top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 17, 2020




Una nating nai-published sa artikulo na ito ang mga pangunahing vaccine na nasa phase 3 trials na tulad ng Aztra Zeneka, Pfizer vaccine, ang Sputnik V ng Russia, at Sinovac ng China etc. maging ang Covaxin ng India kahapon.


Narito ang iba pang COVID-19 vaccine na nasa phase 3 trials na rin ang iba. Mula pa rin sa artikulo ni Amy McKeever ng National Geographic.


May 150 coronavirus vaccine na ang tinutuklas sa buong mundo at inaasahan ng mga siyentipiko na maging available na ito sa merkado.


1. Ang Novavax, ang biotechnology company na nakabase sa Gaithersburg, Maryland ay may NVX-CoV2373 vaccine. Ang Novavax ang nag-bioengineered sa coronavirus spike proteins, isang bahagi ito na nakakatulong sa virus na humalo sa selyula na kung saan hindi makakaporma ang COVID-19.


Ang mga sumailalim sa vaccine ay tinurukan ng protina ng isang knucklebone-shaped nanoparticle. Kahalo nito ang Matrix-M adjuvant na tinatawag - isang compound na nagpapalakas sa immune cells at nagpapatibay sa immune response.


Ang vaccine ay may dalawang doses, na may pagitan na 21 araw ang pagturok. Noong Setyembre 2, sa pag-aaral ng phase one trial ng kumpanya mula sa inilabas na balita ng New England Journal of Medicine, natuklasan na ang vaccine ay ligtas at nakapagpo-produced ng coronavirus antibodies sa mas mataas na antas kumpara sa mga nakarekober mula sa COVID-19. Nakakabuo rin ito ng T cells, na magiging armas para sa human immune response.


Ayon sa status, noong Set. 24, inanunsiyo ng Novavax na naglunsad na sila ng phase 3 trial sa United Kingdom kung saan ine-evaluate nang mabakunahan ang may 10,000 katao, infected man o hindi. May 400 nang mga partisipante ang nabakunahan laban sa seasonal flu bilang bahagi ng sub-study na makakatulong upang malaman kung ligtas bang bakunahan ang pasyente.


2. Ang Johnson & Johnson ay may JNJ-78436735 vaccine. Isa sa pinakamalaking multinational corporations ang J&J na nakabase sa New Jersey na espesyalista sa healthcare at pharmaceutical products.


Nagdedebelop ang J&J ng adenovector vaccine na nagi-introduce ng piraso ng DNA mula sa SARS-CoV-2 mula sa karaniwang cold-causing adenovirus kung saan doon ay nagkakaroon ng genetically changed para hindi na lumala sa katawan.


Ang naturang bakuna na unang naging teknolohiya ng J&J ay ginamit para sa pagdebelop ng Ebola vaccine maging ang vaccine ay kumandidato kontra Zika at HIV. Noong Hulyo, isang pag-aaral na nailabas sa babasahing Nature ay nagsabi na ang vaccine ay pinalalakas ang antibodies ng tsonggo at nagkakaroon ng "complete or near-complete" proteksiyon sa isang dose lamang.


Base sa status, noong Setyembre 23, inanunsiyo ng J&J na ang launching ng phase 3 ensemble trial ay para sa kaligtasan ng vaccine at kung paano ito umuubra sa may 60,000 katao sa iba't ibang bansa. Kasama sa trial ang "significant representation" mula sa mas matatandang populasyon at iyong may mga sakit na delikadong mahawahan ng COVID-19.


Noong Okt. 12, inanunsiyo ng Johnson & Johnson na inihinto nila ang trials para sa isang 'independent safety review' dahil sa mga hindi maipaliwanag na lumitaw na sakit ng mga naturukan. Hindi na nagbigay ng anumang detalye ang kumpanya bilang proteksiyon daw sa pasyente, pero anila, ang mga sakit ay inaasahan matapos ang clinical studies. Ang paghinto sa pag-aaral maging sa clinical trials at hindi pa rin naiuulat. Noong Okt. 23, inanunsiyo nila na magbabalik trials sila.


Bukas, tatalakayin pa rin natin ang tatlo pang vaccine.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 16, 2020




Nabanggit na natin noong isang araw sa artikulo na ito ang mga pangunahing COVID-19 vaccine na nasa phase 3 trials na ay ang tulad ng Aztra Zeneka, Pfizer vaccine, ang Sputnik V ng Russia, at Sinovac ng China etc. Ang iba pang COVID-19 vaccine ay nasa phase 3 trials na rin.


Ihahalaw natin ang kuwento mula sa artikulo ni Amy McKeever ng National Geographic noong Dis. 11. Alam n'yo bang may 150 coronavirus vaccines ang tinutuklas sa buong mundo at umaasa nang husto ang mga siyentipiko na maibenta na ito sa merkado at malunasan na ang krisis sa kalusugan ng mga tao.


Todo pagsisikap ang ginagawa ng mga eksperto kabilang na ang U.S. government sa kanilang Operation Warp Speed initiative na ginastusan ng $10 bilyon upang pakay na makapagdebelop at makapagturok ng 300 milyong doses na mas ligtas, epektibong coronavirus vaccine na target sa Enero 2021.


Inaasahan din ng World Health Organization na ang hinihintay nilang development ng vaccine ay aabot ng dalawang bilyong doses sa pagtatapos ng 2021.


Isang emergency authorization naman ang natanggap ng Pfizer vaccine para sa COVID-19 sa U.S. upang maturukan na ang 16-anyos pataas na mamamayan. Ginawa ang anunsiyo nang balaan ng White House na sisibakin si FDA commissioner Stephen Hahn kung hindi niya pabibilisin ang approval timeline ng ahensiya.


Kaya naman unang dumating ang shipment na 2.9 milyong doses na vaccine sa buong U.S. para ngayong Linggo. Isang nai-published na pag-aaral kung saan ang vaccine phase 3 trials ay sumasang-ayon sa sinasabi ng kumpanya na ligtas at 95 porsiyento na epektibo.


Inanunsiyo rin ng AstraZeneca at Gamaleya Institute ng Russia na magtutulungan sila na pag-aralan ang posibilidad na pagsamahin ang bisa ng kanilang bakuna na gagamit ng parehong adenovirus upang mas maging ligtas ito.


Inaprubahan naman ng United Arab Emirates ang Sinopharm vaccine ng China para sa 'general use' at sinasabing 86 percent na epektibo kontra COVID-19.


Kung tutuusin, aabot pa ng 10 hanggang 15 taon upang maibenta sa merkado ang bakuna, kung saan ang pinakamabilis na naitala ay ang bakuna para sa beke na apat na taon lamang tinuklas noong 1960's. Ang mga bakunang sumasailaim sa 3-stage clinical trial process bago pa mapa-apruba sa regulatory agencies ay daraan pa sa mahabang proseso.


Kahit pa na ang bakuna ay aprubado na, mahaharap pa rin ito sa proseso ng produksiyon at distribusyon, kabilang na ang pagpapasya kung anong populasyon ang unang bibigyan nito at kung magkano ang halaga.


Marami pa ring bakuna ang nananatili sa phase 4, isang perpetual stage na dumaraan pa sa regular na pag-aaral.


ANG BHARAT BIOTECH. COVAXIN. Isa itong Indian biotechnology company, katuwang ang Indian Council of Medical Research and the National Institute of Virology.


Ang Covaxin ay gumagamit ng 'inactivated vaccine' na kinakailangan ng 2 doses na tinuturok na may 14 na araw na pagitan. Ipinaskel ang mga resulta noong Setyembre pero wala pang matibay na ebidensiya na nakapag-produce ang vaccine ng antibodies sa katawan ng tsonggo.


Sinabi ni Bharat Biotech Executive Director Sai Prasad sa Reuters noong Oktubre na sa preliminary results ng early vaccine trials ay natuklasan na 90 percent ng mga taong naturukan ay nakapagdebelop ng antibodies.


Sa pinakahuling status, noong Oktubre, inanunsiyo ng Bharat na nakatanggap na ito ng approval upang simulan ang phase three trials para sa 26,000 na mga tuturukan sa may 25 centers sa India.


Paano nga ba malalaman na ang isang COVID-19 vaccine ay handa na? At ang limang iba pang bakuna ang tatalakayin natin sa susunod na labas ng artikulo na ito.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 15, 2020




Araw na naman ng suweldo ngayon, besh! May laman na naman ang ATM account mo. Nakaltas na roon ang lahat ng kontribusyon sa GSIS, SSS, Philhealth etc o kung may retirement payment pa.


Simulan mo nang itabi ang 10% ng iyong kinikita sa savings account. Maglaan ka na ng P3,000 na iipunin. Ngayon ay may natitira kang halimbawa na P9,000. Pinakamahalagang dapat mong babayaran ay ang upa, bayarin sa tubig at kuryente, gastos sa groceries at iba pang utang.


Pinakamainam na magbayad kada suweldo sa renta, kala-kalahati kahit buwanan ang bayaran. At magbayad na rin ng bills kahit wala pang due date.


Kung due na ang renta next week, ibayad na agad ang P1,500 kung P3,000 ang upa mo. May matitira ka pang P7,500. O kaya ay itabi na ang P3,000 na pambayad renta. Mamimili ka ng pagkain kinabukasan at madalas kang gumastos ng P3,000 sa isang linggo, may natitira kang P4,000.


Halimbawa, magpapagasolina ka ng motorsiklo na ginagamit mo ng isang linggong pang-full tank, may halagang P300. May natitira ka pang P3,700 para sa susunod na dalawang linggo.


May babayaran ka sa daycare na P2,000 kada buwan. Pero hindi ka naman nag-aalala dahil si mister ang magbabayad sa susunod na payday. Oras na makasanayan mo nang ma-budget ang tamang pagbabayad ay mainam na iyan. Kung magkakaltas ka ng P500 para ibayad muna sa daycare, may matitira ka pang P3,200.


Ang iba pang bills ay next 2 weeks pa magkaka-due. Kaya gawin na ang half payment method at itabi na ito para maireserba sa darating na bills. Ang kuryente, gas, tubig, internet kapag pinagsama ay may halagang P3,200. Kaya ang kalahati niyan ay P1,600 at iyan ang matitira sa'yo.


Iyang P1,600 ay puwede mo na magamit para sa charity, pagpapagupit, pagbili ng damit o kung ano ang kailangan mong bilhin pa.


Habang nakaplano kung saan mo gagamitin ang iyong kinitang pera tuwing kinsenas. Mas malalaman mo kung paano ang tamang pag-budget. Kung first time mo itong gagawin, pero hindi pa rin umubra, mag-adjust na lang ulit. Magagawa mo pa ring maka-survive hanggang next payday. Tiis lang.


Lahat naman tayo ay kumikita para ibayad sa mga pangangailangan buwan-buwan. Kung kumikita ka naman para sa sarili lamang, tiyakin na weekly ay nakakaipon ka.


Kaya kung may plano tayo sa perang pinaghihirapan sa halip na dalasan ang paggastos sa mamahaling pag-order ng mga pagkain sa mga fancy restaurant at paglalakwatsa sa tuwing sumusuweldo, kalaunan naman ay magagawa mo na ito nang madalas kapag nakumpleto mo na ang iyong mga obligasyon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page