top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 18, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT ITULOY ANG FLOOD CONTROL PROJECTS SA MGA LUGAR NA BINABAHA – Iminungkahi ni La Union 1st Dist. Rep. Paolo Ortega na dapat daw ituloy ang paglalaan ng pondo para sa flood control projects sa mga lugar na binabaha.


Aba’y dapat lang, pero dapat ay hindi lamang senador, kongresista at Department of Public Works and Highways (DPWH) officials ang nakakaalam sa mga proyektong ito. Dapat ay alam din ito ng mga gobernador, vice governor, mga bokal, mayor, vice mayor at mga konsehal, barangay chairman at mga kagawad.


Kinakailangan na ang mga ganitong proyekto ay nakapaskil sa mga kapitolyo, city hall, municipal hall at barangay hall para alam din ito ng mga mamamayan.

Dapat ganyan, ika nga. Mas maraming nakakaalam na may ganyang proyekto sa isang lugar, 100% iwas-korupsiyon ’yan. Period!


XXX


OMBUDSMAN REMULLA, IIMBESTIGAHAN KAYA SI DPWH SEC. DIZON SA PALPAK NA P6B EDSA ROAD PROJECT? – Binatikos ni Ombudsman Boying Remulla ang DPWH dahil bigo itong gumawa ng dekalidad na imprastraktura, tulad ng nangyari sa EDSA road project na ginastusan ng higit P6 bilyon, pero nang ma-Habagat, wasak agad ang kalsada.


Dapat ihanda na ni DPWH Sec. Vince Dizon ang kanyang sarili sa imbestigasyon, kasi sa tema ng salita ni Ombudsman Remulla, tila iimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang palpak niyang EDSA road project. Boom!


XXX


SA TAAS NG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN, TILA FAKE NEWS ANG SURVEY NG SWS NA BUMABA ANG BILANG NG MAHIHIRAP SA ‘PINAS – Tila fake news ang isinapublikong survey ng Social Weather Stations (SWS) na bumaba ang bilang ng mga mahihirap na Pinoy sa panahon ng Marcos administration.


Sa survey kasi ng SWS, 49% na lang daw ng mga pamilyang Pinoy ang nagsabing nitong nakalipas na Hunyo 2026 ay mahirap sila, kumpara noong Marso 2026, kung kailan 52% ng mga pamilyang Pinoy ang nagsabing sila ay mahirap.


Kaya natin nasasabing tila fake news ito dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin at bayarin ngayon, imposibleng bumaba ang bilang ng mga mahihirap na pamilyang Pinoy. Sa halip, baka nga tumaas o mas dumami pa. Period!


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 18, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang anak ko po ay magsisimulang mag-aral ng kolehiyo, at bahagi ng kanilang kurikulum ang pagbasa ng buong Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ikinonsulta ko ito sa pinuno ng aming relihiyon at aking nakumpirma na ang pagbabasa nito ay taliwas sa aming pananampalataya. Gusto sana naming i-exempt ang anak ko sa pagbasa ng mga librong ito. Maaari po ba iyon? At kung papayagan, ibig bang sabihin ay hindi na rin niya kukunin ang buong asignaturang Rizal? — Scherelynn





Dear Scherelynn,  


Isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 1425, o kilala rin bilang Rizal Law, upang pagtibayin ang pagkilala sa patuloy na pangangailangang linangin ang mga Pilipino, partikular sa kabataan, ang mga mithiin ng kalayaan, pagkamakabayan, at nasyonalismo. sumasalamin din ito sa konstitusyonal na pananagutan ng Estado na pangasiwaan ang mga institusyong pang-edukasyon at tiyakin na ang mga paaralan ay nagpapaunlad ng moral na katangian, personal na disiplina, pananagutang sibiko, at pagpapahalaga sa mga tungkulin ng pagkamamamayan. Sa pag-aatas ng pag-aaral sa buhay at mga sinulat ni Rizal, ang batas na ito ay naglalayong mapanatili ang kanyang pamana at itanim sa isipan ng bawat Pilipino ang mas malalim na pag-unawa sa kasaysayan ng bansa, mga demokratikong mithiin, at pangako sa pambansang kaunlaran. Nakasaad sa Seksyon 1 ng nasabing batas na:


“Section 1. Courses on the life, works and writings of Jose Rizal, particularly his novel Noli Me Tangere and El Filibusterismo, shall be included in the curricula of all schools, colleges and universities, public or private: Provided, That in the collegiate courses, the original or unexpurgated editions of the Noli Me Tangere and El Filibusterismo of their English translation shall be used as basic texts.


The Board of National Education xxx shall promulgate rules and regulations providing for the exemption of students for reasons of religious belief stated in a sworn written statement, from the requirement of the provision contained in the second part of the first paragraph of this section; but not from taking the course provided for in the first part of said paragraph. Said rules and regulations shall take effect thirty (30) days after their publication in the Official Gazette.”


Ayon sa Seksyon 1 ng nasabing batas, obligado ang lahat ng paaralan, kolehiyo, at unibersidad, pampubliko man o pribado, na isama sa kanilang kurikulum ang asignatura tungkol sa buhay, mga akda, at sinulat ni Dr. Jose Rizal, partikular na ang kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Para naman sa antas kolehiyo, itinatakda ng batas na dapat gamitin ang orihinal o unexpurgated (hindi pinaikli o binago) na edisyon ng mga nobela, o ang kanilang salin sa Ingles, bilang pangunahing babasahin.


Gayunpaman, kinikilala rin ng batas ang karapatan sa relihiyosong paniniwala. Kaugnay nito, iniutos sa Board of National Education na magpalabas ng mga alituntunin para sa eksepsiyon ng mga mag-aaral batay sa relihiyosong paniniwala na dapat nakasaad sa isang sinumpaang salaysay. Sa madaling salita, maaaring may batayan ang iyong anak upang humingi ng eksepsiyon mula sa pagbasa ng mga nabanggit na nobela, kung ito ay taliwas sa inyong pananampalataya.


Mahalagang tandaan, gayunpaman, na ang eksepsiyon na ito ay limitado lamang sa pangangailangan na basahin ang mga nabanggit na nobela. Hindi ito nangangahulugan na maaari nang hindi kunin ng inyong anak ang buong asignaturang Rizal, dahil ang pag-aaral tungkol sa buhay at pagkabayani ni Dr. Jose Rizal ay hindi saklaw ng eksepsiyon kaya ito ay nananatiling obligado sa lahat ng mag-aaral.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 18, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Magandang balita sa ating mga kababayan: aprubado na ng Senado sa huli at ikatlong pagbasa ang isang panukalang batas (Senate Bill No. 1511) na layong protektahan ang ating mga kababayan mula sa hospital detention dahil sa hindi nababayarang mga bayarin sa ospital.


Mahalagang hakbang ito upang maitaguyod natin ang kapakanan ng ating mga kababayan. Isang matinding hamon na para sa kanila ang ma-ospital at nakakadagdag pa sa mga inaalala nila, pati na ng kanilang mga pamilya, ang mga gastusin.


Kaya naman nais nating wakasan ang pangamba ng ating mga kababayan na maaari silang makaranas ng hospital detention dahil hindi pa sila nakakabayad sa kanilang hospital bills.


Inaamyendahan ng inaprubahan nating panukalang batas ang Republic Act No. 9439 na una nang nagbabawal ng hospital detention dahil sa mga hindi nababayarang mga gastusin sa ospital.


Ngunit sa ilalim ng ipinasa nating panukalang batas, hindi lang natin pinapatatag ang proteksyon para sa ating mga kababayan. Pinalalawak din natin ang saklaw ng mga proteksyong ito sa mga mga kamag-anak, kinatawan nila, caregiver ng mga pasyente, at mga bagong-silang na sanggol.


Nilinaw din ng ating panukala ang kahulugan ng detention. Halimbawa nito ang pagpigil sa isang pasyente, kamag-anak, kinatawan, caregiver, newborn, o taong yumao na makaalis o ma-release mula sa isang ospital, medical clinic, o iba pang katulad na pasilidad dahil sa hindi buo o bahagyang hindi nabayarang hospital bills, professional fees, at iba pang gastusing medikal.


Ituturing ding detention ang pagtanggi sa pag-discharge sa isang pasyente o paglabas ng mga dokumentong kailangan para sa pag-discharge, pagpapalibing, o pagkuha ng mga benepisyo. 


Saklaw din nito ang pagtangging alisin ang medical devices, ibalik ang mga personal na gamit, o i-release ang mga labi ng isang pasyenteng yumao.


Ngunit nais din nating tiyakin na mababayaran ang ating mga ospital, mga klinika, iba pang mga pasilidad para sa mga serbisyong kanilang inihatid.


Kaya naman pahihintulutan natin ang paggamit ng promisory note na may kalakip na mga dokumento ng nakasanlang ari-arian, contract of guaranty, deed of assignment, at iba pa. Maaari ring ilakip ang kombinasyon ng mga dokumentong ito sa isusumiteng promisory note.


Patuloy namang tututukan ng inyong Senado ang pagtaguyod sa mga polisiya at panukalang batas upang itaguyod ang kalusugan ng ating mga kababayan, tiyakin na abot-kaya ang mga serbisyong pangkalusugan, at patatagin pa ang proteksyon para sa ating mga kababayan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page