top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Ika-20 Araw ng Abril, 2024



 


KATANUNGAN

  1. Ako ay isang tindera sa palengke. Isang araw, bigla akong kinontak ng kababayan at kababata ko na nagtatrabaho sa ibang bansa. Nangangailangan umano ng domestic helper ang amo niya at inaalok niya ako kung gusto ko raw bang mag-abroad. Sinabi niya pa sa akin na ayusin ko na ang mga papeles ko at siya na raw ang bahala sa gastos dahil pahihiramin niya muna raw ako at saka ko na umano ito bayaran kapag nasa abroad na ako.  

  2. Sa madaling salita, tutulungan niya raw akong makapag-abroad, dahil gusto niya akong makasama roon. Kaya lang natatakot ako, wala pa akong experience sa abroad at naiisip ko rin na baka sa halip na gumanda ang kapalaran ko sa ibang bansa ay mas lalo pang pumangit. Pinanghihinaan ako ng loob, kaya naisipan ko munang magpakonsulta sa iyo, Maestro. 

  3. Ano ba ang dapat kong gawin at ano ba ang nakaguhit sa palad ko? Maestro, may maganda ba akong Travel Line at susuwertehin kaya ako sa abroad?  

 

KASAGUTAN

  1. Kapansin-pansin ang sobrang ganda, malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na may isang panahon sa iyong buhay kung kailan makakaranas ka ng isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa.

  2. Ang pag-aanalisang makakapag-abroad ka ay madali namang kinumpirma ng birth date mong 28 sa zodiac sign na Gemini. Kung saan, matapos kang maghirap at magtiis, ito ang panahon upang makaranas ka ng isang maalwan, maganda at maligayang pamumuhay na tiyak na magaganap ngayong 2024.  Ang tulad mong Gemini ay sadyang papalarin sa pagpasok ng planetang Jupiter na nakatakdang mangyari at maganap ngayong Mayo 2024.

 

MGA DAPAT GAWIN 

  1. “Timing” ang mahalagang sangkap ng tagumpay. Nangyaring ganu’n, kung pagsisipag at pagsisikap ang gagawin ng isang tao, pero wala naman sa tamang panahon. Ang mga pagsisikap at pagtatangka na ito ay mababalewala lang.

  2. “Tamang nilalang o kasama,” ang isa pang sangkap upang magtagumpay at umunlad ang isang tao. Kung saan, kapag ka-compaible mo ang iyong kaibigan at kasama, anuman ang inyong gawin, lalo kang susuwertehin at uunlad.

  3. Kapwa nasa kapalaran mo na ang mga nabanggit, ngayon na ang tamang timing upang makapag-abroad na tutulong sa iyo. Kaya hindi ka dapat panghinaan ng loob.

  4. Sapagkat, ayon sa iyong mga datos ngayong 2024 sa buwan ng Hunyo pinaka-matagal na sa Setyembre, sa edad mong 32 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong karanasan.

 


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Ika-16 Araw ng Abril, 2024



 


KATANUNGAN

  1. Dati akong security guard. Nag-resign ako dahil madalas akong madamay sa gulo na hindi naman ako ang may pakana. Sa construction site ako madalas madestino, kaya madalas din akong masangkot sa gulo. Isang beses, may nangyaring nakawan sa binabantayan ko at isa ako sa nadamay. Subalit, ang totoong gumawa ng krimen ay ‘yung kontratista.

  2. Sa ngayon, naghahanap na naman ako ng trabaho, pero parang wala ring patutunguhan ang pagse-security guard ko dahil kahit may mga ahensya tatanggap sa akin, hindi naman sila nagpapasuweldo nang maayos, ayon sa mga empleyado nila na nakakausap ko.

  3. Maestro, saang larangan ako higit na uunlad at magkakaroon ng matinong career? Sekyu pa lang ang napapasukan ko. Balak ko sanang mag-abroad kung sakaling puwede na, may maganda ba akong future sa pangingibang-bansa?

 

KASAGUTAN

  1. Tama ang naisip mo, Christian, mas uunlad at higit kang aasenso sa pag-a-abroad kesa sa pagsesekyu. Ito ang nais sabihin ng maaliwalas at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong karanasan.

  2. Ang pag-aanalisang makakapag-abroad ka ay madali namang kinumpirma ng birth date mong 14 sa zodiac sign na na Scorpio. Ibig sabihin, tibayan mo ang iyong loob at damdamin. Sa pamamagitan ng pagsisikap sa ibayong-dagat, ang destinasyon ng iyong kapalaran at sa nasabing gawain o larangan ka uunlad hanggang sa tuluyan kang makaahon sa kahirapan at ganap na umasenso. 


MGA DAPAT GAWIN 

  1. Ang kailangan mo lang baguhin bago ka mag-apply sa ibang bansa ay ang lagda mo, kung saan bahagyang inobasyon lang ang kailangan. Sa halip na ibalikwas patungo sa direksyong kaliwa ang dulong bahagi ng letrang “a”, ‘wag mo na itong ituloy. Sa halip,  idiretso mo na ito sa direksyong kanan. Sa ganyang diskarte, matutuwid at maaayos na rin ang iyong career na magsisimulang umunlad at umasenso.

  2. Ayon sa iyong Travel Calendar, ang pagdating ng magandang career o propesyon ay nakatakdang mangyari at maganap sa susunod na taon sa buwan ng Setyembre o Oktubre sa edad mong 28 pataas. 


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Ika-13 Araw ng Abril, 2024



 


KATANUNGAN

  1. Madalas kaming mag-away ng aking mister dahil sa kakapusan sa pang-araw-araw naming budget. Dati, napagkakasya ko pa ang iniintriga niya, pero ngayon ay talagang madalas na kaming kapusin at hindi na rin kami makapagbayad ng utang. 

  2. Kaya nais kong malaman kung magkakahiwalay ba kami, kasi noong huling pag-aaway namin ay nagkataasan kami ng boses at sabi niya, kapag napuno siya ay lalayasan niya kami.

  3. Magta-tatlong araw na siyang hindi umuuwi at tingin ko ay tinotoo niya ang kanyang banta. Pero nang kontakin ko, sumagot naman siya at sabi niya na nasa biyenan ko lang siya at nagpapalamig ng ulo.

  4. Gustuhin ko mang tulungan ang mister ko sa paghahanapbuhay, wala naman akong magawa dahil high school graduate lang ako. Balak kong mamasukan kahit bilang tindera para may maidagdag sa pang-araw-araw naming gastusin sa bahay. Tama ba ang naiisip ko na mamasukan at may pag-asa ba akong matanggap kahit medyo may edad na ako? Sa guhit naman ng aking palad, may pag-asa pa bang umunlad ang aming buhay?


KASAGUTAN

  1. Tama ang binabalak at iniisip mo. Kung hindi mo tutulungan ang iyong mister na madagdagan ang inyong income, dahil kapos ang intriga ni mister ay palagi nga kayong mag-aaway.

  2. Samantala, ang nakakatuwa ay may namataang malinaw na Effort Line (Drawing A. at B. E-E arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kung maghahanap ka ng kahit anong trabaho o dagdag na pagkakakitaan para sa inyong pamilya, puwedeng tindera o kung anuman, tiyak ang magaganap, pagpasok ng Mayo hanggang Hunyo, makakatagpo ka na ng trabaho, at kahit medyo maliit ang suweldo, makakatulong naman ito para punan ang kinakapos na budget ng inyong pamilya.

  3. Kapansin-pansin din ang iisa, malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa panahong ito, kahit madalas kayong mag-away ni mister dahil sa pera, hindi magiging sapat na dahilan ang nasabing mga tampuhan upang kayo ay magkahiwalay.

  4. Sa halip, habang tumatagal at binabayo kayo ng mga pagsubok at crisis na pangpinansiyal, magiging dahilan pa ito para lalong tumatag ang inyong samahan at pagmamahalan. 

  5. Ang pag-aanalisa, wala namang susuko sa inyo. Sa halip, lalo pa kayong magsisikap upang mapaunlad ang inyong kabuhayan, na madali namang kinumpirma ng lagda mong imbes na papaliit ay papalaki at papaangat ang mga letra sa dulong bahagi. Ibig sabihin, kung may susubok sa inyong mag-asawa na mangibang-bansa, kung hindi ikaw ang makakapag-abroad, posibleng si mister ang makapangibang-bansa na magiging daan upang mas bumuti at umunlad ang kalagayang pangmateryal ng inyong pamilya.

 

MGA DAPAT GAWIN 

  1. Habang ayon sa iyong mga datos, Kristine, tama ang iyong binabalak. Simulan mo nang maghanap ng bagong source of income at hindi ka dapat umasa sa kakarampot na suweldo ng iyong mister.

  2. Ito na ang eksaktong panahon upang magsikap at magsipag ka. Sa ganyang paraan, kapag natuto ka na ring gumawa ng mga bagay na pagkakaperahan, hindi pa huli ang lahat. Kapag may sarili ka nang pinagkakakitaan, ngayong 2024, unti-unti na kayong makakaahon sa kahirapan hanggang sa tuluyan na ring umunlad at guminhawa ang inyong kabuhayan. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page