top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 1, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nakabili kami ng mga produktong karne sa isang grocery store sa lugar namin. Napansin namin na may malansa at panis na amoy ang mga ito. Nang tanungin ko ang kapatid ko na nagtatrabaho roon kung ang mga karne ay dumaan sa inspeksyon, sinabi niyang hindi. Pinapayagan ba ng batas ang isang grocery store na magbenta ng mga produktong karne na hindi nasuri at hindi nakapasa sa quality control? Nais ko lamang pong maliwanagan. Maraming salamat po. — Linus Janvier





Dear Linus Janvier,


Tungkulin ng pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng pagkain at magtakda ng mga pamantayan upang matiyak ang kalidad ng mga produktong pang-agrikultura. Layunin nito na maprotektahan ang publiko laban sa hindi makatuwirang panganib at mga banta sa kalusugan. Nasasaad sa Seksyon 13 at Seksyon 48(c) ng Republic Act (R.A.) No. 9296, o ang “Meat Inspection Code of the Philippines,” na inamyendahan ng Republic Act No. 10536, na:


Section 13. Scope of Application. - This Code shall apply to all meat establishments where food animals are slaughtered, prepared, processed, handled, packed or stored or sold. All slaughterhouses and poultry dressing plants shall ensure adequate protection and welfare of food animals while awaiting slaughter in order to avoid mishandling or the infliction of unnecessary pain or distress during the slaughtering process.” (Emphasis supplied


Section 48. Prohibited Acts. – No person, firm or corporation shall:


c) sell, transport, offer or receive for sale or transportation in commerce carcasses or parts thereof, meat or meat product required to be inspected under this Act unless they have been so inspected and passed;” 


Ayon sa batas, lahat ng establisimyento na nagbebenta ng karne ay dapat dumaan sa inspeksyon ng pamahalaan, partikular ng National Meat Inspection Service (NMIS). Ibig sabihin, bawal magbenta, maglipat, o mag-alok ng karne o produktong karne kung hindi pa ito nasuri at nakapasa sa inspeksyon ng gobyerno.


Samakatuwid, ang nabanggit mong lokal na grocery store ay sakop ng batas na ito. Kaya hindi sila pinapayagang magbenta ng karne o produktong karne kung hindi ito dumaan at nakapasa sa tamang inspeksyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 1, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PAGKABAON NG ‘PINAS SA UTANG, HINDI NAIPALIWANAG NI PBBM SA KANYANG SONA – Pumalo na sa mahigit P19 trilyon ang utang ng Pilipinas sa iba't ibang financial institutions sa mundo.


'Yan pala ang kulang sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM)—ang paliwanag kung bakit nabaon nang husto sa utang ang Pilipinas. Boom!


XXX


VP SARA, MAS DAPAT MANIWALA SA MAINSTREAM MEDIA KAYSA SOCIAL MEDIA NA MADAMING FAKE NEWS – Sablay ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na mas naniniwala raw siya sa mga lumalabas na balita sa social media kaysa sa mainstream media.


Sa totoo lang, mas dapat siyang maniwala sa mainstream media dahil bago mailathala sa mga pahayagan o mai-broadcast sa radyo at telebisyon ang mga balita, dumaraan muna ang mga ito sa masusing pagsusuri ng mga publisher, editor at station manager upang matiyak na hindi fake news ang naipararating sa publiko. Kabaligtaran ito ng social media na talamak ang pagkalat ng mga pekeng balita, at kadalasan ay kabilang pa si VP Sara sa mga nabibiktima ng mga ito. Period!


XXX


KUNG GINAYA SI SEN. LAPID NA NAKIKINIG LANG, HINDI  SANA TINULIGSA SI SEN. PADILLA NG FRIEND NIYANG SI TED FAILON – Ikinasama ng loob ni Sen. Robin Padilla ang mga atake sa kanya ng kaibigan niyang si broadcast journalist Ted Failon, na sa programa nito sa radyo ay pinalalabas umanong nagpapakita siya ng kabobohan sa impeachment trial ni VP Sara.


Kung kaibigan ang turing ni Sen. Padilla kay Ted Failon, sana ay intindihin niya ito dahil bahagi ng trabaho ng isang broadcast journalist na isapubliko ang mga nakikita nilang sablay na ginagawa ng mga senator-judges sa impeachment trial.


Kung ginaya na lamang sana ni Sen. Padilla ang kapwa niya actor-politician na si Sen. Lito Lapid na tahimik lang na nakikinig sa impeachment trial at hindi nagbida-bida sa pagtatanong sa mga witness, hindi sana siya tinuligsa. At sa totoo lang, hindi lamang ang kaibigan niyang si Ted Failon ang bumatikos sa kanya, kundi maging ang iba pang broadcast journalists, mga kolumnista at mga netizen sa social media. Period!


XXX


UBOD NG LAKI ANG IDINAGDAG NOON SA PRESYO NG LANGIS, TAPOS SA OIL PRICE ROLLBACK, KATITING LANG – Tinuligsa ni MANIBELA transport group Pres. Mar Valbuena ang ibinida ng Department of Energy (DOE) na P1.50 oil price rollback sa susunod na linggo.


May dahilan si Valbuena na tuligsain ang DOE sa isyung ito dahil sa nakalipas na dalawang linggo, halos P20 ang itinaas ng presyo ng krudo, tapos katiting na P1.50 lang ang ibabalik sa presyo ng diesel. Buset!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | August 1, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Hindi naman talaga dapat nalalagay sa kalituhan ang mga motorista dahil lamang sa magkakaibang interpretasyon ng batas. Kung iisa ang umiiral na patakaran, iisa rin dapat ang pagpapatupad nito sa buong bansa.


Mahalaga ang mahigpit na pagpapatupad ng batas-trapiko, ngunit mas mahalaga na ito ay ginagawa sa paraang makatarungan, malinaw at naaayon sa umiiral na mga batas.


Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) na walang legal na batayan ang mga lokal na pamahalaan upang kumpiskahin ang driver’s license ng mga lumalabag sa batas-trapiko.


Ayon sa ahensya, ipinatutupad nila ang Department of Transportation (DOTr) Memorandum Circular No. 001-2026 na nagtatakda ng polisiya sa pansamantalang hindi pagkumpiska ng lisensya sa oras ng panghuhuli. Bilang pagsunod dito, maging ang mga law enforcement officers na deputized ng LTO ay hindi na rin kumukuha ng driver’s license ng mga nahuhuling motorista.


Ipinaliwanag din ng LTO na ang umiiral na mga desisyon ng Korte Suprema ay hindi nagbibigay ng pangkalahatang kapangyarihan sa mga traffic enforcer na kumpiskahin ang lisensya ng mga motorista.


Dagdag pa rito, kinikilala rin ng Joint Memorandum Circular No. 01, Series of 2008 ng dating Department of Transportation and Communications at Department of the Interior and Local Government na maaaring mag-isyu ng citation ticket ang mga traffic enforcer ng lokal na pamahalaan, ngunit wala silang legal na kapangyarihang kumpiskahin ang driver’s license.


Lumabas ang paglilinaw ng LTO matapos igiit ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor sa Cavite na may kapangyarihan ang kanilang mga traffic enforcer na kumpiskahin ang lisensya ng mga lumalabag batay sa City Ordinance No. 11-2019 o Revised Traffic Code ng lungsod.


Ayon sa Bacoor LGU, ang naging desisyon ng Korte Suprema ay para lamang sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa ilalim ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kaya nananatili umano ang kanilang kapangyarihan sa ilalim ng Local Government Code at ng kanilang lokal na ordinansa.


Gayunman, iginiit ng LTO na ang umiiral na pambansang polisiya at mga administratibong kautusan ang dapat sundin upang matiyak ang pare-pareho at makatarungang pagpapatupad ng batas-trapiko sa buong bansa. Dahil dito, nanawagan ang ahensya sa lahat ng lokal na pamahalaan, traffic enforcement agencies at mga motorista na sumunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.


Mahalagang magkaroon ng iisang direksyon sa pagpapatupad ng batas upang maiwasan ang kalituhan at hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga enforcer at motorista. Ang disiplina sa kalsada ay hindi lamang nakasalalay sa paghuhuli ng lumalabag kundi sa malinaw at patas na pagpapatupad ng batas.


Kapag pare-pareho ang alituntunin at walang magkakasalungat na interpretasyon, mas mapapalakas ang tiwala ng publiko sa sistema at mas magiging maayos ang daloy ng trapiko at pagpapatupad ng batas sa buong bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page