top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 21, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


NAMUMURONG MA-KUDETA SI SPEAKER DY, HINDI NIYA MAGAWANG PABANGUHIN ANG KAMARA NA PINABANTOT NINA ROMUALDEZ AT ZALDY CO -- Namumurong ma-kudeta si Speaker, Isabela Rep. Bojie Dy dahil maraming kongresista ang nahihinaan sa liderato nito bilang head ng Kamara.


May punto naman ang majority congressmen na patalsikin si Dy sa puwesto kasi nga parang wala siyang ginagawang aksyon para manumbalik ang tiwala ng publiko sa House of Representatives, at bumango uli ang Kamara sa taumbayan na pinabantot nina ex-Speaker, Leyte Rep. Martin Romualdez at former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, period!


XXX


LABAN-BAWI NG MAG-ASAWANG DISCAYA SA MGA INAKUSAHAN NILANG CONG. NA TUMATANGGAP DAW NG KICKBACK, DATI 17 PERO NGAYON 6 NA LANG -- Noong si Sen. Rodante Marcoleta pa ang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ay 17 kasalukuyan at dating mga kongresista ang pinangalanan ng mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya na tumatanggap daw sa kanila ng kickback sa mga flood control projects, pero nang si Sen. Ping Lacson na ang namuno sa komiteng ito, noong Nov. 14, 2025 ay mula sa 17 naging 6 na kasalukuyan at dating kongresista na lang ang idinadawit ng mga Discaya sa kickback.


Noong una ay palaban ang statement, 17 lawmakers ang isinangkot at inaasahan ng publiko na madadagdagan pa ang kanilang mga idadawit sa kickback, pero imbes madagdagan, binawi ang alegasyon sa iba, binawasan ang bilang, 6 na kongresista na lang ang idinadawit nila sa flood control scam.


Hindi talaga dapat maging state witness ng gobyerno ang mag-asawang Discaya dahil ang mga laban-bawi statement nila sa mga dawit sa kickback ay pagpapatunay talaga na pareho silang sinungaling, boom!


XXX


MALAPIT NANG MARANASAN NI ZALDY CO ANG BUHAY-IMPIYERNO SA CITY JAIL -- Sinampahan na ng Ombudsman sa Sandiganbayan si Zaldy Co, mga tauhan niya sa Sunwest Corporation at mga Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ng mga kasong malversation of public funds through falsification of public documents at iba pang graft cases.


Kumbaga, para na ring sinabi ng Ombudsman na kapag may warrant of arrest at natimbog na si Zaldy Co, ‘yung buhay-hari niya noong kongresista pa siya ay mapapalitan na ito ng buhay-impiyerno sa loob ng Quezon City Jail, abangan!


XXX


SABLAY ANG STATEMENT NI HARRY ROQUE NA PABIBIGYAN NIYA NG IMMUNITY SA MGA KASO SI ZALDY CO KAPAG PRESIDENTE NA SI VP SARA -- Sablay ang statement ni former presidential spokesman Harry Roque na kapag napatalsik daw si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) dahil sa mga video na “pasabog” ni Zaldy Co na sangkot umano ang Presidente sa Bicam insertions at kickback, at si VP Sara Duterte-Carpio na ang pumalit na pangulo, lahat daw ng paraan ay gagawin niya para magkaroon ng immunity o hindi na masampahan ng kaso ang dating kongresista.


Sablay talaga, dahil sa statement niyang iyan ay lumalabas na mula sa kampo ng oposisyon ang nagpalutang kay Zaldy Co para atakehin si PBBM na ang kapalit, immunity sa mga kaso, period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 20, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


HINDI MAITATANGGI NA MAS MASAKIT KAY FORMER FL IMELDA ANG AWAY NG MAGKAPATID NA PBBM AT SEN. IMEE KAYSA NOONG MAPATALSIK AT MA-EXILE SILA SA HAWAII -- Hindi maitatanggi na nakarating na kay former First Lady Imelda Marcos ang gusot na namamagitan ngayon sa mga mahal niya sa buhay, ang pamilya ni Pres. Bongbong Marcos at ni Sen. Imee Marcos.


Ang alitang ito ay masakit para kay former FL Imelda dahil dumating sa punto na inakusahan ni Sen. Imee ang mag-asawang PBBM at FL Liza Araneta-Marcos, pati kanilang mga anak na adik umano sa droga, at ang resbak post sa social media ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na "hindi asal ng isang tunay na kapatid" ang atake ng senadora sa Presidente na naging dahilan upang mag-react si Sen. Imee na nagsabing handa siyang magpa-DNA test para patunayang may dugo siyang Marcos, basta aniya ang buong pamilya ng Pangulo ay magpapa-hair follicle drug test.


Hindi man aminin, ay tiyak ramdam ni former FL Imelda na mas masakit ang naisapublikong away-pulitika ng pamilya ni PBBM at ni Sen. Imee kaysa nang mapatalsik noon sa Malacañang si former Pres. Ferdinand Edralin Marcos, Sr. at ma-

exile sa Hawaii ang buong pamilya nila noong 1986 People Power EDSA Revolution, tsk!


XXX


SABLAY ANG PAGBUBUNYI NG MGA DDS DAHIL NATAPOS ANG MGA ATAKE NINA ZALDY CO AT SEN. IMEE, AT ANTI-CORRUPTION RALLY NG INC NA SI PBBM PA RIN ANG PANGULO NG ‘PINAS -- Matindi ang video na “pasabog” ni former Cong. Zaldy Co na si PBBM ang nagpa-insert umano ng P100 billion sa Bicam, sinundan niya ito ng isa pang "pasabog" na tumanggap daw ng male-maletang kickback ang Presidente, pagkaraan niyan ay naglunsad ang kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) ng dalawang araw na rally laban sa corruption at sinabayan pa iyan ng pagbubulgar ni Sen. Imee na adik umano sa droga ang kapatid niyang Presidente at buong pamilya nito.


Nagbunyi ang mga Duterte Diehard Supporters (DDs) sa mga kaganapan na iyan, nagpakalat na sila sa social media na sa Nov. 19, 2025 ay talsik na sa puwesto si PBBM at si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na ang uupong presidente, pero ang masakit na katotohanan para sa kanila (mga DDS), sablay pala ang pagbubunyi nila, kasi natapos ang mga atake nina Zaldy Co at Sen. Imee at natapos din ang rally ng INC, na si PBBM pa rin ang Pangulo ng ‘Pinas, boom!


XXX


WEAK LEADER NGA YATANG TALAGA SI PBBM, NAGKAKA-KICKBACK NA NG BILYUN-BILYON ANG MGA TAO NIYA, HINDI PA ALAM – Bagama’t idinepensa ni Sen. Ping Lacson si PBBM sa isyu ng corruption, ay sinabi naman ng senador na may mga appointee, may mga tao si PBBM sa Malacañang ang tumanggap ng bilyun-bilyong pisong kickback sa flood control projects, na ang kanyang tinutukoy, base sa testimonya ni former Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo ay sina former Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Usec. Adrian Bersamin at Dept. of Education (DepEd) Usec. Trygve Olaivar na parehong may koneksyon kina former Executive Sec. Lucas Bersamin at former DPWH Sec. Manuel Bonoan.


‘Ika nga, ipinagtanggol man ni Sen. Lacson si PBBM na wala itong kinalaman sa corruption, ay lumalabas na "weak leader" ang Presidente, kasi mantakin n'yo, bilyun-bilyong pisong kickback na napupunta sa kanyang mga appointee at tauhan sa Malacañang, ang Pangulo "nganga" lang, walang alam, period!


XXX


LUMALABAS NGAYON NA TOTOO ANG MGA ATAKE NI FPRRD NA UMANO’Y WEAK LEADER AT ADIK SI PBBM --Magkasunod na atake ang ginawa ng noo’y Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa noo’y presidential candidate Bongbong Marcos (BBM), unang atake ay weak leader at ikalawang atake ay adik ito sa cocaine.


Ang mga atakeng ito ni FPRRD noon ay lumabas na mayroong katotohanan kasi nga may nagkaka-kickback na sa mga tao ni PBBM, hindi pa niya alam; at kung totoo man ang atake ni Sen. Imee kay PBBM na adik umano ito sa droga, kumbaga pinatotohanan lang ng senadora ang mga banat ng dating pangulo na ‘drug addict’ nga ang Presidente, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 19, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TAOB ANG VIDEO NI ZALDY CO SA ‘PASABOG’ NI SEN. IMEE LABAN KAY PBBM -- Taob ang video na “pasabog” ni former Cong. Zaldy Co sa isyung nagpa-insert si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ng P100 billion sa Bicam at pagtanggap ng Presidente at pinsan nitong si former Speaker Martin Romualdez ng kickback sa flood control projects, sa pinasabog na isyu ni Sen. Imee Marcos na sugapa umano sa droga ang mag-asawang PBBM at First Lady Liza Araneta-Marcos, at ang kanilang mga anak.


Mas pinag-uusapan na kasi ngayon ng publiko ang atake ni Sen. Imee sa kanyang kapatid na Presidente, hipag at kanyang mga pamangkin kaysa sa atake ni Zaldy Co sa magpinsang PBBM at Cong. Romualdez, period!


XXX


ATE IMEE NA NIYA ANG NAGSANGKOT SA KANYA SA PAGGAMIT DAW NG DROGA KAYA’T DAPAT MAGPA-HAIR FOLLICLE DRUG TEST NA SI PBBM -- Ang panawagan noon ng magkakapatid na sina Vice Pres. Sara Duterte, Mayor Baste Duterte at Cong. Pulong Duterte kay PBBM na magpa-hair follicle drug test ito ay dinededma lang noon ng Presidente sa katuwirang fake news daw ang pagsasangkot sa kanya sa paggamit umano ng droga.


Ngayong mismong kapatid na niya, ate niya na si Sen. Imee ang nagsangkot sa kanya sa paggamit daw ng droga, ay dapat na talaga siyang magpa-hair follicle test at ipakita sa publiko ang resulta nito, boom!


XXX


MALI ANG AKALA NG MGA DDS NA PAMUMUNUAN NG INC ANG PEOPLE POWER PARA MAPATALSIK SI PBBM, HINDI PALA -- Hindi na itinuloy ng kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) ang pangatlong araw sana nilang protesta kontra-corruption sa Quirino Grandstand sa kadahilanang pagod na raw ang kanilang mga kapatid sa relihiyon, at nasabi naman na raw nila ang mga dapat nilang sabihin na panawagan sa pamahalaan na panagutin lahat ng mga sangkot sa flood control projects scam.


Hindi man aminin ay tiyak masakit sa damdamin ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ang desisyong ito ng INC dahil akala nila pamumunuan ng relihiyong ito ang People Power para patalsikin sa puwesto si PBBM, iyon pala ay hindi, kasi nga matapos sabihin ni INC spokesman Edwil Zabala na ang protesta ay laban lang sa corruption at hindi para pabagsakin ang Marcos administration, ay stop na rin ang pang-ikatlong araw nilang protesta kontra-katiwalian, period!


XXX


KARAMIHAN NG UPI MEMBERS, MGA DATING MAY PUWESTO SA DUTERTE ADMIN AT MARAHIL KAYA NANAWAGAN SILANG MAG-RESIGN SI PBBM PARA KAPAG SI VP SARA DUTERTE NA ANG PRESIDENTE, MAY PUWESTO ULI SILA SA GOBYERNO -- Nanawagan ang mga miyembro ng United People’s Initiative (UPI) kay PBBM na mag-resign na sa puwesto para si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na ang magpatakbo ng bansa.


Para sa kaalaman ng publiko, karamihan sa mga miyembro ng UPI ay dating may mga posisyon sa panahon ng Duterte admin, at natanggal sila sa kanilang mga puwesto nang pumasok ang Marcos admin.


So, alam na ngayon ng ating mga kababayan kaya nananawagan ang UPI na mag-resign na si PBBM, kasi nga naman kapag si VP Sara na ang pangulo, magkakaroon uli sila ng mga posisyon sa Sara Duterte admin, boom!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page