top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | April 06, 2021




Balik na naman ang sobrang init ng panahon. Tumitindi ang sikat ng araw. Noong nakaraang buwan lang ay ramdam ang lamig mula sa mga nagyeyelong Russia at China. Hanging amihan ang nasasagap ng Pilipinas na todo ang lamig na ating nararanasan.


Ahhh…summer na nga talaga! Doble gamit na rin ang lahat ng kuryente lalo na ng electric fan at aircondition unit. Sa pagpasok pa lang sa buwan ng Marso ay isa na itong itinuturing na Fire Prevention Month, kaya dapat na tayong magsipag-ingat para hindi masunugan dulot ng matinding init ng panahon. Napansin na natin nitong nakaraang mga Linggo ay marami na ang nasusunugan. Huwag na nating hintayin pa na tayo ang susunod na mabibiktima ng sunog.


Ika nga sa Fire prevention campaigns na pinalalabas ng gobyerno. Nagkalat naman ang impormasyon na pangkaraniwang nakasaad sa mga posters at fliers sa mga pampublikong lugar at paanunsiyo maging sa mga radyo at telebisyon. Heto para mai-clippings ninyo at maipaskel sa isang sulok ng inyong bahay para mabasa ng mga kasambahay at nang maiwasan ang sunog anuman ang mangyari.


1. MAG-INGAT SA MGA SUMISIKLAB NA MGA BAGAY.

a. Ang posporo, sumisiklab na likido, lighters at iba pang nasusunog na bagay. Ang mga ito ay dapat na nakatagong mabuti o nakatabi sa isang lugar ng bahay na hindi mainit o hindi magiging sanhi para lumiyab. Ilayo sa maiinit na parte ng bahay, gasolina at oxygen. Ilayo rin ang mga ito sa maabot ng mga bata at mging ng mga alagang hayop na malilikot. Kapag blackout o walang kuryente sa lugar, tiyaking huwag iiwanang nakasindi ang kandila at maging ang nakasinding katol. Huwag ilagay ang mga ito sa tabi ng tela, kurtina, papel o mga karton.


Tuwing buwan ng tag-init, ang biglaang pagsiklab ay bunga na rin ng biglaang pagtaas ng temperatura ng gas at iba pang flammable liquids. Kaya paalala lang na huwag na huwag itatapon ang mga may sindi pang sigarilyo sa mga tuyong dahon, basura at ilang piraso ng tissue o mga bungkos ng papel upang hindi magkaroon ng biglaang pagsiklab ng apoy at madaling magkalat sa lahat ng mga tuyong bahagi nito.


2.REGULAR NA TSEKIN AT PANATILIHING MALAMIG ANG ELECTRIC COMPONENTS.

a. Ang mga faulty wiring systems ay isA sa pangunahing dahilan ng sunog sa mga kabahayan, opisina at mga business establishments. Ang mga illegal na electric connections ay maaring maging dahilan ng pag-overload sa paggamit ng kuryente, maging ang mga nabalatang wiring ay maaring maging dahilan ng short circuits ( dito biglaang sumisiklab ang mga wiring ng kuryente), at maging ang hindi tamang maintenance ng sirang mga kurdon ng kuryente. Bukod sa nakikitang electrical na problema sa mga outlets at kurdon, delikado rin sa sunog ang mga electrical components na hindi nakikita. Napakahalaga na magsagawa ng tamang maintenance ng pag-iinstala ng kuryente sa regular na paraan.

B. Ialis sa plug ang appliances tuwing matapos gamitin. Kung may sirang wiring o electrical fixtures na kailangang baguhin o ikumpuni, tumawag kaagad ng lisensiyadong electrician. C. Marami kasi sa magkakapitbahay ang nagagawa pang kumuha ng mga hindi lisensiyadong electricians para magpakabit ng ilegal na kuryente. Ano iyan, para makatipid? Pero ang hindi nila alam, hindi ito mainam para makatipid, sa halip peligroso pang pagmulan ng sunog dahil sa overloading ng kuryente.


Iyang ganyang problema ang karaniwang nagiging malaking dahilan ng malalaking klase ng sunog na nagaganap dito sa Kamaynilaan.


2. MAGPLANO NG FIRE DRILLS O PRE-FIRE PLANS.

a. Ang edukasyon sa kaligtasan ng sunog at maiwasan ang sakuna ng sunog ay ang pangunahing paraan upang maiwasan ang sunog at iba pang insidente. Ang pagsunod sa mga fire prevention tips ay katumbas ng napakahalagang pre-fire plans at maging alisto habang tinutupad ang life-saving tips sakaling may sunog.


b.Marahil naman lahat tayo ay may mga contact number ng fire departments at dapat na tandaan at isulat ng malaki sa mga pintuan ng ref upang mabasa ng mga bata at matandaan nila. I-save din ito sa bawat contact numbers sa cellphones ng pamilya. Ang mga opisina at business establishments ay may mga kopya rin ng phone numbers ng mga bumbero at pulisya. c. Mag-instala rin ng fire extinguisher at pag-aralan na gumamit nito at ilagay din ito sa mas madaling maabot. Lahat ng malalawak na sulok ng gusali ay kailangan ng fire extinguisher.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | April 05, 2021



Namatay si Hesus noong Araw ng Biyernes, dala lahat ng ating mga kasalanan. Pagdako ng Sabado, inilibing na Niya ang ating mga kasalanan kasama Niya sa Kanyang puntod, hindi man lang pinaghukay ng maganda o maayos na paglilibingan.


Pagkaraan ay isinaad sa atin ng Bibliya na nagtungo si Hesus sa Hades. Marami ang naghihintay sa Kanya roon.


Marahil ay sinabi sa kanila ni Hesus na, “Huwag kayong mag-aalala hindi pa huli ang lahat.” Pinalaya Niya ang mga agam-agam habang hawak Niya sa kanyang kamay ang “susi ng kamatayan.” Alam Niya sa kanyang isipan na, “HINDI AKO MANANATILING PATAY.”


Pagdako ng Kinalingguhan ay bumangon Siya mula sa Kanyang libingan. NABUHAY. Hindi naapektuhan ng kamatayan si Hesus. Baligtad ang nangyari, nilunok lang niya si Kamatayan. “Saan, ang kamatayan ay ang inyong tagumpay? Saan, ang kamatayan ang siyang kakagat sa inyo?”

Oo, sa pananampalataya sa kanya, ang mga bagay ay hindi dapat na manatiling patay sa ating puso magpakailanman. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya, kayang bihagin ni Hesus ang ating puso sa kanyang buhay. Diyan ay kung paano niya paikutin ang mundo sa pamamagitan ng kanyang buhay: iisang tibok ng puso sa isang pagkakataon. Ang mga bagay sa mundong ito ay hindi dapat na manatiling patay magpakailanman.

Kaya naman binigyang konklusyon ni Pablo ang bahagi na ito sa pagkabuhay sa pagsasabing “Manatiling matatag, walang kahit anong bagay na magpapatinag sa iyo. Palagiang bigyan ng pagkakataon ang sarili na lumapit sa Panginoon, dahil alam mo na kapag iyong ibinigay sa Panginoon ang iyong mga paghihirap at sakripisyo ay pagagaanin niya ito.”


Aniya, na dahil ang “anumang pagpapakasakit” na ating nararanasan ay gagaan kapag isinapuso natin ang Panginoon. At kapag lumakad tayo sa kautusan ng Panginoon ay mamamatay lahat ng paghihirap ng ating loob at isipan.


Isang gawain kumbaga ng pagpapalit mo mula sa mortalidad hanggang sa pinakaimposibleng nagagawa ng isang immortal, iyan dapat ang magsimula sa iyo at maging sa iba pang tao.

Kaya gigising tayo ngayong umaga ng Lunes: lahat ng bagay ay ayos na, wala nang problema. May kinakaharap man na pandemya ng COVID-19, salamat at ligtas ka pa rin. Babangon tayo sa Martes ng umaga, kung may sasalubong man na problema, masasakit na salitang ating matatanggap, nakapipikon na mga pananalita ng ibang tao, wala man tayong pera, huwag mong isipin iyan. Ilibing mo kaagad sa limot.


Ang mga bagay ay hindi dapat na manatiling patay. Subukan mo lang gawin ang mga iyan.

Pigurahin mo, “Ang ating immortal na Diyos ay binalot ang ating katawang lupa ng kanyang mga palad na para tayong mga bagong silang na sanggol, kaya bakit hindi natin balutin ang ating espiritwal ng imortalidad o iyong may magagawa tayong mga imposible?


Ilibing natin ang ating mga damdamin at sarili sa Kanya, tulad ng kanyang ginawa. “Buksan mo iyong puso, pakiramdaman ito at iiyak mo at ihandog ito sa kanya, iyan ang kahulugan na mailagay mo ang iyong pananampalataya kay Hesus.


Kukunin Niya ang iyong puso at aangkinin niya ito. Sa ibang salita, lulunukin niya ang kamatayan, ibig sabihin nito ay ililigtas ka Niya. Nasa loob na ito ng kanyang katawan, muli mong mararamdaman ang bagong tibok ng iyong puso, sa oras na ito, matatag at malakas, iyan ang ibig sabihin na may bago ka nang buhay sa harapan niya. Ang mangyayari, isa ka nang bagong silang na sanggol na may bagong araw na naghihintay sa iyo, ang buong bagong buhay ay nag-aabang sa iyo. Sapagkat nasa puso ka na niya.


Mainit, mapagmahal, nagbibigay ng kaginhawahan: Ang kanyang balat ang magsisilbing kumot mo. Nakahimlay ka sa Kanya. At saka mo mapag-iisip na, “Malakas na ako para harapin ang susunod na mga araw, hindi ako patay. Mga bagay na hindi mananatiling patay. Kaya kong mabuhay.” Iyan ang kapangyarihan ng pagkabuhay.


Iyan mga kaibigan, ang tinatawag na Resurrection Power o kapangyariahn ng muling pagkabuhay.

Naway’ ang ating panalangin lagi ay: Panginoon, simulan mo at kumpletuhin ang resurrection work sa puso ko. Ayokong manatiling patay kahit kailan.”


Pagninilay: Magkaroon ng oras na magnilay bunga ng mga pagkadismaya at kalungkutan na naghahari sa iyong puso.


Magkaroon ng oras, na isiping may pag-asa pa sa susunod na mga araw dahil sa buhay na muli ang aking puso dahil sa Nabuhay na Tagapagligtas.


Ang panghuli, magdasal sa kanya, idalangin sa Kanya na punuin ang iyong puso ng kanyang buhay at manampalataya na gagawin niya ito kapag ikaw ay nanampalataya.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | March 31, 2021



Napakahalaga ng mga salita o huling salita ng isang taong malapit nang pumanaw. Kadalasan, nagbibigay ito ng paalala at mga ipinagbibilin na pinaglalaanan natin ng panahon para ito ay gawin.


Ilang libong taon na ang nakararaan, bago mamatay ang ating Panginoong Hesu-Kristo sa krus ng kalbaryo na naging dahilan ng katubusan ng lahat ng ating mga kasalanan, nag-iwan Siya ng mga salitang patuloy nating inaalaala.


Ang pitong huling wika ng Panginoong Hesu-Kristo ang nagbibigay sa atin ng kalakasan sa mga hamon sa buhay at sandigan sa ating patuloy na lakbayin dito sa lupa.


1. “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa. Unang katagang nabanggit ng Panginoong Hesus sa panahong nakapako na Siya sa krus. May himig ito ng pagpapatawad sa kabila ng mga kamaliang ginawa sa Kanya, inihingi Niya na patawarin ng Diyos Ama ang mga kasalanan ng tao, hindi lamang noon kundi maging ang kasalukuyan at panghinaharap na kasalanan ng lahat ng tao.

2. “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon din ay isasama kita sa Paraiso.” Ang ikalawang winika ng Panginoong Hesus ay may himig ng kaligtasan. Sa panahong tinanggap ng isang tao na siya ay naging makasalanan kasabay ng paghingi ng kapatawaran ay pangako Niyang may katiyakan ng buhay sa kalangitan sa pagtawid natin sa kabilang buhay.

3. “Babae, narito, ang iyong anak! Narito, ang iyong ina! Ang ikatlong salitang namutawi sa bibig ng Panginoong Hesus ay himig ng relasyon o ugnayan. Ang pagmamalasakit Niya sa Kanyang ina na at inihabilin ito sa Kanyang alagad. Sa panahong malapit sa Siyang pumanaw ay pagbibigay Niya ng tungkulin sa maiiwan upang alagaan ang inang Kanyang minamahal.

4. “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?” Ang ikaapat na katagang nasambit ng Panginoong Hesus ay himig ng labis na paghihirap at pagdurusa. Sa panahong nakabitin ang Kanyang katawan sa krus na puno ng mga latay, sugat at bugbog na hindi na makikilala bilang tao ang tanging nausal ay humingi ng awa sa Diyos Ama subalit tila hindi pinakinggan.

5. “Nauuhaw ako.” Ang ikalimang winika ng Panginoong Hesus, katulad ng ikaapat na sa matinding sakit na Kanyang naramdaman ay humingi ng maiinom upang matugunan ng kahit kaunti man lamang ang hirap na nararanasan.

6. “Naganap na.” Ang ikaanim na salitang nausal ng Panginoong Hesus ay himig ng pagtatagumpay. Ang pagdating Niya sa sangkatauhan at pagkamatay sa krus ay pagpapatunay na nagawa, naganap at natapos na Niya ang nag-iisang misyon ang iligtas ang sangkatauhan.


7. “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.” Ang huli at ikapitong kataga ng Panginoong Hesus ay himig ng pagtitiwala sa Diyos Ama. Ibinibigay Niya ang Kanyang espiritu sa panahong malalagutan na Siya ng hininga at ipinaubaya na Niya ang lahat sa Ama.


Ang pagkamatay ng Panginoong Hesus at kabuuan ng Kanyang pitong huling salita ay kahulugan ng malalim at labis na pag-ibig Niya sa atin. Ito ang magpapaalala sa lahat na sa anumang hamon ng ating buhay laging may patuloy na magmamahal sa atin, ‘yan ang Panginoong Hesu-Kristo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page