top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | January 30, 2021




Sa rami ng nagbebenta ng sasakyan ngayon, at bagsak ang presyo ay maging maingat tayo sa pagbili. Hindi lahat ng nakaw na sasakyan ay binabatak o dinala sa mga chop-chop shops para pagpira-pirasuhin.


Marami nang mga paraan ngayon ang mga magnanakaw o carnapper kung paanong muling maibebenta ang ninakaw at mailathala sa mga buy and sell papers o kaya online para maibenta ang iyong ninakaw na sasakyan.


Pero kung ikaw naman ang minamalas na buyer at na-track down ang naturang nakaw na sasakyan, yari ka. Heto ang mga tips para maiwasan mong makabili ng nakaw na behikulo.

1. Tanungin muna ang sarili kung bakit ang naturang sasakyan ay tila yata napakaganda ng presyo para sa iyo. Binatak ba ito o nadale ng mga pagbaha? Tampered ba ang mga piyesa nito? Baka kaya nakaw ito?...Hmmmm…


2. Suriing mabuti ang pangalan ng nagbebenta at address at ikumpara sa impormasyon ng kanyang papeles at registration.


3. I-verify ding mabuti kung sino ang bumili ng sasakyan at sino ang nagpa-insure nito at kanino nakapangalan.


4. Eksaminin ang VIN o vehicle identification number o plate number ng behikulo, maging ang talagang plate number nito. Tingnan din ang numero ng chassis. Ang chassis number ay nasa dakong ilalim lamang ng upuan o tagiliran ng drivers seat na malapit sa windshield at maari namang makita sa dakong labas ang VIN number. Ang mga gasgas, maluluwag na parte ng sasakyan ay indikasyon na tampered ito. Magnifying glass ang makatutulong para masilip ang mga nakadududang parte na binago at tinampered.


5. Tiyakin na ang VIN o vehicle identification number, chassis number at plate number ay match sa number sa nakasaad sa titulo.


6. Pagsuspetsahan na rin kaagad ang anumang sariwang pintura. Habang ang ibang lehitimong sellers ay pinapipinta ito para magmukhang bago, ang pagkakabago na rin ng pintura ay maaring may itinatagong hindi tamang parte o orihinal na kulay ng isang naiulat na ninakaw na behikulo.


7. Kumuha ng kopya ng titulo sa LTO at hingin ang kopya ng title history ng sasakyan. (Hanapin din ang insurance nito at kung hindi mailabas, magduda ka na)


8. Tandaan: Kung wala ka namang duda at pinaghihinalaan ayon na rin sa mga batayan mo sa itaas bago bilhin ang isang ibinebenta sa’yong sasakyan, ayos lang.


9. Kung makabibili ka ng nakaw na sasakyan, tiyak na parang ninakawan ka na rin ng pera at kapag na-track down ito ng pulisya, tiyak na dobleng bayarin at makakasuhan ka pa ng mga awtoridad sa naturang pagbili ng nakaw na sasakyan.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | January 29, 2021




At dahil weekend days na, kung dati marami ang nagpupunta sa malalayong lugar, partikular na sa ibang bansa at kung marami ang naghangad na makapamasyal sa mga pinili nilang lugar. Ngayong pandemic hanggang order online na lang muna. Kung noon, darayo ka pa sa malayong lugar para ang gagawin lang ay kumain, matulog, kasabay ng todong pagpapahinga o kaya ay papasyal kung nababagot naman. At throwback na lang muna sa isipan na kaya ka sa nariyan sa naturang bansa na pinuntahan at bumisita ay hindi lang para makapagbakasyon kundi dayuhin ang mga pagkain na gustong matikman lalo na kung kakaiba sa kanilang panlasa. Nakaka-miss di ba?


Hindi naman masama na tumikim ng mga pagkaing imported basta’t alam mong makabubuti sa iyong kalusugan at ligtas na kainin bukod sa mga eksotikong uri ng pagkain. Pero ngayon, wala namang problema, orderin na lang yan online.


Anuman umano ang paboritong kainin ng nagke-crave na gaya mo tulad ng halimbawa ay sushi, rigatoni, pizza italianna etc, Chinese foods, Korean ay may repleksiyon umano ito sa ugali ng naturang tao. “Eating foreign food is an adventure,” anang sikologo na si David Eigen, Ph.D., (David Eigen.com). “At indikasyon ito ng isang bagay na kung paano mo yayakapin ang pagbabago at kung paano nakikita ang sarili habang kunwari nasa iba kang lugar.”


Hanapin lang ang mga pagkaing iyong ikinatatakam at malalaman mo ang iyong tunay na ugali.


1. KUNG PABORITO MONG UMORDER NG JAPANESE FOOD: Ikaw ay tinatawag na chic tastemaker! “Masasabi umanong ang pagkain ng mga Hapones ay napaka-“linis” na menu,” obserbasyon ni Eigen. “Hindi lang sa masustansiya ito, nagsisilbi rin itong may depenido at nakikitaan ng kakaibang karisma ng ugali ang isang palakain nito.” Feminine at malikhain, taglay mo ang pagka-demure, parang artistikong sushi ang iyong mga kilos, maingat. At ang iyong kakaibang taste na rin iyan ay nakikita sa kawalan mo nang hilig sa materyalismo o luho. Para sa iyo ito’y ang pagpili ng maingat, maging sa pilosopiya ng iyong mga gagawin at pangarap.


2. KAPAG NATATAKAM LAGI SA CHINESE FOOD: Ikaw ay nababaliw sa kompleksitong bagay! Ang mga Chinese food ay puno ng iba’t ibang lasa at kung minsan ang sweet-and-sour complexity nito ang nagpapainit sa iyo na dahil puno ka ng mga nagtatalong loob. Sensitibo ka at romantiko kung minsan, namumuno at nakakonsentra sa susunod na gagawin. Sa una ay mahirap ka pang kaibiganin pero dahil sa nakaiintriga ang iyong ugali ay higit kang gustong makilala ng mga kaibigan.


3. NAGLALAWAY SA PAGKAING ITALYANO: Ikaw ay may natatagong talino. Ang mga Italian foods ay isang uri ng pang-komportang pagkain, ang perpektong pagbibigay nito ng kakuntentuhan sa pagsasama-sama ng mga nagmamahal sa bawat isa at may gustong magkaroon ng mahabang kuwentuhan. Palasalamuha at makarisma, gusto mong ang pagkaing iyong ihahanda ay may kasamang kuwentuhan. At habang nae-enjoy mo na eksperimento ng iyong menu, mas komportable ka na magbalik sa iyong paborito, ang iba pang pagkaing pasta.


4. MAANGHANG NA INDIAN FOOD: Ikaw ay mas gustong nahaharap sa makapigil-hiningang adventure. “Isang sumatutal na kakaibang karanasan” iyan ang tawag ni Eigen sa pagsargo ng anghang, kulay at malakas na amoy ng mga pagkain ng Indian. Sobrang maimbento ka, mapaghanap ng mga mapanubok na bagay maging ang ma-challenge ang iyong panlasa. Hindi umuubra sa iyo ang mga nakai-stress na sitwasyon dahil kayang-kaya mo itong harapin.


5.PAGKAING PRANSES KUNG ITO ANG GUSTO MO. Ugaling pagiging sopistikado ka. Dahil sa rich creams at sauces, “Ang French food na rin ay puno ng delicate flavors na naa-appreciate ng iyong sensitibong dila,” obserbasyon ni Eigen, na nagsabi na kumpiyansa ka sa mga sopistikadong bagay. Gaya ng hindi mo pagtanggi na masilbihan ng pagkaing Pranses kahit na makapilipit-dila ang lasa nito, hindi ka natatakot na akyatin ang hagdan ng tagumpay, kundi habang tinitikman mo ang lasang makaluwa dila ay higit mong nilalasap ang tagumpay na talaga namang challenging tungo sa mas mataas pang ambisyon.


6. ANG MEXICAN FOOD: Ikaw ay mapaghanap ng mga bagay na magkakaiba. Sa taglay na Mayan, Aztec at impluwensiya ng Kastila, kakaibang lasa ang hatid sa dila ng Mexican food, ani Eigen. Nariyang maghalo ang fried burrito, kanin at beans, pagkatapos ay gawing sawsawan ang pinalapot na abokado, ang hirap isipin kung paano matatanggap ang lasa nito sa iba. Pero para sa iyo, nariyan sa kakaibang hitsura sa isang plato ang siyang nagbibigay sa iyo ng mga matinding konsentrasyon para mas lumawig pa ang iyong malikhaing isipan. Diyan sa pagkain ng Mehikano mo nakukuha ang likot ng iyong isipan sa anumang paglikha ng mga makabuluhang bagay tulad ng mga tula, nobela o maging ng pagpipinta.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | January 28, 2021




Oo, habang iniiwasan mo ang aktibidad ng pagbabasa, may pagkakataon na kailangan mo pa ring isubsob ang iyong ulo sa libro at talagang mapapasabak ka sa ganitong gawain lalo na habang nag-aaral.


May malaking epekto rin kasi sa iyong marka sa klase kung nagiging mabagal ka sa iyong pagbabasa. Gayunman, mapahuhusay mo ang iyong reading speed.


Kailangan lang ng ibayong praktis, ibahin ang approach sa pagbabasa at sanayin ang sarili sa paraan ng pag-aaral na magpapabilis sa iyong diskarte at unawa habang nagbabasa.


1. Alisin ang lahat ng istorbo. Ang susi sa pagbabasa ng mabilis ay ang pagkonsentra sa iyong atensiyon para sa kasalukuyang ginagawa. I-off ang cellphone ringer, huwag makinig ng radyo, i-off din ang TV, huwag nang mag-Facebook, iwasan ang twitter, social media etc. Ang lahat ng mga bagay na ito ang sisira ng iyong konsentrasyon sa pagbabasa.


2. Umupo sa isang komportableng silya na may mainam na sandalan. Tiyakin na sapat ang iyong ilaw o liwanag para makapagbasa nang hindi mananakit ang mga mata. Ang pag-aaninag at pananakit ng iyong mga mata ang makasisira ng iyong pokus. Mahahati rin ang iyong atensiyon kapag may mga unang nabanggit na istorbo sa paligid.


3. Unawain munang mabuti ang titulo ng bawat chapter bago magsimulang basahin ang mga teksto. Ito ang magbibigay sa iyong utak muna ng ilang ideya kung ano ang inaasahan sa pagbasa ng mga susunod pang teksto. Ito na rin ang iibayo sa iyong bilis ng pagbabasa at unawa sa kabuuan ng materyal.


4. Unawain ding mabuti ang headings at subheadings, makatutulong ang mga bagay na ito at istruktura para mas mabilis kang makaunawa. Mas mainam na unawaing mabuti ang lahat ng introduction at conclusion ng binabasa bago magtungo sa pangunahing artikulo.


5. Ang pagbabasa ng mabilis ay kailangan ng praktis, dahil ang ilang teksto ay mahirap na unawain. Gayunman, ang textbooks ay napakadaling unawain. Makukuha agad ang impormasyon sa pagbabasa muna sa first at last sentence ng bawat paragraph. Ang bold at highlighted na termino maging ang section summary ang magbibigay ng ideya para maunawaan ang binabasa. Ang textbooks ay nagbibigay ng sapat na impormasyon sa mas nauunawaang paraan.


6. Gumamit ng card o ruler para i-underline ang teksto na nabasa. Habang nakatakip ang ibang teksto, higit kang makakakonsentra sa mga nadaanang salita. Habang umuusad ng basa, isabay na rin ang card o ruler na pababa sa pahina. Kaya pokus na rin dito ang iyong mga mata at utak. Ito na rin ang iibayo ng iyong pang-unawa at maging ang iyong bilis sa pagbabasa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page