ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 11, 2023
Dear Maestro,
May asawa ako, at hanggang ngayon ay kapos at bagsak pa rin ang aming pamumuhay. Mahina rin kasi ang aming loob. Nais kong malaman kung aasenso pa kaya kami kahit na napanghihinaan kami ng loob?
March 11, 1991 ang birthday ko habang August 29, 1989 naman ang mister ko.
Umaasa,
Kim ng Talaba, Bacoor, Cavite
Dear Kim,
Hindi laging palakasan ng loob ang pormula upang umasenso. Ang tunay na pormula ay ang pag-iipon at pagsisinop.Walang kuwenta ang iyong lakas ng loob kung mayabang ka. Gugustuhin ko pa iyong taong mahina ang loob na matipid at masinop sa buhay, kaysa sa malakas ang loob ngunit palpak at pagtatapon lamang ng pera ang inaatupag. Tandaan mo, wala sa lakas ng loob ang pagyaman, nasa diskarte ‘yan kung paano mo titipirin ang iyong kinikita.
Ang pangalawang pormula upang umasenso ay ang mangarap ka ng mas malaki. Kung gusto mong magnegosyo, dapat alam mo kung gaano kalaking negosyo ang iyong nais.
Kaya ‘yung iba ay ‘di umaasenso, dahil ang laging sinasabi bago ikasal ay, “Ako ang gusto ko ‘yung simpleng buhay lang, ‘yun bang ‘di masyadong mayaman” Kaya noong nagkapamilya na naging simple nga ang buhay at hindi na yumaman.
Kung nais mong yumaman, alisin mo sa iyong isip ang salitang “simple lang” dahil kapag laging ganito ang iyong iniisip, hindi ka talaga yayaman - walang gaanong ipon, walang latest model na sasakyan, at walang savings, dahil simple lang ang pinangarap sa buhay, kaya’t naging simple tuloy ang iyong kabuhayan.
Sabi nga upang umunlad at yumaman “think big” at pagkatapos mong mag-isip ng mas malaki, pilitin mo itong maisakatuparan. Sa ganitong paraan, hindi ka lang uunlad, may suwerte pang mapapasaiyo hanggang sa tuluyan kang yumaman.
Ayon sa Decadens ng kapalaran, Kim, sa sandaling sinunod niyo ang simpleng rekomendasyong inilahad sa itaas, sa taong 2034, sa edad mong 43 pataas at 45 naman ang iyong mister, sa nasabing panahon, kahit sabihin pang mahina ang inyong loob, uunlad ang kabuhayan niyo hanggang sa tuluyan kayong yumaman.