top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 28, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SEN. CHIZ ESCUDERO KAHIT INABSUWELTO NA NG COMELEC, HINDI PA RIN SAFE SA PANANAGUTAN SA PAGLABAG SA OMNIBUS ELECTION CODE – KAHIT na inabsuwelto ng Commission on Elections (Comelec) si Senador at dating Senate President Chiz Escudero sa paglabag sa Omnibus Election Code kaugnay ng pagtanggap umano niya ng P30 milyong campaign fund mula sa kontraktor na si Lawrence Lubiano, hindi pa rin pala tapos ang usapin.


Humirit si Teacher Barry Tayam sa Korte Suprema (Supreme Court) na baligtarin ang desisyon ng Comelec na nagpapawalang-sala kay Escudero. Ayon kay Tayam, dapat managot ang senador dahil malinaw umanong nilabag nito ang batas.

Giit niya, tahasang nakasaad sa Omnibus Election Code na ipinagbabawal sa mga kandidato ang tumanggap ng campaign fund mula sa mga kontraktor. Aniya, malinaw ang probisyon ng batas—bawal, period!


XXX


KUNG MAKABANAT SI CONG. LEVISTE TALAGANG PARA SA KANYA ANG BAD INSERTIONS NG MGA CONG. PERO NANG MADAWIT MOMMY NIYANG SI SEN. LOREN, ‘DI DAW BAD INSERTIONS – Noong una, pilit na itinatanim ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa isipan ng publiko na masama o “bad” ang insertions sa national budget. Malinaw na layunin nitong siraan ang kanyang mga kapwa kongresista nang i-post pa niya sa kanyang social media account ang mga pangalan ng mga mambabatas na umano’y nagsingit ng pondo sa 2025 national budget para sa kani-kanilang mga proyekto sa distrito.


Ngunit ito na ang siste: nang mabunyag na ang kanyang inang si Sen. Loren Legarda ay mayroon ding insertion na nagkakahalaga ng P1 bilyon sa 2025 national budget, biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Todo-pagtatanggol na ngayon si Cong. Leviste, iginiit na hindi naman daw dapat ituring na masama ang insertion kung ang pondong isinama ay tunay namang napunta sa mga proyekto. Boom!


XXX


MGA NAGPAPANGGAP NA 'LINGKOD-BAYAN' KASI HINDI LANG SA FLOOD CONTROL RUMAKET, KUNDI PATI SA NEP PROJECTS – Bukod sa tinaguriang “Cabral Files” na ibinahagi ni Cong. Leviste sa social media—na naglalaman umano ng mga pangalan ng mga kongresistang nag-insert ng pondo para sa iba’t ibang proyekto—may ibinulgar din ang Bilyonaryo News Channel (BNC) at Politiko.com.ph na tinawag na “DPWH leaks.”

Ayon sa mga ulat na ito, may mga mambabatas na may proyektong nagkakahalaga mula daan-daang milyong piso hanggang bilyon-bilyong piso na nakapaloob sa proposed 2025 national budget ng Pangulo (PBBM). Kabilang umano rito ang ilang senador at dating senador na inuugnay sa pag-insert ng mga proyekto sa national budget at sa pagtanggap ng kickback kaugnay ng flood control projects scam mula taong 2016 hanggang 2025.


Mantakin n’yo, ang mga senador at dating senador na ito ay nasangkot na umano sa kickback sa flood control scandal, ngunit nabunyag pa na mayroon pa rin silang mga pondong pang-proyekto sa 2025 National Expenditure Program (NEP). Ipinahihiwatig nito kung gaano kalala ang umano’y kasakiman sa pera ng bayan ng mga nagpapanggap na “lingkod-bayan.” Mga pwe!


XXX


DAHIL WALA NAMANG CORRUPT POLITICIANS NA NAG-PASKO SA KULUNGAN, PARA MAKABAWI SI PBBM, MGA KURAKOT NA PULITIKO DAPAT MAKULONG BAGO MAG-NEW YEAR – Upang makabawi si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa kanyang sablay na pahayag na may mga kurakot na pulitikong sangkot sa flood control scandal na umano’y magpa-Pasko sa kulungan—gayung wala namang naipakulong—nararapat na magsikap ang Marcos administration na may mapanagot at maikulong na mga tiwaling opisyal bago sumapit ang taong 2026.


Kung magagawa ng administrasyon na may mga kurakot na pulitiko na sasalubong ng Bagong Taon sa loob ng kulungan, saka lamang masasabi na nakabawi si PBBM sa kanyang napaagang anunsyo tungkol sa mga umano’y corrupt na opisyal. Period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 27, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA MISMONG ARAW NG PASKO, BATIKOS ANG INABOT NI PBBM KASI SUMABLAY ANG IBINIDA NIYANG MAY MGA CORRUPT POLITICIANS NA MAGPA-PASKO SA KULUNGAN – Sa mismong araw ng Pasko, pinutakti ng batikos ng mga netizen si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).


Ugat ng pambabatikos ang madalas niyang pahayag na may mga kurakot na pulitiko umanong magpa-Pasko sa kulungan—isang pangakong hindi natupad, sapagkat sumapit ang Pasko na wala ni isang corrupt politician ang naipakulong ng kanyang administrasyon.


Dapat nang iwasan ni PBBM ang labis na pagpapabida kung hindi naman niya kayang tuparin ang kanyang mga pahayag, upang hindi siya patuloy na mabatikos ng publiko, period!


XXX


‘WAG NANG MAKI-JOIN SI CONG. PULONG SA PAG-ATAKE SA FLOOD CONTROL SCANDAL SA PANAHON NG MARCOS ADMIN, BINABATIKOS KASI NG MGA MARCOS VLOGGER ANG P51B FLOOD CONTROL PROJECT NIYA NOONG DUTERTE ADMIN – Dapat may magpayo kay Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte na huwag nang makisali sa pag-atake kaugnay ng mga alegasyon ng korupsiyon sa flood control projects na naganap sa panahon ng Marcos admin.


Kapuna-puna raw kasi na sa tuwing umaatake siya sa Marcos administration, agad siyang nireresbakan ng mga Marcos-loyalist vloggers sa social media, na inuungkat ang umano’y P51 bilyong flood control projects sa kanyang distrito noong panahon na pangulo ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (FPRRD). Boom!


XXX


NATURETE, KANDAUTAL SI CONG. LEVISTE SA P1B INSERTION DAW NI SEN. LOREN LEGARDA, DEPENSA NIYA P1B LANG NAMAN DAW INSERTION NG MOMMY NIYANG SENADORA – Habang nagpapabida si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa panayam sa kanya ng broadcast journalist na si Antonio “Ka Tunying” Taberna kaugnay ng pagdadawit niya sa umano’y mga insertion ng ilan niyang kapwa mambabatas—na ayon sa kanya ay base sa tinatawag niyang “Cabral Files” (mga dokumento umano ng yumaong Department of Public Works and Highways [DPWH] Undersecretary Ma. Catalina Cabral)—ay bigla siyang nautal at tila ninerbiyos nang banggitin ni “Ka Tunying” na maging ang kanyang ina na si Sen. Loren Legarda ay may P1 bilyong insertion din sa 2025 national budget.


Marahil ay hindi inaasahan ni Cong. Leviste na “titirahin” ni “Ka Tunying” ang insertion ng kanyang sariling ina, kaya ang naging depensa na lamang niya ay maliit lang naman daw ang insertion ng kanyang mommy na senadora—P1 bilyon “lang” naman daw.

Mantakin n’yo, P1 bilyon ang insertion ng kanyang ina, ngunit tila minamaliit lamang ito ni Cong. Leviste nang sabihing P1B “lang” naman ang inilaan sa kanyang mommy na senador. Tsk!


XXX


WALANG KAHIHIYAN SI SARAH DISCAYA, KASI BILYUN-BILYON ANG NA-SCAM NILA SA KABAN NG BAYAN, MAY GANA PA SIYANG MAMILI KUNG SAAN SIYA DAPAT IKULONG – Matapos ikulong sa Lapu-Lapu City jail sa Cebu, humirit ang kontratistang si Sarah Discaya—sa pamamagitan ng kanyang mga abogado—na mailipat siya sa detention cell ng National Bureau of Investigation (NBI).


Wala talagang kahihiyan si Sarah Discaya dahil, mantakin n’yo, bilyun-bilyong piso ang umano’y na-scam nila ng kanyang mister na si Curlee Discaya mula sa kaban ng bayan, ngunit may kapal pa ng mukhang mamili kung saan siya dapat ikulong, pwe!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 23, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PAGBUBULGAR LANG KASI ANG GINAWA NI PRRD LABAN KAY CONG. ERIC YAP, PERO KUNG PINAKASUHAN NA NIYA ITO NOON, MATAGAL NA SANA ITONG NAKAKULONG, ‘DI NA RIN SANA NAGING CONG. UTOL NIYANG SI EDVIC YAP – Noong Disyembre 28, 2020, ibinulgar ng noo’y Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD), batay sa ulat na isinumite sa kanya ng Presidential Anti-Crime Commission (PACC), na ang noo’y ACT-CIS party-list Representative na si Eric Yap—na siya ring House Committee on Appropriations chairman—ay sangkot umano sa mga katiwalian sa mga infrastructure project ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang problema noon, hanggang pagbubulgar lamang ang ginawa ni PRRD. Wala siyang naging hakbang upang atasan ang noo’y Ombudsman Samuel Martires na sampahan ng kaso si Cong. Eric Yap.


Kung noon pa lamang ito kinasuhan, malamang ay matagal na siyang nakakulong, hindi na naging kongresista ng Benguet, at hindi na rin sana naging nominado—at kalaunan ay ACT-CIS representative—ang kanyang kapatid na si Cong. Edvic Yap. Boom!


XXX


KAHIT HINDI TUMESTIGO ANG MGA EMPLEYADO NG PAMILYA DISCAYA LABAN SA KANILA, SWAK NA SWAK PA RIN SA KASO MAG-ASAWANG DISCAYA – Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, may natanggap siyang impormasyon na umano’y pinagbabantaan ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ang kanilang mga empleyado—na may mangyayaring masama sa kanila sakaling tumestigo laban sa mag-asawa.


Sa totoo lang, kahit hindi pa man tumestigo ang mga empleyado laban sa kanila, sapat na ang dami ng ebidensiya ng mga ghost, substandard, at unfinished flood control projects upang maisakdal ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa mga kasong malversation, bribery, at graft. Swak na swak. Period!


XXX 


MALI ANG AKALA NI SEC. RECTO NA SAFE NA SIYA SA KASO, KASI KINASUHAN SIYA NG SAVE THE PHILIPPINES COALITION – Bagamat ayon sa Supreme Court (SC) ay unconstitutional ang utos noon ng noo’y Finance Secretary at ngayo’y Executive Secretary Ralph Recto na ilagak ang P60 billion PhilHealth reserved fund sa national treasury—kaya’t inutusan ng Korte Suprema na ibalik ang pondong ito sa PhilHealth—sinabi rin ng SC na walang criminal liability ang kalihim sa naturang aksyon.


Akala ni Executive Secretary Recto na ligtas na siya sa kaso, pero mali ang akala niya. Nakakita ng “butas” ang grupong Save the Philippines Coalition sa naging aksyon niya noon, kaya’t isinampa ng koalisyon ang mga kasong plunder, graft, at technical malversation laban sa kalihim sa Office of the Ombudsman. Boom!


XXX


KUNG AKALA NG MGA NAULILANG PAMILYA NI CABRAL NA WALA NA ITONG KASO KASI PATAY NA, MALI SILA KASI KAHIT DEAD NA ITO TULOY PA RIN ANG KASO – Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na hindi nabubura ng kamatayan ng isang tao ang pananagutan nito sa batas. Kaya’t hahabulin ng pamahalaan ang yumaong former DPWH Usec. Ma. Catalina Cabral sa pamamagitan ng pagsasampa ng forfeiture case upang mabawi at maibalik sa kaban ng bayan ang mga ari-arian o kayamanan na nakaw.


Kaya’t kung akala ng mga naulilang pamilya ni Cabral na wala na itong kaso dahil patay na siya, nagkakamali sila. Mismong DOJ ang nagsabi na tuloy ang kaso kahit patay na ang former DPWH Usec. Period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page