girlfriends (tawanan ang lahat). It’s not a very manly thing to do. Hindi nakakalalaki. Hahaha!” tumawang sabi ng aktor.

Dagdag pa niya, “Pero alam n’yo kung ano ang nakakalalaki? Manood ng (FPJ’s) Batang Quiapo at WBL.”


Ang saya-saya ng tsikahan namin kay Jake dahil walang ka-showbiz-an. 

Nang isa-isa na kaming nagpaalam, bumulong siya ng “Thank you for always being there for me.”


Samantala, ang gist ng WLB ay iikot sa kuwento nina Alice (Janella Salvador), Mel (Sue Ramirez), Erica (Kaila Estrada), at Beth (Charlie Dizon), apat na babaeng nabago ang buhay dahil sa isang kasinungalingan at desisyong ginawa nila sa nakaraan.


Ngayong unti-unting lumalabas ang katotohanan, panoorin kung paano nito susubukin ang tiwala sa isa’t isa at ang pagsasamahan na kanilang nabuo.


Sa media launch, ibinahagi nina creative producer Arah Badayos at head writer Benson Logronio kung paano tinatalakay ng serye ang masalimuot na konsepto ng injustice.

“Makikita sa trailer na may nagawang injustice,” ani Arah. 


Paliwanag niya, “Pero ipapakita rin na hindi ito basta-basta, ‘yung mga taong gumawa ng injustice ay biktima rin ng injustice sa sarili nilang paraan.”


Ibinahagi naman nina Janella, Sue, Kaila at Charlie ang mga hamon sa pagganap sa kanilang mga karakter na kinakailangang maging matatag sa gitna ng takot at mga lihim na patuloy na bumabalik para sila'y singilin.


Kasama rin sa cast ng What Lies Beneath (WLB) sina Jake Cuenca at JM de Guzman, na lubos ang pasasalamat sa pagkakataong gumanap ng mga karakter na malayo sa mga dati nilang proyekto. 


Makakasama rin sa serye sina Yves Flores, Race Matias at Jameson Blake, sa direksiyon nina Froy Allan Leonardo at Dado Lumibao.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | October 16, 2025



Kaila at janice / IG

Photo: Kaila at janice / IG



KAHIT kaliwa’t kanan na ang pumupuri sa husay umarte ng aktres na si Kaila Estrada, sinasabi pa rin niyang hindi pa rin niya kayang tapatan ang mom niyang si Janice de Belen.


Sa nakaraang mediacon ng What Lies Beneath (WLB) kung saan gaganap si Kaila bilang abogadang si Erica sa serye na pinagbibidahan ni Jake Cuenca, hiningan siya ng reaksiyon sa sinabi ng nanay niyang si Janice de Belen na mas magaling siyang umarte rito, lalo na sa seryeng Incognito kung saan nagpakita siya ng husay sa aksiyon at drama.


Naaliw kami dahil nanlaki ang mabibilog na mata ng aktres. 

Sey niya, “She (Janice) said that? Thanks, Mom! I disagree. I feel like my parents, gusto lang nilang ipagmalaki ang mga anak nila.”

Nasambit pa ni Kaila na living legend ang ina.


“I look up to her in all the aspects of my life, not just her as an artista. Having said that, nandito rin ako para ipagmalaki s’ya, and I’m so proud to be her daughter. I’m so proud of what she has achieved. I only wish to achieve half of that,” pagmamalaki ng dalaga sa kanyang mom.


Habang pinagmamasdan namin ang cast ng WLB na nakaupo sa harapan ng media na kinabibilangan nina Jake, Kaila, Janella Salvador, Charlie Dizon, Sue Ramirez, JM De Guzman, Jameson Blake, Yves Flores at Race Matias, napapailing kami dahil ang gagaling ng mga artistang ito. 


Nagkaroon na sila ng kani-kanilang solo projects at heto, pinagsama-sama sila sa seryeng mapapanood na sa Oktubre 17 sa Netflix, Oktubre 18 sa iWant, at Oktubre 20 sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, A2Z, at TV5 pagkatapos ng FPJ’s Batang Quiapo (BQ).


Tsika ni Kaila sa bago nilang project, “I feel like because this show is all about seeking truth and seeking justice, it’s also the result of that, of being able to find that.

“And I feel like it is being led by four strong women that have different personalities and are in different walks of life, I feel like that is such a strong sentiment as well as to what we’re saying about womanhood also.”


Nagkuwento ang mga female stars ng serye na sina Kaila, Sue, Charlie at Janella na nahirapan silang umarte hindi dahil nagsasapawan sila kundi dahil puro sila tawanan sa kuwentuhan, na parang naglalaro lang sila sa set.


Kaya pati ang mga direktor na sina Froy Allan P. Leonardo at Dado Lumibao ay hindi rin mapigilan ang tawa. 


Pero dahil trabaho ito, ang mga aktres na rin mismo ang nagsabi sa sarili nilang kailangan na nilang magseryoso.


Ang mga male actors naman na sina Jake, Race, Yves, Jameson at JM ay natutuwa sa magandang bonding nilang lahat sa set na talagang magkakaibigan sila.



OPISYAL nang naglunsad ng bagong strategic partnership ang QCinema International Film Festival (QCinema) at ang Film Academy of the Philippines (FAP) para palakasin ang suporta sa mga programa sa industriya ng pelikula.

Kamakailan ay nagpulong sina FAP Director-General Paolo Villaluna, QCinema Industry Head Liza Diño, QCinema Film Foundation President Manet Dayrit, at QCinema Artistic Director Ed Lejano upang talakayin ang isang shared vision para sa collaboration at capacity-building sa local film sector.


Ang pangunahing highlight ng partnership ay ang suporta sa pagpopondo ng FAP para sa QCinema 2025, na kinabibilangan ng mga kontribusyon sa festival programming at residency programs na humahasa sa kakayahan ng umuusbong na talentong Pilipino.


“Dahil sa tumataas na kontribusyon ng sinehan sa Pilipinas sa pandaigdigang komunidad ng pelikula, ang paglalagay ng mga inisyatiba na nagtutulak ng propesyonal na pag-unlad at edukasyon sa pelikula ay mahalaga.

“Para maipakita ng aming local screen talent ang kanilang kakayahan sa bansa at higit pa, kailangan nating pangalagaan ang kanilang mga pangangailangang pang-edukasyon. Ito ang dahilan sa likod ng ating strategic partnership,” pahayag ni Ms. Liza Diño.


Ang pakikipagtulungan ay aabot din sa isa sa QCinema Industry 2025’s programs — ang Asian Next Wave Film Forum (ANWFF). Ang Direktor-Heneral na si Villaluna, kasama ang mga pinuno mula sa iba't ibang mga guild ng pelikula sa Pilipinas, ay lalahok sa mga panel ng industriya ng forum at mga roundtable na talakayan, na magbibigay ng institutional na insight sa kasalukuyang tanawin ng Philippine cinema at regional cooperation sa Southeast Asia.


Bilang bahagi ng patuloy na partnership, magho-host ang FAP ng isang nakatalagang gabi sa QCinema 2025 sa Nobyembre 18, na tinatawag na FAP Night. Ang kaganapan ay magsisilbing opisyal na pagpapakilala sa mga inisyatiba ng FAP, kabilang ang mga programa mula sa mga kaakibat na guild ng pelikula, at magbibigay ng plataporma upang ipagdiwang ang mga propesyonal sa industriya sa lahat ng disiplina.


Ang QCinema Industry 2025 ay magaganap mula Nobyembre 18-23, 2025.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page