ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | February 17, 2021

Naiinis ka na ba at nadidismaya kapag nakagagawa si labs ng isang bagay na hindi mo gusto? Sobra ka bang nagdaramdam sa tuwing nakagagawa siya ng mga bagay na hindi mo nagugustuhan? Madalas mo bang isipin kung paano siya masasawata sa ganyang gawain at tuluyan nang magbago?
Kapag naniniwala ka sa iyong sarili na kaya mo siyang baguhin higit na lulubha ang isyu sa relasyon. Pero kung plano mo na at gagawin mong misyon sa buhay ang baguhin siya, maging handa sa maraming mahihirap na sitwasyon sa susunod na mga araw.
Lakipan mo lang ng maigting na panalangin at ilapit mo siya sa Diyos.
Garantisado ayon na rin sa mga eksperto na hindi iyan magbabago kahit ano pang pagsisikap mong gawin na baguhin siya. Iyan ay dahil ayaw na ayaw ng lalaki na inaayos o binabago siya, maging ang sinasabihan siya kung ano ang dapat niyang gawin. Ang totoo! Kung sisikapin mong baguhin siya, isa lang itong malaking paghamon at siguraduhin mong na hindi ka susuko sa iyong misyon.
Sa madaling salita, kung sisikapin mong baguhin siya, higit na gagawa pa iyan ng mga bagay na ikaaasar mo na ipakikita pa sa’yo na hindi mo siya makokontrol at hindi siya magbabago dahil sa gusto mo.
Ang pinaka-pundasyon ika nga ng magandang relasyon ay kung tatanggapin mo ang iyong partner sinuman at anuman siya. Kung hindi mo siya matatanggap at lagi mong gusto na pabaguhin siya sa anupamang paraan ay mas lalo ka lang masasaktan.
Baligtarin natin, sige nga ikaw ang lumagay sa katayuan niya at gusto ka niyang baguhin? Ano ang iyong mararamdaman kung iminumungkahi niya na kailangan mong magbago sa isang bahagi ng iyong buhay at sa iyong personalidad? Pasasalamatan ba siya at natuwa ka dahil sa advice niya at agad ka bang gagawa ng aksiyon para magbago? Pero kung tulad ka rin ng maraming babae, siguradong hindi.
Tiyak din ang tsansa na mao-offend ka dahil sa ginagawa niyang pagkontrol sa iyo at tiyak na hindi ka makikinig sa kanya. Kaya huwag ka nang magtaka kung ang parehong bagay na iyan ay mangyayari sa kanya at iyan ang rason kung bakit hindi ganu’n kadali na ayusin siya.
Pero paano mo ba magagawa kung talagang gusto mo siyang magbago? Well, may dalawa kang pagpipilian: Tanggapin siya kung anuman o sinuman siya at ihinto nang pilitin na baguhin siya. O kaya naman ay pakawalan na siya at humanap ng compatible partner na matatanggap mo.
Dahil ang totoo, na habang pinipilit mo na baguhin si labs, mas lalo ka lang madidismaya sa relasyon at mas mahirap sa katagalan ng inyong pagsasama. At sa totoo lang, kung ramdam mo pa ring ang hirap ng loob na pabaguhin siya dahil sa tinagal-tagal ng panahon ay ganoon pa rin siya, nagsasayang ka na ng pasensiya. Hindi mo trabaho ang baguhin siya at kung hindi mo siya matatanggap, tiyak na nasa piling ka na nga ng maling tao.






