ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | July 18, 2023
Dear Maestro,
Ako ay 26-anyos na at malapit na sanang ikasal. Ang problema ay nagkaroon ako ng ka-chat at nadevelop kami sa isa't isa. Alam kong may asawa na siya at alam niyang may boyfriend ako.
Kaya parang isang biro ng tadhana nang mapagkasunduan naming magkita at may nangyari sa amin.
Hindi alam ng boyfriend ko ito. Ang problema ay nagu-guilty ako, dahil patuloy pa rin ang aming relasyon pero palihim nga lang.
Maestro, natatakot ako at naguguluhan kung sino ba sa dalawang lalaking ito ang mapapangasawa at makakasama ko habambuhay. Sa susunod na taong 2024 ang nakatakdang kasal namin ng boyfriend ko.
Kung siya na, dapat ko pa bang sabihin sa kanya ang tungkol sa lalaking ka-chat ko?
At ano ba ang mangyayari sa magulong love life na hindi ko naman sinasadyang pasukin? Sa ngayon kasi ramdam kong parang pareho ko na silang mahal. Ang birthday ko ay October 10, 1997.
Umaasa,
Aira ng San Antonio, Los Baños, Laguna
Dear Aira,
Sa madaling salita nagtaksil ka sa boyfriend mo, at maaari rin nating sabihing hindi pa man kayo mag-asawa ay niloloko mo na siya. Dahil dito, para bagang hindi ka karapat-dapat sa boyfriend mo, upang kanyang mapangasawa higit lalo kung naging mabuti at naging tapat naman sa iyo ang boyfriend mo.
Samantala, ayon sa birth date mong 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1) ang unang-una mong dapat gawin kung mahal mo talaga ang boyfriend mo, ay putulin mo na ang pakikipag-chat at pakikipagrelasyon sa isang lalaking may asawa na, nakilala mo lang naman sa pamamagitan ng social media. Kapag nagawa mo yan - iniwasan o naiwasan mo na ang naging dahilan ng iyong pagkakasala, makikita mong maiibsan ang iyong problema.
Tanungin mo ang iyong sarili: "Mahal ko ba ang boyfriend ko o hindi?" Kung sinasabi ng puso mo na mahal mo siya, walang takot, walang pagdadalawang isip na putulin mo na ng tuluyan ang ugnayan n'yo.
Ngayon kung ang isasagot ng puso mo ay "Hindi mo mahal ang boyfriend mo o hindi mo alam kung mahal mo pa siya o hindi na!" at “ang higit mong mahal ay 'yung lalaking may asawa na!”
– 'Yan naman ang tinatawag na, gaga ka at may malaki ka talagang problema.
Kaya tulad ng nasabi na, putulin mo na ang relasyon n'yo noong lalaking may asawa na kahit na sabihin pa ng puso mo na mahal mo na siya.
Sapakat minsan pa, kahit mahal natin ang isang tao at alam naman nating magiging masakit ang resulta kapag nilimot na natin ang lalaki o babaeng minahal natin, ito ay dapat pa rin natin gawin, alang-alang sa isang mas marangal at mas dalisay na pag-ibig.
Kaya ngayon, dapat ka nang kumilos bago pa mahuli ang lahat. Tigilan mo na ang pakikipagkaibigan sa lalaking may asawa na upang huwag magulo ang buhay mo. I-block mo na siya sa social media account mo, at gumawa ka na rin ng bagong account upang mas madali mo siyang makalimutan.
At pagkatapos ibuhos mo ang iyong time, resources at panahon sa boyfriend mo at sa pag-aasikaso ng nakatakda ninyong kasal sa susunod na taong 2024.
Sa ganyang paraan lamang, luluwag ang konsensya mo, maiibsan ang iyong problema at kahit na ano pa ang birthdate at zodiac sign ng boyfriend mo, pero mas maganda sana kung siya ay isang Aquarius o kaya’y Gemini at may birth date na 4, 13 22 at 31, tiyak ang magaganap, ang nakatakda n'yong bubuuin pamilya sa 2024, ay siguradong uunlad, at panghabambuhay na magiging maligaya.