ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | August 16, 2023
KUNG PAMBABASTOS SA DIYOS ANG PAG-UUSAPAN, MAS MASAHOL SI EX-P-DUTERTE KAYSA PURA LUKA VEGA -- Maraming lugar na sa Pilipinas na idineklarang persona non grata si drag artist Pura Luka Vega sa pagpi-perform nito na ginaya at ginawang katatawanan si Kristo.
Sana, ngayong hindi na presidente si ex-P-Duterte ay ideklara rin siyang persona non grata sa mga lugar kung saan idineklarang persona non grata si Pura Luka Vega, kasi sa totoo lang, mas masahol ang ginawa ng ex-president kaysa sa ginawa ng drag artist, dahil noon ay bukod sa inalipusta na ng dating presidente ang Diyos, ay minura pa, boom!
◘◘◘
DAPAT ANG IPAGBAWAL CONFI FUNDS NG MGA TRAPO AT HINDI ANG PA-LIGA AT BEAUTY CONTEST NG MGA SK -- Nais daw ni National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema na ipagbawal na ang paggasta ng Sangguniang Kabataan (SK) sa mga liga at beauty contest kasi rito lang daw nauubos ang pondo ng mga SK.
Pambihira naman, pati ang kasiyahan ng mga kabataan ipagbabawal pa, eh mainam pa nga ‘yang ginagawa ng mga SK kasi nakikita at nalalaman ng mamamayan kung saan ginagasta ang SK funds, kumpara naman sa confidential funds ng mga trapo (traditional politician) na nauubos at hindi alam ng taumbayan kung saan ginasta dahil wala itong kaakibat na resibo.
Ang nais nating ipunto rito, ang dapat ipagbawal ay ang pagbibigay ng confidential fund sa mga trapo, at hindi ang paliga at beauty contest ng mga SK, period!
◘◘◘
SA PAGHINA NG PESO SA DOLYAR HINDI NABABAHALA ANG MGA KURAKOT -- Sabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona ay hindi raw dapat ikabahala ang paghina ng halaga ng peso sa dolyar.
Huwag daw mabahala, eh ang epekto n’yan ay pagtaas na naman ng presyo ng mga bilihin at bayarin.
Sa mga kurakot sa gobyerno, hindi talaga sila mababahala d’yan kasi hindi naman nila sariling pera, kundi pera ng mamamayan mula sa kaban ng bayan ang kanilang pinanggagastos sa araw-araw. Ang nais nating ipunto rito ay ang pangkaraniwang mamamayan, lalo na ang mga maralitang Pinoy ang tatamaan na naman sa taas-presyo ng bilihin at bayarin dulot ng pagbagsak ng halaga ng peso sa dolyar, boom!
◘◘◘
MGA PARAK NA SANGKOT SA PAGPATAY KAY ‘JIMBOY’ DAPAT MURDER ANG IKINASO AT HINDI RECKLESS IMPRUDENCE RESULTING TO HOMICIDE -- Ang binatilyong si Jerhode “Jemboy” Baltazar, 17, ay napagkamalang murder suspect, at sa takot nito sa mga armadong sisita sa kanya at sa kaibigan habang sila ay nakasakay sa bangka, ay tumalon ito sa dagat kaya pinagbabaril siya ng mga pulis-Navotas na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Sa kabila ng pangyayaring ‘yan, eh ang isinampang kaso lang sa mga pulis na sangkot sa pamamaril at pagpatay kay Jemboy ay bailable na reckless imprudence resulting to homicide, na ibig sabihin ay hindi raw sinadya ng mga parak ang pagpatay sa binatilyo.
Sa totoo lang, ang dapat isinampang kaso sa mga parak ay murder kasi alam naman nilang hindi armado si Jemboy ay pinagbabaril pa, tapos ni-hindi tinulungang maiahon sa tubig ang binatilyo para dalhin sa ospital, kaya ang nangyari, bukod sa tama ng bala, nalunod pa ang biktima, tsk!