top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | January 24, 2021




Ang paglalaan ng oras kasama ng pamilya lalo na ngayong araw ng Linggo ay nakatutulong upang tumatag ang relasyon habang kapwa nae-enjoy ang mga masasayang sandali ng buong pamilya kahit limitado lamang kayo sa walo para makaiwas sa pandemya. Kung hindi n’yo pa alam kung ano ang nakae-enjoy na bagay na gagawin sa araw ng pamilya na ito, heto ang ilang nakatutuwang family time activities.


  1. Magtakda ng espesipikong oras para sa pamilya, puwedeng ngayong araw ng Linggo. Markahan ang petsa at oras sa kalendaryo at gawin itong prayoridad.

  2. Pagpasyahan kung anong aktibidad ang gustong gawin kasama ng buong pamilya. Puwedeng games, kung iyon ang inyong balak gawin. Isa pang aktibidad ng pamilya ay puwedeng magkakasabay na panonood ng pelikula.

  3. Ang pagbi-videoke ay magandang estilo at nauuso ngayon na pinagkakatuwaan ng buong pamilya.

  4. Dahil mahirap pang maglalabas kahit gustung-gusto ninyo ng sports outing, kahit diyan na lang sa bakuran maglagay ng pingpong table, bilyaran o kaya ay mag-badminton o mag-basketball. Planuhin ang panonood ng NBA at magpustahan o kaya ay sumali sa mga nauuso ngayong virtual fun run. Puwede ring magbisikleta na puwedeng sama-samang gawin ng buong pamilya.

  5. Mag-camping o mag-hiking sa hindi mataong lugar. Ang parehong aktibidad ay hindi mahal at nagkakaroon pa ng matatag na family bonding.

  6. Mag-bake o magluto ng sabay. Ang pagbabahagi ng oras na magkakatulong sa pagluluto sa kusina ay hindi lamang para mapatatag ang pagsasama pero nagtuturo rin ng magandang kakayahan. Magplano ng masarap na tanghalian at meryenda na pagsasaluhan.

Para naman sa mas masayang fun night ng pamilya kung walang oras sa maghapon. Puwede ring magkaroon ng Family Fun Nights lalo na kung Sabado ng gabi o Biyernes ng gabi tuwing weekend. Lahat kayo sa pamilya ay magkakasama at magkakasayahan. Mainam ang maglaro ng scrabble, chess o badminton ang bawat isa. Heto ang ilang tips para maiskedyul ang fun nights ninyo ng pamilya at magkaroon ng weekly variety family activities.


1. Tingnan kung kumpleto ang bawat sa araw ng inyong fun nights. Tandaan, lahat dapat naroon at walang absent.


2. Alamin kung sinu-sino ang dadalo, sabihin na sa bawat isa ang petsa at oras ng fun night. Puwede kayong gumawan ng isang cute at malikhaing imbitasyon para maibigay sa kapamilya na gustong maka-bonding na piling-pili lamang at limitado lamang sa lima hanggang walo.


3. Pumili ng isang maluwag, maaliwalas na walang gaanong ibang tao, maganda at komportableng lugar para sa lahat. Kung may videoke ay mas mainam para mas exciting ang lahat.


4. Ngayon ang pinakamahalagang hakbang, pumili ng aktibidad. Puwedeng board games, pelikula, game of pool, isang video game tournament, mga anak versus magulang, kahit na ang pinakasimpleng game ay maaari nang ma-enjoy.


5. Huwag kalimutan ang meryenda. Maaaring maghanda ng pansit, burger, pizza, popcorn, chips, juice etc.


6. Kapag tapos na kayo sa isang aktibidad, muli kayong magtakda ng petsa para sa isa pa muling family fun night.


7. Magkaroon ng tamang games para sa edad. Nababagot ang teenager sa millionaires games, dahil uso na ngayon ang mobile legends, habang hindi naman mae-enjoy ng paslit ang panonood sa kuya nilang naglalaro ng ML o playstation. Kung sinuman sa pamilya ang gusto ng board games at plano ninyong maglaro, bumuo ng team na gustong laruin ito.


8. Maghanda ng espesyal na pagkain para sa party. Puwedeng fried chicken, pansit, spaghetti, chips, ice cream o cake na mae-enjoy ng lahat.


9. Huwag namang masyadong mahaba ang fun night. Baka sobra kayong mapagod sa susunod na araw.


10. Magsaya nang husto.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | January 23, 2021




Bahagi ng episyenteng pagtatrabaho ay ang pagkakaroon ng matatag na time management. Gayunman sa ilang pagkakataon maraming mga sagabal habang nagtatrabaho, kung marami ang busy sa kanilang ginagawa, mayroon namang napakahaba at bakante ang mga oras sa walong oras na trabaho sa isang araw, ayon ito sa 2007 Gallup Work and Education poll.


Ano nga ba ang top five time-wasting culprits na iyan? Sabi ng Gallup una na riyan ay ang paggamit ng social media, pakikipagtsismisan, pagsasagawa ng personal business, pa-banyo-banyo at pagkakalikot nang kung anu-ano sa mesa.


Sadya namang hindi maiaalis ang mga ganitong bagay. Hindi naman talaga maiiwasan, dahil lahat tayo kailangan din ng mga ganitong bagay. Bahagi na ito ng ating pang-araw-araw na trabaho, kumbaga breaker din iyan.


Pero para maiwasan umano na magkaroon tayo ng mga aksayadong oras bagkus ay magkaroon ng mas maraming responsibilidad sa trabaho at hindi mas maraming sobrang sinasayang sa ganyang walang kuwentang mga bagay, heto ang mga dapat na pakatandaan.


1. ISULAT ANG LONG-TERM GOALS. Ang mga layunin na ito ay dapat nang sundan sa matalinong paraan at maging espesipiko, may tamang sukat ng panahon, angkop, reyalistiko at may limitasyon ang oras. Halimbawa, kung may plano ka ng networking event sa iba pang lugar, maglaan ka ng goal na makapagpadala ng imbitasyon tuwing magtatapos ang linggo. Tiyak na bago matapos ang susunod na linggo ay marami na ang tutugon dito.


2. ISA-ISAHIN ANG GOALS AYON SA PRIORITIES. Bawat araw, dapat mong determinahin kung anong antas ng prayoridad ang nakatakda sa bawat goal. Ang "A" na itatatak ay dapat na siyang high-priority task na kinakailangang matapos nang mabilis, habang ang “B” o “C” ay isasantabi muna at saka aasikasuhin sa susunod na yugto ng mga gagawin. Masusundan mo rin ang estratehiya na ito para sa mas mahihirap na gawain, hati-hatiin sa mas kakayaning piraso na gagawin, tulad ng pagtakda ng pagsulat ng limang pahina muna sa 20-pahina ng iyong report.


3. SUMUMPA NA KAILANGANG TRABAHUHIN KUNG ANUMAN ANG ITINAKDANG ORAS SA BAWAT TRABAHO SA ISANG ARAW. Pagpasyahan na magpopokus ka lang sa trabaho ng mga sandaling iyon, halimbawa sa kalahating oras o isang oras. Sa mga oras na iyan, i-off ang personal email o social media at isara rin ang internet browser. Upang mas episyente ang oras na ito sa iyo, itala na ang mga gagamiting oras sa trabaho sa kalendaryo at huwag nang mag-iskedyul ng anupamang bagay.


4. I-CHECK LANG ANG SOCIAL MEDIA SA TAMANG ORAS. Ang panaka-nakang pagbubukas ng email, chat messenger at iba pang social media account ay napakadaling makapagpa-istorbo sa iyong ginagawa. Upang maiwasan ito, i-set na lang ng dalawa o hanggang tatlong beses sa isang araw kung magtse-check ng email (tulad halimbawa ng alas 11 ng umaga at alas 3 ng hapon lamang). Isipin kung ano ang gagawin sa bawat mensahe na matatanggap- aaksiyunan ba? Ide-delete o ilalagay sa folder at saka na lang muli babalikan para basahin?


5. LINISIN ANG WORKSPACE. Ang hindi na mahalagang bagay sa ibabaw ng mesa habang inaayos ay isa pang pagsasayang ng oras. Ayusing mabuti ang mesa, kahit na malipasan ka ng konti sa tanghalian mo, basta nakaayos at malinis ang mesa at cabinet. Linisin ang keyboard at telepono at i-file ang mga mahahalagang papeles sa tamang folder. Idisplay sa harapan ang mga to-do list, itabi sa computer monitor para lagi mong nakikita at naaalala.


6. MAGING HANDA NA MAGSABI NG ‘NO’. Kung may lumapit sa iyo at mayroon siyang “urgent” request na magiging sagabal sa iyong iskedyul at iba pang trabaho, puwedeng sumagot nang mahinahon na, “Magagawa ko siguro iyan, baka bukas pa, dahil ang dami kong trabaho ngayon, okey lang ba sa iyo?”


7. IWASANG MAKIPAGTSISMISAN. Kung huminto sa mesa mo ang isang katrabaho para kuwentuhan ka, mahinahon mong sabihin sa kanya na mayroon kang deadline na tatapusin at magtakda ka na lang ng ibang oras na makapag-usap kayong dalawa. O kaya ay mag-post ka sa iyong whiteboard sa labas ng cubicle na pakiusapan ang sinuman na mag-iwan na lang ng mensahe kung kailangan, dahil busy ka at marami kang ginagawa.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | January 22, 2021




Mag-iikalawang dose na ang mga unang nabigyan ng COVID-19 vaccines, ito ay ang mga frontline healthcare workers, ayon sa Connecticut Children's healthcare matapos aprubahan ito ng FDA sa U.S.


Pawang mga senior citizens at adults pa lamang ang nababakunahan, paano na ang mga bata, kailan ba sila bibigyan ng bakuna laban sa COVID-19? Ayon kay Juan Salazar, MD, ng Connecticut Children’s Physician-in-Chief ang isang tulad ng bakunang Moderna na aaprubahan bandang spring season 2021 at magiging available sa buong pamilya ito. Pero bibilang pa ng mga ilang buwan bago puwedeng mabakunahan ang mga bata simula 16-anyos pababa.


Sa ngayon ang mga bakunang tulad ng mga gawa sa U.S. ay unti-unti na ring nagsisikap na makapag-manufacture ng mga COVID-19 vaccine ayon na rin sa pasya ng gobyerno kung sino ang higit na unang nangangailangan na mabigyan nito.


Inuuna muna ang healthcare workers na mas madaling mahawa ng sakit, mga nasa nursing homes at iba pang long-term care facilities. Susundan ang pagbigay ng doses sa mga indibidwal na may malalang sakit at delikadong mahawahan ng COVID-10, tulad ng matatanda at adults na may mga medical conditions, maging ang mga workers na delikado ring magkasakit sa trabaho. Pagkaraan nila, ang bakuna ay puwede nang maging available sa mga batang edad 16 pababa.


Ang tulad ng Moderna vaccine ay awtorisado para sa edad 18 pataas. Nagsimula na rin silang mag-clinical trials para sa mas bata pa. Ang mga young adults at mga bata ay hindi tipikal na delikadong tamaan ng malalang sakit dulot ng COVID-19. Kaya ang mga teens na nasa sapat nang gulang ang final group na bibigyan ng vaccine.


Maliban lang sa mga edad 16 pataas na may high-risk health conditions, sila ang may tsansang maunang bigyan ng vaccine maging ang 16 pataas na nagtatrabaho na.


Sa mga sanggol hanggang 15 anyos, kung papalarin, isang pediatric vaccine ang magiging available sa huling bahagi ng 2021. Ang dahilan kung bakit hindi magkasabay ang vaccine ng bata sa matatanda ay dahil iba ang immune system ng mga bata sa matatanda, at ang immune responses ng sanggol at teens ay kaiba sa mga may edad na. Kaya ang mga research na isinagawa para sa COVID-19 vaccine para sa mga edad 16 pataas ay dapat ulitin sa mga musmos pa.


Ang Moderna ay nagsimula na sa vaccine trials sa mga batang wala pang edad 12. Kapag nagtagumpay, ang datos ay rerebyuhin pa ng FDA, kasunod ng produksiyon at distribusyon. Maghihintay pa talaga tayo ng vaccine para sa mga bata na siyang pinakahuli sa pagsusuri.


Ang karaniwang side effects ng vaccine para sa ibang tao ay mild matapos ang ikalawang dose tulad ng pamamaga ng braso, giniginaw, sinisinat, fatigue o sakit ng ulo sa loob ng 24 na oras. Normal lang daw na bahagi ng immune system response ito ng katawan na parang nagpa-flu shot din.


Ang tanong kung mawawalang bisa na ito sa katawan matapos ang isang taon, ayon kay Dr. Salazar, hindi pa available ang impormasyon.


Sa tanong na kung may COVID-19 vaccine ka na, puwede ka rin bang makahawa ng virus sa iba? Hindi pa ito batid ng mga siyentipiko, sa ngayon, mahalaga na ipagpatuloy pa rin ang pagsusuot ng facemask, ugaliin ang dumistansiya sa iba, dalasan ang paghuhugas ng kamay at huwag nang lalabas ng bahay kung masama ang pakiramdam.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page