top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 12, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Noong nakaraang taon, ako ay nangutang ng P15,000.00 sa isang online lending company. Nakapagbayad ako ng higit sa kalahati ng aking inutang, ngunit sunud-sunod ang problemang kinaharap ng aming pamilya. Simula ng buwan ng Marso ay hindi na ako nakapagbayad sa balanse ng aking utang na nagkakahalaga na lamang ng P5,000.00. Ngayon ay sinisingil ako ng lending company ng halagang P8,000.00. Lumobo ulit ang aking utang dahil diumano sa interes at penalty. Sinabihan din ako na ako diumano ay aarestuhin ng pulisya kung hindi ko ito mababayaran sa lalong madaling panahon. Kahapon ay may tumawag sa akin na nagpakilalang pulis. Sinabihan niya ako na diumano ay may bench warrant ako dahil hindi raw ako nakapagbayad ng utang sa lending company. Puwede ba akong makulong dahil hindi ako nakapagbayad ng utang? -- Barnie



Dear Barnie,


Nakasaad sa ating Saligang Batas na, “no person shall be imprisoned for debt or non-payment of poll tax” (Article III, Section 20, Philippine Constitution). Ang ibig sabihin nito ay hindi maaaring makulong ang isang tao dahil lamang sa hindi pagbabayad ng kanyang pagkakautang.


Nabanggit mo na sinabihan ka ng lending company na ipapakulong ka nila kung hindi ka makakapagbayad ng utang, ngunit malinaw sa ating Saligang Batas na hindi ka maaaring ikulong sa kadahilanan lamang na hindi ka nagbayad ng utang. 


Nabanggit mo rin na may tumawag sa iyo na nagpakilalang pulis at sinabihan ka na mayroon kang bench warrant. Nais naming liwanagin na ang huwes ay naglalabas lamang ng bench warrant kung mayroong taong hindi sumunod sa subpoena o ‘di kaya ay hindi dumalo sa isang pagdinig sa kaso matapos siyang abisuhan ng korte ukol sa nasabing pagdinig (Magleo vs. Presiding Judge Rowena De Juan-Quinagoran, A. M. RTJ-12-2336, 12 November 2014, Ponente: Honorable Associate Justice Jose Catral Mendoza). Kung wala ka namang natanggap na subpoena o kahit na anong sulat galing sa huwes na sinasabihan kang dumalo sa isang pagdinig ay hindi ka mabibigyan ng bench warrant.


Mainam din na tiyakin mo kung totoong may kaso na naisampa laban sa iyo. Puwede mo itong kumpirmahin sa prosecutor’s office o ‘di kaya ay sa korte kung saan diumano nakasampa ang kaso laban sa iyo. Tandaan na hindi mo kilala ang mga taong tumatawag sa iyo at posible na nagpapanggap lamang silang alagad ng batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 12, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PARA HINDI PAMARISAN NG IBANG ALKALDE, DAPAT SUSPENDIHIN NI DILG SEC. JONVIC REMULLA ANG MGA MAYOR NG CEBU NA NAGSIPAG-EUROPE PA KAHIT MAY PAPARATING NA BAGYONG TINO -- Hinihingi ni Sec. Jonvic Remulla ng Dept. of the Interior and Local Gov’t. (DILG) sa Cebu government ang listahan o pangalan ng mga alkalde sa lalawigan na nagawa pang mag-travel sa Europe sa kabila na may babala na ang PAGASA na may paparating na malakas na bagyo na ang pinakatumbok ay ang probinsyang ito.


Tama iyang ginawa ni Sec. Jonvic at kapag napatunayan sa imbestigasyon na hindi naman importante at pagliliwaliw lang sa Europe ang pakay ng mga alkaldeng ito, dapat suspendihin agad sila para hindi pamarisan ng ibang mayor dahil hindi talaga katanggap-tanggap na alam naman nilang sasalantain ng Bagyong Tino ang mga nasasakupan nilang cities at municipalities sa Cebu, eh mga nagsipaglayas, mga nagsipag-Europe pa, mga pwe!


XXX


DAPAT MAGKAISA ANG MAMAMAYAN NA TULIGSAIN ANG MGA MINING, QUARRYING AT LOGGING COMPANIES NA SUMISIRA SA SIERRA MADRE – Bagama’t napakalakas ng Bagyong Uwan, pero ito ay hindi nakapaminsala nang husto matapos na malusaw nang bumangga sa mga kabundukan ng Sierra Madre sa Luzon.

Hindi lang ang Super Typhoon Uwan ang pinahihina ng Sierra Madre, kundi marami pang ibang bagyo na kapag dumaan sa kabundukang ito ay talaga namang nalulusaw kaya’t hindi gaanong nakakapaminsala sa mga lugar at taumbayan.


Ang Sierra Madre ay biyaya ng Panginoon na dapat ingatan at pahalagahan dahil pinuprotektahan nito ang mamamayan laban sa mga mapaminsalang mga bagyo, kaya’t dapat magkaisa ang mga Pinoy na tuligsain ang mga mining, quarrying at logging companies na sumisira sa kabundukang ito, period!


XXX


BUTI PA SI BULACAN GOV. DANIEL FERNANDO NILABANAN ANG MGA MINING, QUARRYING AT LOGGING COMPANIES NA SUMISIRA SA SIERRA MADRE, ANG IBANG GOV. SA LUZON WA’ PAKI -- Sa ngayon ay isa pa lang sa mga gobernador sa Luzon ang nagpakita ng malasakit sa Sierra Madre, at ito ay si Bulacan Gov. Daniel Fernando na noong August 2022 ay nagpalabas ng executive order na nagbabawal sa mga mining, quarrying at logging companies na wasakin ang parte ng kabundukang ito (Sierra Madre) sa nasasakupan ng Bulacan.


Kung may malasakit ang ibang gobernador sa kanilang mga kababayan at sa kalikasan, tularan nila si Gov. Fernando, pagbawalan din nila ang mga mining, quarrying at logging companies sa ginagawa ng mga ito na pagwasak sa nasasakupan nilang kabundukan ng Sierra Madre, plis lang!


XXX


HINDI PALA SAFE SI SEN. DELA ROSA SA BAGONG SC EXTRADITION RULES --Sinabi ni Atty. Michael Tiu, legal analyst ng University of the Philippines (UP)-College of Law na kung sakaling may warrant of arrest na ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald Dela Rosa sa posibleng ikaso sa kanya na crimes against humanity ay hindi raw maaaring i-apply dito ang bagong inilabas na extradition rules ng Supreme Court (SC), dahil hindi umano ito kaso na may usapin tungkol sa extradition, at sa halip ang kailangan daw gawin ng pamahalaan ay dalhin at isuko ito sa pamamagitan ng transfer of custody sa ICC sa The Hague, The Netherlands.


Dahil sa sinabing iyan ng UP-legal analyst, hindi pala safe si Sen. Dela Rosa sa bagong extradition rules ng SC, na kapag may warrant of arrest na siya, kapag lumabas siya ng Senado, sakote ang aabutin niya sa Interpol, boom!

 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 12, 2025



Boses by Ryan Sison


Dapat na hindi lang sa tuwing may bagyo naaalala ang mga bundok na tagapagsanggalang natin, dahil habang tayo’y natutulog sa ingay ng ulan, sila ang tahimik na humaharang sa hagupit ng kalikasan. 


Kaya marahil, muling umusbong ang panawagan ng mga mamamayan na protektahan ang mga kabundukan tulad ng Sierra Madre, Cordillera Range, at Caraballo Mountains, mga tinaguriang “bantay ng Luzon” laban sa mga super typhoon gaya ni “Uwan”. 


Habang nananalasa ang unos, sila ang unang sumasangga sa lupit ng malalakas na hangin at ulan, at dahilan kung bakit maraming bayan ang ligtas hanggang ngayon. 

Ang Sierra Madre, ang tinaguriang “backbone of Luzon,” na umaabot ng mahigit 540 kilometro mula Cagayan hanggang Quezon, isang likas na pader laban sa bagyo, baha, at pagguho ng lupa. Mismong Climate Change Commission ang kumilala rito bilang “first line of defense” ng bansa laban sa mga kalamidad. 


Ayon sa isang storm chaser, hindi tuwirang napipigilan ng Sierra Madre ang bagyo bago ito tumama sa lupa, subalit malaki ang ambag nito sa pagpapahina ng unos pagkapasok sa kapatagan. Sa madaling sabi, ito ang unang panangga at humaharang sa mga hampas ng bagyo para hindi tuluyang magwakas ang mga lungsod sa dala nitong delubyo. 


Maging si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay kumilala sa mahalagang papel ng Sierra Madre sa pagprotekta sa Luzon. Paliwanag ng Malacañang, nakita mismo ng Pangulo kung gaano kalaki ang naitulong ng Sierra Madre sa pagbawas ng pinsalang dulot ni “Uwan”. 


Gayunman, sa likod ng kagandahan nito ay ang tumitinding banta ng illegal logging, mining, at quarrying na dahan-dahang kumikitil sa kagubatan. 


At habang patuloy ang papuri, tahimik namang umiiyak ang kalikasan. Ang mga punong dating payapa ay unti-unting napuputol, at ang mga bundok ay nagiging hubad sa harap ng sakim na pagmimina at walang habas na pagtotroso. 


Kahit may mga programa tulad ng Sierra Madre Natural Park at National Greening Program, kulang pa rin ang tunay na pangangalaga rito. 


Ang mga bundok ay hindi lang tanawin, ito ang ating tahanan at kalasag. Kung hindi natin ito poprotektahan, darating ang panahong wala nang haharang sa unos, at tayo mismo ang mananagot dito. 


Ang panawagan ay simple lamang, itigil ang pagsira, simulan ang pag-alaga at pagprotekta sa ating kabundukan. Dahil kung may tunay na bayani sa bawat hagupit ng bagyo, ito ay ang mga bundok na tahimik na nagsasakripisyo para sa ating kaligtasan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page