top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 31, 2020




Tumataas ang tensiyon ng tao ngayong pandemya. Nakakabahala ang mga balitang sunud-sunod ang krimen dahil na rin sa sobrang galit sa kanilang kapwa. Kung susuriin ang mga pinag-uugatan ng problema ay baka bunga ng krisis sa pananalapi at sa iba pang bagay na personal ang pinagmumulan.


May mga tao talagang kapag tensiyon na tensiyon, pagod na pagod lang sa ibang bagay ay nagiging bayolente. Mayroong nagiging bayolente sa hindi naman malamang rason. Ang ilan ay nakakasanayan nang makasama ang mga taong war freak o sisiga-siga sa loob ng bahay o sa kanilang lugar. Wala na nga halos pakialam ang iba kung makasasakit na ng ibang tao. Pero huwag naman sana na mismong ang iyong mga mahal sa buhay ay mabiktima niya o kahit ikaw.


Dapat marahil ay matutunan mo na kung paano makokontrol o mapapakisamahan ang mga taong bayolente lalo na kung isa siya sa kasama mo sa bahay o mismong mahal sa buhay mo ay war freak. Para makaiwas na siya’y makapanakit, makapamaslang ng kapwa o makasira ng anumang mahahalagang bagay sa buhay ng inyong kapitbahay o mga kakilala. Heto ang mga dapat gawin kung nariyan lang siya sa lugar ninyo.


1. Kung maari ay huwag na siyang pansinin. Isang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang mga taong bayolente ay umiwas sa naturang sitwasyon at mabilis na lumayo sa kanyang kinaroroonan nang hindi magkaroon pa ng malaking gulo.

Ang ilang tao ay nagiging bayolente at hindi niya namamalayan na nagaganap ang isang bagay na hindi sinasadya. Iyon karaniwan ang nagiging resulta ng kanyang pagiging war freak. Kung puwede ay karampot lang ang sasabihin at huwag na uling magsalita nang hindi siya masyado pang nagagalit.

2. Matutong maging mapagpasensiya at mag-isip muna nang malinaw kapag may kaharap kang napa-praning na tao.

Maraming pagkakataon na ang bayolenteng tao ay immature at walang pasensiya. Kaya kahit ikaw na lang ang maging mapagpasensiya na laging hands off at ‘di pumapatol at laging may kontrol ka sa iyong damdamin.

3. Kung maaari ay humingi ng tulong sa mga psychologist. Ang pagpapa-counsel ay para sa ikabubuti mo at maging sa bayolenteng tao. Marami sa bayolente ay tumatangging magpasuri sa mga propesyunal at tagapayo sa una lamang. Ituloy ang pagtulong at paghikayat. Maaaring madedetalye rin niya kung ano ang sanhi ng kanyang ikinagagalit kaagad o pagbabasag ng mga gamit at maaaring galing sa isipan o mula sa katawan.

4. Iwasan ang sitwasyon, kung maaari ay iwasan na siya ay sumpungin. Sikapin nang iwasan ang tao hangga’t hindi siya tuluyang sumasailalim sa gamutan hangga’t hindi siya natutulungan na matutunan at makontrol ang kanyang galit.

5. Magpakatatag ka. Marami sa bayolenteng tao ay walang kontrol, galit agad at gustong manakit. Kapag nakita niya ang kapwa niya na mahina ay ito ang kanyang sasamantalahin para siya magalit dito. Maliban lang kung magpapakatatag ang sinasaktan. Ang mga war freak na tao ay pareho rin ng ugali ng isang maton o siga.


Karaniwan na ang isang siga ay umuurong din sa kalaban kapag nakaambang lalaban ito. Pinakamainam na ipakita sa kanya na kaya mong lumaban at hindi mo siya uurungan at para malaman niya na hindi mo papayagan na ikaw ay kanyang saktan.


Maging ikaw man ay tamang hayblad at nais mo ring makontrol sa sarili ang pagiging madaling magalit.


Ang mahirap kapag sumama na ang loob ng kaibigan, ayaw ka na kausapin at kibuin, pati mga kapatid, nanay at tatay mo, naiinis na sa iyo dahil na naman ay napa-praning ka.


Para humupa ang stress sa anumang pinagdaraanan sa buhay:

  1. Simulan at praktisin ang paghinga ng malalim. Pinakamalalim na paghinga na kakayanin. Hayaang ang hangin ay maglabas pasok sa baga para maalis ang lahat ng galit sa sistema. Iyan ang magpapabalik sa iyong bait at nakapagpapaluwag ng dibdib.

  2. Isipin kung anuman ang sasabihin o mahalagang masabi at hanggang doon na lamang, lahat tayo ay nakapagbibitaw ng mga salitang hindi natin gusto kapag tayo ay nagagalit dahil talagang gusto nating isigaw. Kailangan ba talagang masabi ang bagay habang galit ka? Kailangan mo bang mamahiya ng kapwa kapag galit ka? Hindi at hindi dapat. Kailangan lahat ng sasabihin mo ay pakaisipin mo munang mabuti para wala kang mapahiya.

  3. Kung kapos sa pera at trabaho ang problema at tensiyunado ka sa lahat ng oras, sikaping huwag nang mapag-usapan ang bagay na ito.Kung ibabaling sa ibang bagay ang usapan at hindi na ito ang laging pinoproblema tiyak na wala ka nang dapat pang alalahanin.

  4. Isipin na ang lahat nang bagay na nangyayari araw-araw na dapat ay matutunang masolusyunan.

  5. Huwag masyadong inaalala ang buhay kung ano ang mangyayari sa next 10 years. Hayaang lumakad ang panahon na maganda ang pananaw sa buhay.

  6. Sa isang relasyon, sikaping mag-usap kung ano ang kagandahan sa tuwing kasama mo ang partner at kung gaano ka kasuwerte habang kapiling mo siya. Hindi ka dapat mag-aalala nang labis sa pera at iba pang maluluhong bagay na kahit wala ka nito at huwag asamin ang mga ito. Palagi mong sabihin sa sarili na tuwing may makikita kang mas mahirap pa sa kalagayan mo, mas masuwerte ka pa rin.

  7. Kung kailangang makipag-usap sa tao tungkol sa problema mo, sabihin ito sa kanya. Kung walang gustong tumulong o wala silang paki, mas piliin mong kausapin ang taong may malasakit sa iyo.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 30, 2020




Ngayong panahon ng pandemya, limitado na lang ang paglahok ng ilang may talent sa mga patimpalak dahil bawal ang social gatherings. Pero paano kung gusto mong sumikat pero nasa loob ka lang ng bahay. Ngayong quarantine, hindi iyan hadlang sa mga gusto talagang sumikat at magpa-trending sa social media.


Kaya naman ang mga apps ng tiktok, wesing at iba pang paraan para maipakita ang husay ng mga Pinoy sa pagsayaw at pag-awit ay trending na trending. Pero bukod diyan, tiyak na may natatangi pang galing ka na hindi mo pa nadidiskubre sa iyong sarili.


Hindi mo kailangang maging mahusay na manunulat o artist para masabing creative ka na. Ngayong marami ang nasa bahay lamang, marami ang kinakikitaan na ng talent tulad ng paggawa ng magagandang halaman sa isang artistikong banga, nakapagdidiskubre ng mga bagong lutuin o resipe na swak sa panlasa ng millenials, o kaya naman ay bagong dance move. Anumang bagay na naipapahayag ang sarili sa artistikong paraan ay masasabing isang malikhaing galing na ‘yan. Masasabing artistic ka:


1. May abilidad kang i-level up ang lumang kinagawian. Dapat ang pagiging creative o paglikha ay lalong hinahasa pa at pinagbubuti. Gaya na lang halimbawa kung isa kang manunulat, dapat ay magbasa ka pa nang magbasa upang dumaloy sa isipan ang mayamang paglikha ng mga salitang magagamit. Tulad din ng isang iskultor o manlililok dapat laging umuukit para mahasa ang isipan at ang kanyang mga kamay.

Kapag natatagalang gamitin ang naturang aktibidad ay nagbabara raw ang daluyan ng enerhiya.

2. Panaka-nakang magpahinga habang may ginagawa. Madalas na sa ating pagtulog biglang may lalabas na magandang ideya sa panaginip o kaya papasok na lamang sa isipan ang isang artistikong bagay na nakakatulong para sa susunod na malikhang aktibidad.

Kahit sa isang maigsing pagrerelaks ay makatutulong upang magka-ideya pa kung ang trabaho ay paulit-ulit na ginagawa ng nakatayo o nakaupo sa isang lugar.

3. Huwag na huwag iisipin na isang trabaho ang paglikha o pagiging creative. Kahit na kumikita ka sa pagpipinta, kailangang ituring ang isang proyekto na isang likha at hindi dahil ikaw ay kikita ng malaki o magkakapera rito.

Tandaan na minsan lang nagkakaisa ang pagiging creative at pagkita ng malaki, pero hindi sila palaging parehong nangyayari.

4. Musika. Higit na malikhain daw ang tao kapag napapaligiran ng musika. Konektado ang isipan sa tugtugin kahit na walang kinalaman sa musika ang kanilang nililikhang bagay.

Pero okey yan kung iyan ang inspirasyon mo para matapos nang matagumpay ang ginagawa.

5. Kailangan ng mga touch move na diskarte. Magpa-massage o kaya ay mag-warm shower. Makipaglambingan sa minamahal o kaya kahit sa mga alagang aso o pusa na malalambing. Sa oras ng pagrerelaks na ganyan ang creativity impulse ay lumalakas.

6. Iwanan muna ang mga nililikhang bagay, puwedeng maghugas ka muna ng pinggan, maglaba, maglinis ng bahay at habang ginagawa ang mga ito ay maaring makaisip ka kaagad ng bagong lilikhaing mga bagay.


Heto naman ang tips natin kung paanong masasabi sa iba ang saloobin na hindi naman makasasakit sa kanya.


Hindi ba’t madalas sabihan tayo ng ating mga magulang noon na bago ka magbibitaw ng masasakit na salita ay pigilan muna ang dila? Mas mainam na mag-isip muna ng makailang beses bago makapagbitaw ng salita sa kapwa na baka hindi niya magustuhan.


O kaya kung talagang hindi kayang sabihin ay kumuha na lamang ng ballpen at papel at saka isulat ito, pero basahin muna nang paulit-ulit ang sinasabi bago ito ipaabot sa kanya.


1. Pigurahin munang mabuti kung gaano kabigat o kagaan ang iyong kalooban. Ito kasi ang sasala ng iyong saloobin. Halimbawa puwedeng nararamdamam mo na, ‘Nalulungkot ako kapag hindi ako naalalala ng mga kaibigan ko sa aking kaarawan’ o kaya ‘naiinis ako kapag lagi na lang ang kapatid ko ang nananalo sa basketball.’

Ito ang mga bagay na nakatutulong para malaman kung napipigura mo ang sariling nararamdaman. Nalalaman din at least ng taong iyong pinatutungkulan ang impormasyon kung ano ang nakasasagabal sa iyong damdamin.

2. Pumili ng neutral na lugar at oras para makapag-usap. Kailangan bang maging pribado o makipag-usap sa kapatid sa loob ng silid? Kung hirap kang masabi ang iyong nasa isip. Isulat mo ito sa isang pirasong papel.

3. Kung hindi naintindihan ng tao kung ano ang ibig sabihin mo ngayon, sikaping magpaliwanag sa ibang paraan o magbigay ng sampol kung ano ang napapansin mo. May isang bagay na alam mong mas okey, ay sabihin mo ito basta’t sa kalaunan ay hindi ikasasama ng kanyang loob.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 29, 2020




Paano mo ba gagawing excited ang isang paslit sa paghawak ng ballpen at pagsulat ng anumang bagay sa isang papel o kaya naman ay makapagsimulang mag-type ng mga ideya sa laptop o computer?


1. MAAGANG ESTADO NG PAGSUSULAT. Alam ng mga magulang na kailangan nilang magsulat para makita ng kanilang anak, lalagda para matanggap sa online schooling at paminsan-minsan ay nakikipag-agawan sa anak para bitiwan ang paglalaro ng cellphone games o remote ng TV na halos nakadikit na sa kamay ng bata maghapon at maski paano ay palitan man lang ng aklat ang kanyang hahawakan at babasahin. Totoo ‘yan, hindi lang ang pagbabasa ang natatanging bagay na pundasyon niya para matuto. Ang pinakamahalagang ‘literacy’ ay ang pagsusulat at d’yan kung saan ang mga magulang at anak ay nagkukulang ng halos 25 porsiyento. Mga batang kulang sa kaalaman na magsulat maski sumapit sa tamang edad at antas, habang 1 porsiyento lamang ang maagang nakapagsusulat, ayon sa resulta ng National Assessment in Writing na sumuri sa Grades 4, 8 at 1 sa Departamento ng Edukasyon sa western countries.


Sinabi ng mga edukador na maraming bata ang bihirang nakapagsusulat na may mataas na antas. Madaling sisihin d’yan ang telebisyon, video games, internet movie at phone chatting kung saan ang paggawa ng malikhaing pagsulat ay nawawalang klase na ng sining para sa kanila.


Habang ang mga bagay na ito ay nagiging dahilan ng kakulangan sa writing literacy, ang totoo ay maraming adults ang hindi alam kung paano turuan ng pagsulat ang kanilang mga anak o kung paano hikayatin ang mga ito na gawin sa bahay.


Dahil ang magulang ay insecure sa sarili nilang pagsulat kaya hindi nila madaling ipasa at ipamana ang literacy na ito sa sariling anak. Dumarami tuloy ang mga bata na itinuturing na ang pagsulat ay napakahirap na bagay, nakababagot, para bang parusa kung tutuusin.


Anuman ang kailangan ng bata sa kanilang magulang, rules of grammar o kung paano susulat ng paksa para sa school essay, subalit ang simpleng panghihikayat na sumulat at sumulat nang madalas ay nararapat.


Gaya ng pagkukumpuni o pagkakarpintero, ang pagsusulat ay isa ring craft, habang nagagawa niya ito nang buong husay, mas madali at huhusay pa siya rito. At ang mga bata ay dapat na humusay pa.


Ang pagsulat ng epektibo kung tutuusin ay isang napakaimportanteng skills, maging siya man ay kailangang lumikha ng essay o pagsali-sali sa essay writing contest o pagnanais na makapagsulat ng epektibong memo o report sa kanyang hahanaping trabaho.


Heto ang ilang mungkahi ng mga edukador, manunulat at mga guro at iba pang magulang upang ang pagsulat ay maging kasing natural ng pagbabasa o parang singdali ng gawaing-bahay.

2. IDEYA SA PAGSUSULAT. A. LUMIKHA NG WRITING CORNER. Maglaan sa isang sulok ng silid ng anak na may mga kagamitan sa pagsulat, notebooks o laptops, composition paper, highlighter pens, lapis, markers, erasers, krayola, sticker at world puzzle books. Maglagay ng bulletin board para mai-display ang word list, quotes ng mga kilalang writers, inspiring illustration gaya siyempre halimbawa ng kanyang sariling gawa.

3. HAYAAN SIYANG MAGLISTA. Hamong maglista ng grocery items ang bata upang makita niya kung paano ito gawin sa araw-araw. Pahanapin siya ng mga ads sa diyaryo o online at kopyahin ang brands at goods, serving sizes at presyo.

4. GAWING PUBLISHER ANG BATA. Kapag nagsimula nang magkuwento ng istorya ang anak, isulat na agad ito, mungkahi ni Kathleen Yancery, director ng Pearced Center for Professional Communication sa Clemson University sa South Carolina.


Lumikha ng homemade books kung saan ikaw naman ang gagawa ng kuwento at siya ang magdo-drawing ng pictures. Maglagay ng stickers sa blangkong pahina at hayaan ang anak na magsulat ng susunod pang istorya ukol dito.


Magpa-picture sa park o zoo o kunan din ng larawan ang mga action figures, mga laruan ng dinosaurs sa naturang posisyon. Iimprenta ang mga larawan at hayaan ang anak na bumuo ng istorya. Kapag tapos na, gumawa ng covers sa pamamagitan ng construction papers at isulat ang pangalan ng bata sa harapan. Tapos ay basahin ang kanilang aklat sa bedtime reading.

5. GUMAWA NG BITIN NA ISTORYA. Minsan ang mga bata ay hindi tiyak kung ano ang isusulat. Heto ang lunas para makaimbento sila ng kuwento. Magsimula ka sa istorya ng gaya ng, “Isang araw, kinain nang kinain ng isang puting kabayo ang mga white flowers sa harding alaga ng kanyang amo…” Ibitin ito hanggang doon, ang anak ngayon ang magdaragdag ng mga salita o higit pa upang madugtungan ang kuwento. Magagawa n’yo habang nasa bahay lamang, na-stuck sa traffic o naghihintay sa dentista.

6. MAGPASA NG NOTE. Isinusulat ni Kathryn, isang pediatrician at may akda ng The Parents Problem Solver sa kanyang mga anak ang paglalagay ng mga instruction, love at encouragement.


(Goodluck on your test) sa loob ng lunchboxes ng kanyang anak, aklat at bulsa ng kanilang mga uniporme o kaya ay ipadadala sa text messages. Sasagot ng ganundin ang mga bata, binibigyan din ang ina ng goodluck messages at ilalagay sa unan at sapatos ng mommy nila.


Nakakasanayan ang mga ganito na isang dakilang paraan para magkaroon ng mainam na komunikasyon ang ina sa kanyang mga anak.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page