top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 7, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez



YARI SINA SENS. ESCUDERO, ESTRADA AT VILLANUEVA KASI PINAKAKASUHAN SILA NG SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE, SAFE NAMAN SI MARTIN ROMUALDEZ SA KOMITE NA ITO – Kung ligtas si Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, kabaligtaran naman ang sinapit nina Senators Chiz Escudero, Jinggoy Estrada at Joel Villanueva.


Hindi kabilang si Cong. Romualdez sa mga inirekomenda ng komite—na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore—na sampahan ng kasong plunder, malversation, graft at bribery. Sa halip, ang tatlong nabanggit na senador ang kabilang sa pinakakasuhan ng naturang komite. Period!


XXX


HINDI NA MAKUKUDETA SI TITO SEN KAPAG NAKULONG SINA SENATORS ESCUDERO, ESTRADA AT VILLANUEVA – Noong nakulong pa si dating Senator at ngayo’y ML Partylist Rep. Leila De Lima sa kasong may kaugnayan sa droga, ni-reject noong June 19, 2020 ng Muntinlupa City Regional Trial Court ang kahilingan niyang makadalo sa mga botohan sa Senado tungkol sa mga importanteng panukalang batas.


Kaya kung sakaling makulong din ang mga minority senators na sina Chiz Escudero, Jinggoy Estrada at Joel Villanueva sa mga kasong no bail, at matulad sila kay De Lima na hindi pinayagan ng korte na makabalik sa Senado, habang si Sen. Ronald Dela Rosa ay patuloy na nag-iiwas dahil sa isyung warrant of arrest sa International Criminal Court (ICC), magiging napakahirap nang mapatalsik si Senate President Tito Sotto.


Kahit pa pumanig sa minority sina Senators Loren Legarda, Pia Cayetano, at magkapatid na Mark at Camille Villar, kung hindi makakaboto sina Escudero, Estrada, Villanueva at Dela Rosa, wala silang sapat na boto—13 ang kailangan para mapatalsik si Tito Sotto.


Ang punto: kung makulong sina Escudero, Estrada at Villanueva, masasabing nakasandal na sila sa pader, at hindi na makukudeta si Tito Sotto. Boom!


XXX


KAPALMUKS SI ZALDY CO KASI ANG IN-SCAM NIYANG PERA NG BAYAN AY PAG-AARI RAW NIYA – Ayon kay Atty. Ruy Rondain, abogado ng dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, nagkausap daw niya ito at sinabi na hindi niya ibabalik ang pera sa gobyerno dahil, ayon sa kanya, hindi siya nagnakaw.


Matindi ang paninindigan ni Zaldy Co, dahil itinuturing niyang pag-aari niya ang bilyun-bilyong perang in-scam niya mula sa kaban ng bayan. Pwe ka!


XXX


MAGAWA KAYA NG BAGONG PD NG BATANGAS NA IPA-STOP ANG RAKET NINA 'ALING TESSIE' AT 'BABY P.?' – May bagong Police Provincial Director na ang Batangas sa katauhan ni P/Col. Marlon Rufo.


Tingnan natin kung kaya niyang ipatigil ang mga raket ng color games at drop balls nina "Aling Tessie" at "Baby P." sa iba't ibang lugar sa Batangas. Abangan!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 6, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


2 IMPEACHMENT COMPLAINTS KAY PBBM, IBINASURA NG KAMARA AT PATUNAY ITO NA 'NINGAS-KUGON' LANG ANG MGA KASONG ISINAMPA SA PRESIDENTE – Ibinasura na ng House Justice Committee ang dalawang impeachment complaint na isinampa laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


Patunay ito na ang mga reklamong inihain nina Atty. Andre de Jesus at ng Makabayan bloc ay maituturing na ningas-kugon lamang—isang hakbang para maipakitang hindi lang si Vice President Sara Duterte-Carpio ang target ng impeachment kundi pati ang pangulo. Sa huli, malinaw na absuwelto na si Pangulong Marcos, habang nananatiling hindi pa ligtas sa banta ng impeachment ang bise presidente. Period!


XXX


MGA ANTI-DUTERTE, ‘WAG UMASA NA HAHARAPIN NI VP SARA ANG BAGONG IMPEACHMENT SA KANYA, KASI PUWEDE ULI ITONG MAGPASAKLOLO SA SC – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na handa raw siyang harapin ang mga impeachment complaint na isinampa laban sa kanya sa Kamara.


Ngunit hindi ito ang unang pagkakataon na binigkas ng bise presidente ang ganitong pahayag. Noong Disyembre 2, 4, at 19, 2024, gayundin noong Pebrero 5, 2025, pareho rin ang kanyang sinabi—na haharapin niya ang mga nag-impeach sa kanya. Sa halip na sumalang sa proseso ng Kamara, dumulog siya sa Supreme Court. Kalaunan, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang mga isinampang reklamo, dahilan upang ipatigil ang impeachment proceedings at hindi na umusad sa impeachment trial.


Ang punto: huwag umasa ang Kamara, gayundin ang Senado, na haharap nga si VP Sara sa mga kasalukuyang impeachment complaint. Malaki ang posibilidad na muli siyang dumulog sa Supreme Court upang pigilan ang proseso. At kung muling papanigan ng Korte Suprema, panibagong paghinto na naman ng impeachment ang mangyayari—kasunod ang panibagong ingay ng mga kontra-Duterte. Boom!


XXX


KAMARA, KAPAG INATAKE ULI NI CONG. KIKO BARZAGA, TIYAK SISIBAKIN NA SIYA SA PAGIGING KONGRESISTA – Sa ikalawang pagkakataon, muling sinuspinde ng Kamara ng 60 araw si Cavite 1st District Rep. Kiko Barzaga dahil sa kanyang mga social media post na may kaugnayan sa patuloy na pag-atake sa House of Representatives.

Kung ipagpapatuloy pa ni Cong. Barzaga ang mga pag-atakeng ito, asahan niyang posibleng humantong sa mas mabigat na parusa, kabilang ang tuluyang pagsibak sa kanya bilang kongresista. Abangan!


XXX


MGA ARI-ARIAN NG MGA KURAKOT, MABAWI NA SANA PARA PANDAGDAG-BAYAD SA UTANG NG PHILIPPINE GOV'T. – Inanunsyo ng Bureau of the Treasury (BTr) na umabot na sa P17.71 trilyon ang utang ng Philippine government sa iba't ibang financial institutions sa buong mundo.


Malaking bahagi ng utang na ito ang napunta sa bulsa ng mga kurakot sa gobyerno. Sana ay may mabuo nang batas na magbibigay-daan upang agarang kumpiskahin ang lahat ng ari-arian ng mga tiwaling opisyal at ipagamit ito sa pagbabayad ng utang ng bansa. Period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 5, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KAPAG NAGKA-CHA-CHA, DAPAT ISAMA SA IMPEACHMENT ANG MGA OPISYAL NA DURUGISTA – Isa sa mga alegasyong nakapaloob sa impeachment complaint na inihain ni Atty. Andre De Jesus laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ay ang umano’y paggamit nito ng ilegal na droga. Ibinatay ang paratang sa naunang pahayag ni Sen. Imee Marcos, kung saan inakusahan niya ang sariling kapatid na isang drug addict.


Gayunman, sa pagdinig ng House Justice Committee, iginiit ni ML Party-list Rep. Leila de Lima na ang pagiging lulong sa droga ay hindi kabilang sa mga itinatakdang batayan ng impeachment sa ilalim ng Konstitusyon.


Totoo nga na walang malinaw na probisyon sa Saligang Batas na nagsasaad na maaaring i-impeach ang isang opisyal ng pamahalaan dahil sa pagkalulong sa droga. Subalit kung sakaling isulong ang Charter Change o Cha-Cha, nararapat lamang na isaalang-alang ang pagdaragdag ng ganitong probisyon—upang pahintulutang mapatalsik sa puwesto ang mga opisyal na sangkot sa ilegal na droga. Hindi katanggap-tanggap sa publiko na ang mga namumuno sa pamahalaan ay sangkot sa ganitong uri ng gawain. Boom!


XXX


SENADOR, DAPAT SA TAUMBAYAN ANG LOYALTY HINDI SA PAMILYA DUTERTE – Matapos muling magsampa ng mga impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Senate President Tito Sotto na agad aaksyunan ng Senado ang anumang Articles of Impeachment na maisusumite, kabilang ang mga kasong maaaring ihain laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at VP Duterte, sakaling umupo ang Senado bilang impeachment court.


Kaugnay nito, sa isang media interview, sinabi ni Sen. Robinhood Padilla na sinusuportahan niya ang pagpapalit ng liderato sa Senado—o maging ang pagpapatalsik kay Senate President Sotto—kung ang papalit ay isang senate president na pro-Duterte.


Dahil sa pahayag na ito ni Sen. Padilla, nawa’y magkatotoo ang sinabi ng kanyang misis na si Mariel Rodriguez na hindi na siya tatakbo sa pagka-senador sa 2028 elections. Sa huli, ang tunay na tungkulin ng isang nanunungkulang senador ay ang maging tapat sa taumbayan—hindi sa alinmang pamilya o personalidad sa pulitika. Period!


XXX


NAPURI NA NGA ANG SENADO, NA-BASH PA ULI – Kumalat sa social media ang partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson. Sa ulat na ito, inirekomenda ang pagsasampa ng mga kasong plunder, malversation of public funds, graft, at bribery laban sa mga sangkot sa umano’y flood control scandal. Kabilang daw sa mga inirekomendahang kasuhan ay sina Senators Chiz Escudero, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, at dating Sen. Bong Revilla.


Dahil dito, umani ng papuri sa social media ang Senado sapagkat ipinakita nitong handa itong papanagutin kahit ang mga kasalukuyang senador na sangkot sa kontrobersiya. Gayunman, panandalian lamang ang papuring ito matapos lumabas ang balitang binawi nina Senators Migs Zubiri, Win Gatchalian, at JV Ejercito ang kanilang mga lagda sa rekomendasyong magsampa ng kaso laban sa mga nasangkot.

Dahil sa pagbawi ng kanilang mga pirma, muling binatikos ang Senado, dahil lumalabas na tila may pagsisikap na protektahan ang mga kapwa senador na nadawit sa flood control scam. Sa halip na panindigan ang pananagutan, nanaig muli ang politika. Tsk!


XXX


PRODUKTONG PAGKAIN AT LPG NA GAMIT SA PAGLUTO NG TSIBOG, TINAASAN PA ANG PRESYO – Muling binabatikos sa social media ang Marcos administration matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang P1.50 na dagdag-presyo kada kilo ng liquefied petroleum gas (LPG), na ipinatupad nitong nakalipas na Lunes, Pebrero 2.


May sapat na dahilan ang publiko upang punahin ang hakbang na ito ng gobyerno. Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang mga pangunahing pagkain, nadagdagan pa ang gastusin sa pang-araw-araw na pagluluto. Para sa maraming mamamayan, isa na naman itong mabigat na pasanin sa gitna ng patuloy na pagtaas ng halaga ng pamumuhay. Boom!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page