- BULGAR
- 22 hours ago
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | January 6, 2026

Magandang balita para sa ating mga kababayan: pirmado na ng ating Pangulo ang P6.793 trilyong budget ng ating bansa para sa 2026. Ito na sa wakas ang bunga ng ating pagsisikap sa loob ng maraming buwan, kung saan tiniyak nating bawat sentimo ng buwis mula sa taumbayan ay kanila ring pakikinabangan sa pamamagitan ng tapat at maaasahang serbisyo mula sa pamahalaan.
Naging makasaysayan ang pagtalakay natin para sa 2026 budget. Ngayong taon, inaasahang ipatutupad natin ang mga reporma upang gawin itong mas transparent, at upang paigtingin ang pakikilahok ng ating mga kababayan sa pagsusuri sa pondong inilaan sa iba’t ibang mga programa ng pamahalaan.
Sa kauna-unahang pagkakataon, lahat ng mga mahahalagang dokumentong may kinalaman sa national budget ay isinapubliko sa isang website na tinawag nating Budget Transparency Portal. Nakita ng ating mga kababayan ang iba’t ibang bersyon ng national budget sa bawat yugto ng proseso ng pagtalakay nito – mula sa isinumiteng National Expenditure Program (NEP) ng Pangulo, sa General Appropriations Bill (GAB) na inaprubahan ng Kamara, ang mga rebisyon ng Senado sa GAB, ang bicameral conference committee report na niratipikahan ng parehong kapulungan ng Kongreso, hanggang sa General Appropriations Act (GAA) na nilagdaan ng Pangulo.
Sa kauna-unahang pagkakataon din, nasaksihan ng ating mga kababayan ang bicameral conference committee meeting, kung saan niresolba ng Senado at Kamara ang magkaibang bersyon nila ng budget. Ang reporma para sa mas transparent na pagtalakay ng national budget ay isang mahalagang hakbang upang ibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan. Inaasahang sa pagtalakay natin ng national budget sa mga susunod na taon, magiging pamantayan na ang ganitong proseso. Sa ganitong paraan, mas mababantayan ng ating mga kababayan kung paano nilalaan ng ating mga mambabatas ang kanilang mga buwis sa mga programang dapat nilang pinakikinabangan.
Makasaysayan ang 2026 budget dahil sa pagtutok nito sa pantaong kaunlaran, lalo na sa edukasyon. Ang P1.35 trilyong pondo para sa sektor ng edukasyon ngayong taon ay hindi lamang ang pinakamataas sa kasaysayan ng ating bansa. Ito rin ang unang beses na nakasunod tayo sa rekomendasyon ng UNESCO na maglaan ng 4 hanggang 6% ng Gross Domestic Product (GDP) sa edukasyon. Para sa 2026, ang pondo para sa sektor ng edukasyon ay katumbas ng 4.4% ng GDP.
Sa ilalim ng 2026 national budget, inaasahang mapapabilis natin ang pagpapatayo ng mga silid-aralan, mapapalawak natin ang School-Based Feeding Program, at mapakikinabangan din ng mas maraming mga mag-aaral ang libreng kolehiyo.
Tututukan din ng 2026 budget ang kalusugan ng ating mga kababayan. Umabot sa
P129.7 bilyon ang pondo para sa PhilHealth at inaasahang mapapatatag natin ang Zero-Balance Billing sa ating mga pampublikong ospital.
Sa puntong ito, mahalagang matiyak natin na magiging epektibo ang mga ahensya ng pamahalaan sa pagpapatakbo ng mga programang pinaglaanan natin ng pondo. Bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, aktibong makikilahok ang inyong lingkod sa patuloy na pagrepaso sa mga programa ng pamahalaan upang matiyak na bumabalik sa ating mga kababayan ang bawat sentimo ng buwis na kanilang binabayaran.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com






