ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 2, 2025

Sang-ayon sa Republic Act (R.A.) No. 11058 na may pamagat na “An Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof,” pinagtitibay ng Estado ang paggawa bilang pangunahing puwersang panlipunan at pang-ekonomiya. Kinikilala rin nito na ang pagkakaroon ng ligtas at malusog na manggagawa ay isang mahalagang aspeto sa pag-unlad ng bansa. Kaya naman dapat tiyakin ng Estado ang isang ligtas at maayos na lugar ng trabaho para sa lahat ng nagtatrabaho sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng ganap na proteksyon laban sa lahat ng mga panganib sa kanilang kapaligiran sa trabaho.
Ang probisyon ng batas na nabanggit ay nailalapat sa lahat ng establisimyento, proyekto, lugar, kabilang ang mga nasa ilalim ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), at lahat ng iba pang lugar kung saan ginagawa ang trabaho sa lahat ng sangay ng aktibidad sa ekonomiya, maliban sa pampublikong sektor.
May karapatan ang isang empleyado na mabigyan ng proteksyon laban sa pinsala, pagkakasakit o kamatayan sa pamamagitan ng ligtas at nakapagpapalusog na mga kondisyon sa pagtatrabaho sa gayo’y tinitiyak ang konserbasyon ng mahahalagang mapagkukunan ng lakas-tao at pag-iwas sa pagkawala o pinsala sa mga buhay at ari-arian na naaayon sa mga layunin ng pambansang pag-unlad, at sa pangako ng Estado sa kabuuang pag-unlad ng bawat manggagawa bilang isang kumpletong tao.
Kaakibat sa polisiya ng Estado na mabigyan ng proteksyon ang bawat manggagawa ay ang tungkulin ng Estado na magsulong ng mahigpit ngunit malawak, inklusibo, at sensitibo sa kasarian na mga hakbang sa pagbubuo at pagpapatupad ng mga patakaran at programa na may kaugnayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho.
Ang karapatan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho ay ginagarantiyahan ng batas. Ang employer o amo ay may obligasyong ipaalam sa manggagawa ang tungkol sa lahat ng uri ng mga panganib sa lugar ng trabaho. Kasama rito ang magbigay ng pagsasanay at edukasyon sa kaligtasan ng kemikal, kaligtasan sa elektrikal, maging sa mekanikal na kaligtasan, at kaligtasang ergomiya. Ang ergomiya ay tumutukoy sa agham ng pagdidisenyo ng kapaligiran ng pook na panghanapbuhay upang maging akma sa gagamit nito. Kailangan ang angkop na disenyong ergonomiko upang maiwasan ang paulit-ulit na mga pinsala dahil sa pagkabinat ng katawan o pananakit ng kalamnan, na maaaring umiiral sa loob ng matagal na panahon at maaaring humantong sa kapansanang pangmatagalan. Marapat na ang mga disenyo ng kasangkapan na ginagamit sa pagtatrabaho ay angkop sa mga manggagawang gumagamit nito.
Ang manggagawa ay may karapatang tumanggi na magtrabaho nang walang pagbabanta o paghihiganti mula sa employer kung, ayon sa itinakda ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang isang napipintong sitwasyon ng panganib ay umiiral sa lugar ng trabaho na maaaring magresulta sa pagkakasakit, pinsala o kamatayan, at mga aksyong pagwawasto upang maalis ang panganib ay hindi pa naisasagawa ng employer.
Ang mga manggagawa at kanilang mga kinatawan ay may karapatan na mag-ulat ng mga aksidente, mapanganib na pangyayari, at mga panganib sa employer, sa DOLE at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno na nagsasagawa ng hurisdiksyon bilang karampatang awtoridad sa partikular na industriya o aktibidad sa ekonomiya.
May karapatan din ang mga manggagawa na mabigyan ng personal protective equipment (PPE) kung kinakailangan. Kaya naman ang batas ay inoobliga ang bawat employer, kontratista o subcontractor, kung mayroon man, na magbigay sa kanyang mga manggagawa, nang walang bayad, ng mga kagamitang pangproteksyon para sa kanilang mga mata, mukha, kamay at paa, safety belt o harness, gas o dust respirator o mask, mga proteksyon na kalasag kung kinakailangan, dahil sa mapanganib na proseso ng trabaho o kapaligiran, sa pamamagitan ng pisikal na kontak o paglanghap sa kemikal, radiological, mekanikal at iba pang mga nakakairita o nagdudulot ng pinsala sa paggana ng katawan.
Ang tagapag-empleyo, may-ari ng proyekto, pangkalahatang kontratista, kontratista o subkontraktor, kung mayroon man, at sinumang tao na namamahala, kumokontrol o nangangasiwa sa gawaing isinasagawa ay magkakasamang mananagot para sa pagsunod sa batas na ito.






