- BULGAR
- Sep 11, 2020
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | September 11, 2020

Bilang babae, napakarami nating mga obligasyon sa buhay. Pero tayo ang taong napakadaling magreklamo sa lahat, dakdak nang dakdak. Napakadali ring malungkot at madismaya. Pero tayong mga babae ang pinaka-inaasahan lamang sa mundong ito na maging super heroes at walang karapatang humingi ng tulong sa iba.
1. Bilang babae, kailangan nating maunawaan na ang hindi tayo perpekto. Hindi natin magagawa ang lahat nang mag-isa lamang. Napakaimportante pa rin na ipamahagi mo ang iba mo pang responsibilidad sa ibang miyembro ng pamilya. Tayo sa lahat ang siyang inaasahan na maglilinis ng buong bahay, kahit sa mismong bakuran. Kailangan nating panatilihing malinis ang ating kapaligiran lalo na sa ating tahanan. Mahirap yata ito kung habambuhay na gagawin. Kailangan mo nang katulong.
2. Sige, ilista mo na kung ano ang iyong magagawa sa isang buong araw. Ang hindi mo magagawa ay iwanan mo at iutos mo na lang sa iba. Kung minsan para bang napakahirap pang mag-utos sa iba, makikipagtalo ka pa sa kasambahay para lang matulungan ka na gawin ang hindi mo nagawa. Iyan na ang pagsubok sa iyo. Kaya ang dapat gawin ay gumawa ng chore chart at ipangalan sa isa’t-isa kung kanino dapat nakatalaga ang isang gawain. Sa paraang iyan at least lahat-lahat nagtutulungan.
3.Huwag nang pilitin pa ang sarili kung hindi mo na kayang gawin pa ang ibang trabaho. Isipin na lang mabuti kung sino ang puwedeng utusan para rito. Kung walang susunod sa utos mo, hayaan mo pa rin. Ang chore chart na ang magsasabi kung kanino talaga naka-assign ang naturang gawain. Napakahirap para sa ating mga babae ang ganyang sitwasyon. Kung minsan ang tanging paraan natin para maturuan ang iba na magpaka-responsable ay magmatigas ka. Paano na lang kung matapos silang kumain at itinambak lang sa hugasan ang pinggan at ang kanilang mga damit ay hindi man lang nalalabhan. Hindi mo rin dapat na asahan ang katulong na siyang gumawa ng lahat ng gawain sa bahay kung sabay-sabay siyang uutusan ng buong pamilya. Kaya nga tinawag silang katulong dahil ‘katulong’ n’yo lang sila sa gawaing-bahay, kumbaga, ikaw bilang amo ay may ginagawa ring trabaho sa bahay.
Paano na lang kung darating ang panahon na maninirahan kang mag-isa sa ibang bansa, wala kang gaanong kakilala roon, wala kang katulong, puwes ikaw ang gagawa lahat ng gawaing-bahay para mapaglingkuran mo ang iyong sarili. Maglalaba ka, magluluto, maglilinis ng bahay, mananahi, mamamalengke etc. Kaya ngayon pa lang habang nasa tamang edad na dapat nang matutunan nating kumilos at huwag maging tamad sa sariling bahay.
At sa mga sobrang sipag namang kababaihan sa bahay at alam mong malalaki na ang mga anak at para maging responsable sa kanilang sarili:
a.Huwag mong linisin ang kuwarto ng mga anak kung teenager na sila. Huwag mo na ring labhan ang kanilang mga damit. Hayaan mo silang maging responsable sa kanilang sarili.
Huwag kang masyadong matataranta sa mga gawaing-bahay at maging panatag ka na dapat kung sakaling malalaki na ang iyong mga anak. Hayaan mo silang kusang matuto sa gawaing-bahay.






