- BULGAR
- Sep 23, 2020
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | September 23, 2020

Tiyakin na kahit sino sa pamilya ay alam na ang pinakamamahal na pinuno sa pamilya, nanay o tatay ay kukunin na rin ng Maykapal kung sa mga oras na ito ay patawirin na siya sa ospital o kahit sa tahanan. Nariyan na dapat ang tsansa na ipadama na ang pagmamahal sa kanya.
Umupo nang mahinahon at kausapin ang mahal sa buhay na naghihingalo. Kung may mga pinagsisisihan o kailangan niyang dapat na malaman na iyong mga itinatagong bagay na kailangan na niya talagang malaman, ito na ang tamang oras para sabihin na ito sa kanila, ipagtapat na. Tandaan na bagamat napakalaki mang kasalanan ito, ( may itinatago ka mang ibang pamilya o mayroon ka mang ibang pamilya sa loob ng 15 taon) kailangan mo nang pakawalan iyan sa iyong dibdib at ipaalam na ito sa kanya, ibulong na ito. Kung hindi mo man gustong sumama ang loob niya noon habang malakas pa siya, ngayon na niya higit na hinihintay ang lahat ng iyan para magkaroon ka ng katahimikan sa iyong kalooban.
Hayaang lahat ng mga bata sa pamilya ay makausap ang kanilang loveone na patawirin o nag-aagaw buhay na, kahit man lang sa cellphone at ipaliwanag sa kanila kung ano ang nangyari at kung bakit nasa punto na ng masamang kalagayan ang kanilang mga matatandang lola o lolo.
Ipadama o ipaalam sa mga kapamilya na nasa abroad ang tungkol sa kalagayan ngayon ng inyong loveone sa ospital.
Mahinahon siyang kausapin at tanungin siya kung ano na ang kanyang nararamdaman, pakinggan ang kanyang mga sasabihin kung natatakot ba siya o mapayapa siya sa kanyang sitwasyon. Kung nagsabi siyang natatakot siya sa kamatayan, tulungan siya sa abot ng iyong makakaya na sabihin na hindi dapat matakot at saka manalangin. Ngunit kung matapang niyang haharapin ang kamatayan, marahil ay mapapayapa ka na rin sa dakong huli.
Simulan nang ayusin ang burol at punerarya. Maliban lang kung talagang hinihiling na ito ng minamahal na patawirin. Huwag na itong babanggitin sa kanya.
Sabihin sa loved one na naghihingalo na mami-miss mo siya, at madamdaming sabihin na “I love you.” Wala nang pinakamahalagang bagay pa sa lahat kundi ang tatlong salita na iyan.
Sabihin sa loveone kung natatakot ka, nalilito o nalulungkot. Ito’y upang masabi niya ang ilang bagay na magpapayapa sa iyong isipan at least makatutulong ang proseso na ito kahit bahagya lamang.
Ilang taon din ang magdaraan, unti-unti na kahit ang paboritong kulay na lamang, paboritong minatamis at pagkain ang siyang magpapaalala sa iyo.
Kaya tiyakin na sinuman sa inyong mahal sa buhay ngayon ang patawirin, sabihin na lahat sa kanya ang gusto mong sabihin. Huwag ka nang mag-alinlangan.
Tipunin na lahat ng miyembro ng pamilya sa isang silid at gunitain ang mga pinagsamahan ninyo at pasayahin siya sa ilang sandali na iyan sa pamamagitan ng mga kuwentong masasaya noong sama-sama kayo sa ilang okasyon. Lahat ay may alaala tungkol sa loveone, nakangiti, tumatawa habang naalala ninyo iyon. Napakamapayapa ng alaala kung gugunitain, kung nakapalibot sa kanya ang loveones lahat sila naipadarama nila ang pagmamahal ng lubos sa kanya.
Sige umiyak ka lang, huwag mong pipigilan kung maiiyak ka sa harapan ng patawirin mong ina o ama. Kung kailangang umiyak, ilabas mo ito.






