top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | October 20, 2020




Mahirap talagang habulin ang mga taong umiiwas dahil may pagkakautang, pero kailangan mo talaga siyang singilin kahit anong mangyari. Pero isa lang ang dapat mong tandaan, PERA MO pa rin iyon at walang kaparis na pagmamakaawa ang makaaalis ng katotohanang iyan.


Bagay na iyong Kailangan:

  1. Tiyaga

  2. Determinasyon

  3. Pag-uusap


1. Minsan ang paniningil at pagpapaalala sa umutang ay dapat pinagtitiyagaan. Ang pinakamainam na bagay na dapat tandaan ay huwag magpapautang sa taong iyong pinagdududahan o iyong alam mong walang kakayahan na makapagbayad. Pero siyempre ‘di mo rin maiwasang maawa dahil kahit paano ay isang kaibigan. Tandaan, na kung kailangang maningil at habulin ang tao dahil sa utang sa’yo, malamang tapos na ang pagkakaibigan, (may lamat na rin). Kaya huwag mag-aalala kung masaktan mo man ang loob niya, ang mahalaga ay masingil mo siya at maibalik sa’yo ang perang hiniram niya.


2. Tawagan o kausapin ang tao. Mas mainam na kausapin siya nang personal dahil ang tawag sa telepono ay palagiang hindi pinapansin o napagtataguan ka pa, pero kung personal ay maaari mong makita ang kanyang mga reaksiyon. Kailangang alam ng tao na may utang pa rin siya. Ipaalala sa kanya kung magkano ang utang niya. Kung buo niya nakuha ay buo rin niya dapat ito ibabalik at kung kailan mo inaasahang makukuha. Kailangang may saksi rin sa pangungutang niya, kung kaibigan ang nangutang, dapat makita ng ibang kaibigan na nangutang siya at nakapagbayad din.


3. Kung kakausapin ng personal, ipaalam sa kanya na kailangan mo na talaga ng pera ngayon. Hindi mo na kailangang sabihin pa ang dahilan kung bakit kailangan mo ang pera, tinulungan mo siya nu’ng mangutang siya at dapat tumupad siya sa pangako. Takdaan siya ng petsa at oras kung kailan siya magbabayad.


4. Pero kung ‘di pa rin magbabayad, tingnan kung may tao kang puwedeng lapitan na tutulong sa’yo na maningil, gaya ng boss niya o iba para may magsabi sa kanya at mahiya naman siya.


5. Kung hindi iyon uubra, kausapin na rin ang mga loveones niya, asawa, magulang o church leader nila na puwedeng may malaking impluwensiya sa kanya. At ipaalam sa kanila na kung puwede ka nilang tulungan na singilin ang kaibigan mo at kailangan mo na kamo ang pera. Hindi ka kamo magdedemanda basta’t bayaran ka lang.


6. Kung walang resulta, puwede kang magpagawa ng sulat sa abogado para takutin siya sa pangongolekta lalo na kung malaki talaga ang utang niya.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | October 19, 2020




Lahat tayo ay may kaba at ika nga ay may ‘highly developed instinctual senses.’ Ang tangi lang kailangang gawin ay pansinin ang clue na ating madarama sa halip na hindi pansinin ito. Ang pulso ika nga ay hindi dapat balewalain nang walang rason. Maging ikaw man ay naniniwala na ang iyong kutob ay galing sa mga bagay na nagbibigay ng clues, hayaan nating ang mga ito ang gagabay sa iyo para maiwasan ang anumang peligro at maiwasan ang panganib.

1.Marami ang insecure sa ilang aspeto ng ating sarili. Para bang itinatanong mo, tama ba ang aking nagawang desisyon? Gusto ba ako ng ibang tao? Paano ba nila ako itatrato? Isa sa unang hakbang para maniwala ka sa iyong personal na lakas ng pandama ay ang maniwala ka sa iyong sarili at ihinto sa kaiisip kung paano ka ituturing ng iba. Laruin ang isipan, tingnan mo kung iyan ba ang dapat gawin. Ang unang letrang A ba na pinagpipilian ay mas okey o mas mainam ang B na piliin? Ang magkaroon ka ng oras na isipin ang isang bagay ang iibayo sa kalalabasan ng halos lahat ng sitwasyon. Sa bawat tagumpay na napili, batiin ng “congrats” ang iyong isipan.


2.Ang panganib ay hindi lang sa hatinggabi, ito ay maaaring nasa paligid mo lamang. Ilang beses mo na bang nakita ang ilang sitwasyon at bigla mong naisip ang isang bagay na, “Kung hindi siya titigil (blangko rito) magkakaroon sila ng malaking problema!” Tiyak ka na riyan, ang kalalabasan ay ayon na rin sa una mong suspetsa. Huwag nang maghintay na mahusgahan at magkatotoo, kumilos ka na at gumawa ng isang bagay bago pa maging huli ang lahat. Kung makapagliligtas ka ng isang tao mula sa seryosong gulo, kahit magmukha ka pang 'super hero' ay gawin na ito.

3. Maging alisto sa lahat ng bagay na nasa iyong paligid. Luminga-linga sa magkabilang bahagi ng lugar upang ganap na maunawaan ang lahat ng elemento sa iyong “zone” at magkaroon ng kaalaman kung gaanong ang lahat ng bagay ay nagbabago. Kapag nakakita ka ng isang taong may bitbit na magandang bata, huwag mong isipin na siya ang may-ari, baka kinikidnap na iyan. Halimbawa, kung bakit ka na-trapik o nasiraan ang sinasakyan, ginahol ka sa oras, malamang talaga, hindi na matutuloy ang lakad ninyo. O kaya, kaya naaantala ka sa oras ay dahil mahuhulog pala sa bangin ang sasakyan ninyong bus patungo ng probinsiya, mabuti na lang at hindi ka nakasama sa nadisgrasya!


4. Unang-una sa lahat, kapag nakadama ka na parang kinakabog ang iyong tiyan at parang kinikilabutan ang iyong batok, isipin mo na kaagad kung ano ba ang nagiging dahilan ng mga bagay na ito. Kung may biglang bumulong sa iyong ulo, sikaping tandaan ang eksaktong bagay na iniisip mo ng nagdaang ilang segundo bago ito nagsimulang mangyari anumang kakaiba o walang kaugnayan ang iyong ginagawa sa kasalukuyan. Lahat tayo ay may nginig ng ugat ayon sa ating paligid, maging aktuwal ba nating alam ito o hindi. Parang isa itong isang hinihipang lobo sa tabi ng ating braso o iyong parang biglang may “nagbabago ng vibration” sa ating paligid.


5. Tandaan na ang kaisipang nabubuo sa utak ng isang tao ay gawa sa ‘electrical charges.’ Tulad din ito ng isang radio station na nagpapahatid ng electrical impulses sa paraan ng broadcast air waves na naririnig din naman sa programa. Kahit hindi ka nakaririnig ng espesipikong salita, subalit kapag isang napakalakas na senyales ang ihahatid ng ‘kaisipan,’ maging ito man ay negatibo o positibo, magagawa mong makatanggap ng naturang malakas na pakiramdam habang may panahon pa sa unang paghawak ng sitwasyon sa pinakaposibleng paraan para makapagligtas ka.


6. Minsan, pagkatapos ng mga nangyari iniisip mo na, “Sana kung sinunod ko lang ang aking nadarama, ‘di sana nangyari iyon.” Gamitin ang common sense at nakaliligtas ito ng buhay at panganib.

7. Kung hindi pa ito nangyayari, hindi pa huli. Lahat tayo ay nakadarama ng gulo o anumang pangyayari kahit bago pa man ang nakatakdang pagbiyahe, totoong nararamdaman natin ang panganib kahit nasa malayo pa ang naturang lugar!


8. Lahat tayo ay may "Spidey Sense," pero ang hirap lamang sa iba marami ang kulang sa pandama na paganahin ito.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | October 18, 2020




Panahon ng krisis ngayon, imbes na sana ay magtulungan, hayan at naglalabasan ang mga akusasyon ng bawat pulitiko at mga kilalang personalidad sa isa’t isa. Ang maakusahan ng isang bagay na hindi mo ginagawa ay parang nakadidismayang karanasan. Parang sa magkarelasyon na inaakusahan ka na mayroon kang karelasyong iba o inaakusahan sa pagiging kriminal at ilegal. Maging sa social media, may mga nabibiktima ng akusasyon.


Mayroong ilang hakbang na magagawa mo para makaya ang sitwasyon at nginingitian na lang ang bagay na ito kung hindi naman totoo.

  1. Manatiling kampante at huwag mairita o malungkot sa mga taong nagpapakalat ng maling akusasyon. Kung ang minamahal mo ang siyang gumagawa nito sa’yo, sikaping determinahin kung ano ang nag-uugat sa kanila kung bakit nila nagagawa o ano ang nagtulak sa kanila para pagbintangan ka at akusahan ng kung anu-ano. Maaaring dahil na rin sa kanilang kakulangan sa tiwala o mga nagdaang ginagawa na minasama nila sa dakong huli. Kung mayroon mang iba na umaakusa sa iyo dahil sa gumagawa ka umano ng ilegal, manatili kang tahimik, irekord o idokumento ang lahat ng mga sinabi o inakusa hinggil sa iyo at saka ka humingi ng payo sa mga abogado nang agaran.

  2. Magtipon ng mga katotohanang impormasyon o patunay na ang kanilang akusasyon ay pawang mali. Determinahin kung ang kanilang akusasyon ay base sa kanilang sariling irasyonal na pag-iisip. Kung ikaw ay inaakusahan ng isang bagay na ilegal, kailangang magkaroon ng abogado na may mga naipon ding impormasyon kung maaari hinggil sa sirkumstansiya ng sitwasyon, at ang iyong pagiging inosente at kung nasaan ka ng mga araw na iyon na naganap ang ibinibintang nila o kung saan nangyari ang bagay na iyon.

  3. Bigyan ang umaakusa ng oras at pagkakataon na magpalamig kung sobra na ang kanyang nagiging reaksiyon, ang paggamit ng irasyonal na pag-iisip at pagtanggi na makinig sa iyo. Tanungin ang sarili kung ito ang unang pagkakataon na ang taong ito ay ganito ang ginawa at may maling akusasyon sa iyo, o kung ang kanilang aksiyon ay tama bang isagawa sa inyong relasyon na kailangang ihayag sa harap ng isang abogado o tagapamayapa.

  4. Kilalanin at gumamit ng may kredibilidad na saksi na siyang magsasalita sa panig mo hinggil sa naturang sitwasyon. Kapag ikaw ay inaakusahan sa isang krimen, hilingin sa naturang tao na kilala mo na isulat ang mga positibong bagay sa panig mo hinggil sa karakter at kung anong uri ka ng tao. Ang sulat na ito ay maaaring buhat sa tao na iyong nakatrabaho, kapitbahay, pamilya, mga kaibigan at miyembro ng simbahan.

  5. Humanap ng mga susuporta o makipag-usap sa mga pribadong tagapayo na makatutulong sa iyo para mapanghawakan ang sariling emosyon at galit kapag mali ang akusasyon sa iyo.


Kausapin ang mga taong nakaranas na rin ng naturang sirkumstansiya na maglalaan ng paglilinaw kung paano hahawakan ang sitwasyon gayundin sa mga komportableng tao para hindi mo maramdaman na nag-iisa ka.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page