- BULGAR
- Nov 15, 2020
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | November 15, 2020

Kung nais mo naman na maging maganda ang iyong Pamasko mula sa boss mo, heto ang mga dapat gawin para mapa-impress mo siya.
Kapag nagkaroon ka ng bagong trabaho, siyempre unang-una na riyang gusto mong mangyari ay mapabilib mo siya.
Iyong tipong lahat ng trabaho ay sinasang-ayunan niya at ipakita sa kanya na maasahan ka at masipag na indibidwal. Para mapabilib ang boss, may ilang mga bagay na magagawa ka.
1. IBIGAY ANG LAHAT NG MAKAKAYA O MAGAGAWA. Gumawa ng mga aktibidad na “normal” na para sa iyo tulad ng maagang pagpasok sa trabaho at kung minsan ay nagboboluntaryo ka o tumutulong kahit na day off mo at napasyal ka sa trabaho. Ugaliin na huwag iiwan ang trabaho hangga’t hindi tapos.
2. IPAKITA ANG IYONG KAALAMAN. Sa iyong bakanteng oras, mag-research hinggil sa kumpanya. At least kapag nabanggit ng boss ang plano ng kumpanya, aktibidad o iba pang proyekto, at least may malinaw ka nang pagkakaunawa sa paksa. Ang iyong kaalaman at komento sa usapan ang siyang magpapabilib sa iyong boss.
3. MAGING ISANG TEAM PLAYER. Napakahalaga nito sa lahat, ito ay magandang pakikisama o pakikisalamuha mo sa katrabaho at maging matulungin sa lahat ng bagay at paraan. Kapag kailangan ng kapwa mo katrabaho ang tulong o may itatanong sila, dapat handa kang tumulong. Magmalasakitan kayo at ipakita ninyong sa sama-samang pagtutulungan sa trabaho ay kayo rin ang may magandang mapapala pagdating sa pagbibigay ng umento o pabuya ng boss.
Lalo na ngayong magpa-Pasko, dapat nang isaalang-alang na huwag nating bibigyan ng anumang problema, sakit ng ulo ang ating mga amo. Sila ang unang-unang mga tao na magbibigay ng magandang biyaya sa inyo at magsisilbing Sta. Claus ngayong Pasko at wala nang iba pa.
Hindi ba’t napakasaya sa damdamin at kalooban na kapag naumentuhan ka, nadoble ang bonus at 13th month mo ay doble ring saya ang mararanasan ng buo mong pamilya. Tandaan n’yo ‘yan!
4. ALAMING MABUTI ANG MGA PRAYORIDAD NG BOSS. Kung anuman ang prayoridad ng boss ay dapat iyon din ang iyong maging panuntunan kahit na hindi ideal o lohikal ito. Kung nais ng boss na tapusin na ang financial statements ng ASAP kada buwan, gawin agad ito, ito ang unahin mo. Ipakita at ipadama sa boss ayon sa iyong trabaho na ang kanyang prayoridad ay sobrang napakahalaga sa iyo.
5. BIGYANG PUNTOS ANG IYONG MGA ACCOMPLISHMENTS. Marami nang mga aktibidad ngayon ang bawat kumpanya, kung sa tingin mo ay nagawa mong makalahok sa mga social events, charitable works at iba pang sports activities at isa man lang dito ay may napagtagumpayan kang magampanan at napatunayan mong karapat kang magbigay ng karangalan sa kumpanya at ikaw at ang iyong mga katrabaho na involve din sa mga aktibidad na ito ay tiyak na mapapabilib mo ang boss mo.
6. MAGING SINSERO O TAPAT KA IYONG TRABAHO. Maraming factor kung paano ipakikita ang maging tapat sa boss, dahil pagbali-baligtarin mo man ang salitang TAPAT ay TAPAT pa rin kung talagang siya ang empleyado na hindi bias, nasa tama ang oras ng pagpasok sa trabaho, hindi mang-iintriga at gagawa ng tsismis at higit sa lahat iwasang manlaglag na kapwa empleyado dahil tiyak na lahat ng katrabaho ay magsisimulang magalit sa iyo.






